Ikot Ng Buhay Poem by Avery Eglantine

Ikot Ng Buhay

Sa mabilis na pag-agos ng dalisay na tubig
minsa'y dumaraan sa daang makikitid
sa muling pagsilay sa mundong mapanglupig
malabo't kontaminado na ng putik

Minsa'y itutulak ng mundo sa tuktok
ngunit singbilis ng kidlat sa pagbulusok
sa pag-pigil ng batong marupok
susugod! sitwasyo'y di pa nga arok

Sa maingay nitong paglagaslas
sa pagbagsak mula sa itaas
lahat marahil may katumbas
tatahimik pag bula'y kumupas

sa kontaminadong tubig, ako'y sisisid
didilat at raramdamin ang hapdi
sa karimlan tila nakapiit sa bilibid
ngunit papapakin ng nagugulami

tagtuyot marahil ay isang trahedya
sa mga nasa ulap ay 'sang komedya
ngunit kaming sa lupa'y nakapirmi
marapat bang humanap ng masisisi?

kung di ang kaulapan o ang tala
sino nga ba ang may sala?
kung di ang ulang iniyak ng langit
Aming pangarap sino'ng guguhit?

Ang tubig man ay may katapusan
mangyaring pag-agos ay maulit
Marahil hindi parehong tauhan
ngunit iisang cenario ang sasapit.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success