Tungya Poem by Pacific Hernandez

Tungya

Ang Tungya ay umang na tulad ay Bubo
Isang dulo'y bukas, ang isa'y sarado
Dalawang piye o higit, ganoon kataba
Maaring apat o limang yarda'ng haba
Ang bukas na dulo ay siyang bunganga
Di tulad ng bubo, 'Galaw' siya ay wala

Sa mga pang-umang, ang galaw ba'y ano?
Ito ay pasukan, ang hugis ay kono
Ang isdang pumasok ay tuloy sa 'Hoyo'
Sa salitang barrio, ang hoyo'y ano ba?
A point of no return, in short ay huli na

Tungya ay yari sa mahabang kawayan
Na tinilad-tilad upang maging tadyang
Ng Lapat na lapad saka nilalahan
Na paikot-ikot, siyang naging katawan

Ng kuyagot ito ay sinusuksukan
Mula sa bunganga hanggang sa duluhan
May tali't pabigat ito'y ihuhulog
Kung saan malalim na parte ng ilog
Ang laging 'palaman', siit ng sampalok
Na ng mga hipon, gustong pinapasok
Nama'y sinusundan ng isda at palos

Paglipas ng ilang linggo o 'sang buwan
Ito ay panahong tama't katamtaman
Upang ang tungya ay mahango't mapandaw
Ang mga papandaw ng bangka ay sakay
Ang lubid na tali nilay hihilahin
Nang tungya'y mahango mula sa ilalim
At saka dadalhin sa aplaya't kati
Upang ang kuyagot ay ipa-isang tabi
Mga isdang sukol na ay maaani

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success