Nakayakap Ang Giftwrapper Sa Dilim. Poem by haidee blanche

Nakayakap Ang Giftwrapper Sa Dilim.



There’s time to spare. This is one of the things I wasn’t prepared for – the amount of unfilled time, the long parenthesis of nothing.

–Atwood, Margaret.


Nakayakap ang giftwrapper sa dilim.


Biglaan ang paglukso ng puso ko; nakakapigtal ng paghinga – parang nanggigigil, tila kumikitil… dito sa diumano’y nalulumbay na kaluluwa. Biglang talon ng puso ko – nanikip ang pagsagap ng umaga. Hindi dahil sa simpleng gulat. Nakakabigla dahil matagal akong nakatulala sa malawig na pisara ng mga imaheng nakakaduling, nakakahilo, nakakapaso… matagal akong nakatulala, nakatunganga, nagtataka.

Madalas ay nababasa ko ang ibig ipahiwatig ng mga talinghaga niya. Ngunit sa pagkakataong ito, matagal akong napa-tanga. Nakakabobo. Alam kong alam ko to. Pero ano? Siya ba ito? O ako?

Masakit pa rin ang dibdib ko. Dahil sa biglang lundag ng puso ko – sing bilis ng pagtalon niya papasok, palabas, papasok uli, at palabas ng mundo ko. Ambilis… antulin ng pagdabog ng puso ko. Naalala ko tuloy ang mga araw na titingin siya sakin, huwag ko raw siyang asarin. Ambilis… antulin…

Dahan-dahan kong kinakalma ang baliw na pagtulak ng dugo sa aking sistema. Alam ko dapat ang sagot sa bugtong niya.

Namilog ang mala-alkansya kong mga mata.

Ako ang bigong ilang panahon nang natututong mamaluktot sa igsi ng kumot. Walang hangaring magtalukbong, matapang kong tinititigan ang mundo, sa iisang anggulo. Kung saan bumato ang kamulatan ng mga mata ko, tititigan ko. Hanggang unti-unting malusaw ang oras na malupit na hinahampas sakin ng relo sa aking kanan.

Abala akong tao. Bihirang mabakante ang mga ginintuan kong minuto. Maraming naniniwala na dose-dosena marahil ang silbi ko sa mundo – dahil lang sa abala akong tao. Luho ang pagdantay ng aking ulo sa kahit saan, upang payagang lumatag ang talukap ng aking mga mata at pansamantalang dumuyan sa kawalan ang hapo kong isipan.

Pero ang hindi nila alam – marahil hindi rin niya alam. Abala man o hindi. Ganoon ako gabi-gabi.

Mag-isa man o hindi. Ganoon ako gabi-gabi. Dinidilat ang mugtong alkansya, nirerepaso ang mga naipong barya, sa mahigit dalawang dekadang pag-iisa. Alam kong nandyan Siya. Alam kong nandyan Siya.

Ngunit Siya rin naman mismo ang lubos na nakakabasa sa nanlalabo kong puso. Niluma ng panahon, pinalungkot ng mga kahapon. Hitik sa biyaya ang buhay ko. Kailanman, hindi dumampi ang konseptong tinatatwa ako ni kapalaran kung bakit ang puno-sa-biyaya kong mundo ay may madidilim na yugto.

Alam kong nandyan Siya. Kahit masyado na kong nanghihina. Alam kong nandyan Siya. Kaya binibigyan Niya ako ng laya. Ganap at sinsero, hawig ng pag-ibig Niyang walang kondisyon, di gaya ng mga tao. Alam kong nandyan Siya. Kahit araw-araw ko Siyang pinaluluha. Alam kong nandyan Siya. Na kahit hinihibang na ko sa mga bali-balikong paglundag ng marupok kong puso, nandyan Siya para saluhin ako.

Ngunit ang pares ng alkansya ay nakatitig pa rin sa isang tabi, malabo ang makaaninag ng ngiti, sa malamig at patlang kong labi. Alam kong nandyan Siya. Pero marahil sa dami ng mga lipas na kuwentong humamon sa kapasidad kong magmahal – ganito na lang talaga ako gabi-gabi.

At kahit madalas akong mawala, alam ko rin na andyan ka.

May tangan ding barya, dahil may sarili kang pares ng namumugtong alkansya.

March 28,2008

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success