Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 3) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 3)

Wala akong hinahabol na libro sa parehong paraan na wala rin akong iniiwasan. Ibig sabihin nagbabasa rin ako ng mga business at personal development books, kasama na ang The 7 Habits of Highly Effective People ni Stephen Covey, na ngayon ay ginawa nang 8 Habits, pero wala akong pakialam dahil limang taon na 'kong nakahinto sa kalagitnaan nito at wala pa rin akong nakukuhang habit.
Nasubukan ko na ring magbasa ng Tagalog romance dahil sa pagkakakilala ko sa isa sa mga writer nito. Sa kabilang dako, hindi pa 'ko nakakabasa ng mga horror story books na nauuso sa ngayon. Ayoko. Di kasi tulad ng horror movies na nawawala sa isip pagkapatay ng TV, medyo nakakapraning ang horror books dahil matagal 'tong nangungupahan sa imahinasyon.
Pumapatol din ako sa mga self-help books. Norman Vincent Peale, Og Mandino, Jack Canfield. wala akong nakikitang masama sa pagbabasa sa payo ng ibang tao na mas may alam konti sa survival sa mundo. Hindi ako takot na malaman ang pananaw nila, dahil sa huli opinyon ko rin naman ang masusunod.
Si NV Peale ang karamay ko dati sa mga paghihirap bilang estudyante. Oo, palpak ang naging ending ng kwento at hindi n'ya ko naisalba. Pero naisip ko ring hindi naman Aspirin ang mga libro na mabilisang gagamot sa mga problema ko. Ang totoo, ilang taon muna ang lumipas bago ko naintindihan ang mga pinagsasabi nila. At hindi man nila ako direktang natulungan sa problema, nagkaroon ng maliit na kwarto sa utak ko na para lang sa mga positibong pananaw sa mundo. Tingin ko lahat ng tao dapat meron no'n.
Elementary pa 'ko nagbubuklat ng Bible, pero college na nang matapos ko ang New Testament. Kailangan mo bang mabasa 'to? Sa maraming dahilan, oo. At hindi man pang-espirituwal, importanteng mabasa mo ang pinakamakasaysayang libro na naglalaman ng pinakamaimpluwensyang kwento na naging bahagi at basehan ng panitikan ng sangkatauhan.
Sa puntong 'to, aaminin ko ang kahihiyang wala (pa rin) akong alam sa mga (beteranong) manunulat ng Pilipinas (bagama't kahit papano ay nabasa ko na ang Gapo at Dekada '70 ni Lualhati Bautista nito lang 2001) . Ipinagmamalaki ko ring (naging) tagasubaybay ako (dati) ni Jose Guevarra at (masugid na) tagahanga ni Cirili F. Bautista.
Si Mr. Guevarra ang (isa sa mga) una kong naging impluwensya. Samantalang si Mr. Bautista naman ang (isa sa mga) taong una kong pinasalamatan nang mailabas ang mga libro ko. Limitado man ang kaalaman ko sa mga (Pilipinong) manunulat (at wala akong hilig sa tula) , hinangaan ko si Mang cirilo dahil (sa kabila ng kasanayan n'ya sa pagsusulat) hindi naging elitista ang mga sulatin n'ya sa Philippine Panorama; di tulad ng iba na sila lang (at ilang piling manunulat) ang nakakaintindi ng mga gawa nila. Ang mga kwento ni Mr. Bautista (sa pagsusulat) ang naging inspirasyon ko (nang maraming taon) habang nakikiramdam pa sa takbo ng sarili kong ballpen.
'Parenthetical remarks (however relevant) are unnecessary.'
-Frank L. Visco
Taong 1993 nang makilala ko ang paborito kong manunulat. Ipinakilala sa akin ng isang hindi naman sikat na programa sa telebisyon. Dahil tunog interesante ang binanggit na libro, bumili ako ng kopya.
Noong una, nanghinayang lang ako. Pagkabasa ng ilang page, naisip ko: Yun na yon? ! Pero itinuloy ko pa rin ang pagbabasa, pinili gustuhin ang pinag-aksayahan ng pera.
Pero bago pa man marating ang kalagitnaan ng libro, unti-unti ko nang nakakasundo ang author nito. Nakikitawa na 'ko, sumasang-ayon ng opinyon, napapaisip, nalilibang. Pagkatapos kong basahin ang una n'yang libro, bumili kaagad ako ng ikalawa. Tapos ikatlo. Ikaapat. Ikalima. At ang dalawa ko pang kulang na wala sa bansa, natanggap kong regalo mula pa sa Amerika.
May konting pagkakahawig ang buhay namin at takbo ng pag-iisip, pero masaya akong hindi ko maaabot ang galing n'ya sa pagsusulat at lalim ng pananaw sa mundo. Ibig sabihin habang buhay akong may titingalaing idolo.
Ikinukwento ko rin minsan ang mga ikinuwento rin sa kanya ng iba. Kung kilala mo s'ya, alam mo ang sinasabi ko. Pero wala pang nakapagsabi na pareho kami magsulat. Swerte nga dahil sa kabila ng pang-iidolo e hindi naman ako nakulong sa istilo ng iniidolo-problemang madalas sapitin ng mga tagahanga. Siguro dahil na rin sa may iba pa 'kong impluwensya sa pagsusulat. (Halimbawa: Drugs)
Hindi naman sinasadya, tapos na 'kong magsulat ng ilang libro nang mapansin kong may pagkakahawig pala ang mga una naming gawa. ABNKKBSNPLAko? ! ang akin, All I Really Need To Know I Learned In Kindergarten and kanya. Ang libro n'ya ang ikalawa kong Bibliya.
Fan man ako o wannabe, ipinagmamalaki kong dimapapantayang idolo at impluwensya si Robert 'Bob' Fulghum.
Gusto ko rin ang How I Got This Way ni Patrick McManus, ang unang librong tungkol sa totong buhay na nakapagpatawa sa akin. Bonus pa ang ending dahil ikinuwento ng author kung paano s'ya nauwi sa pagsusulat.
Naging inspirasyon ko rin ang kwento ni Alex Haley noon (na natanggap ko lang bilang forwarded email) tungkol sa pagiging manunulat. Hindi ko siguro mauumpisahan ang una kong libro kung hindi ko yon nabasa. Alam mo na ngayon kung sino ang dapat sisihin.
Bukod kay Robert Fulghum, iniidolo ko ring manunulat si Dave Barry. Kahit na nagsusulat na 'ko ng mga libro nang mabasa ko ang ilan sa mga gawa n'ya at di naman nito masyadong binago pa ang paraan ko ng pagsusulat, hindi ko rin masasabing hindi n'ya 'ko naimpluwensyahan.
May mga kabataan noon na biktima yata ng heroin ang nagsabi namang tinagalog na J.D. Salinger ang istilo ng pagkakasulat ko sa Bobong Pinoy. Pero medyo malayo na yata yon, sa tingin ko, dahil masyado nang madilim ang mundo ni Salinger para sa akin.
Sa ngayon, hangga't maari iniiwasan kong magbasa ng mga librong may kaparehang tema ng sa akin dahil ayokong gaanong maimpluwensyahan o maikumpara sa iba, kahit na hindi naman talaga yon naiiwasan. Di rin ako natutuwa pag nakikita kong may mga nakagawa na pala ng mga gusto ko pa lang gawin, pero napayuhan ako ng editor ko na hindi naman daw laging paligsahan ng pakikipag-unahan ang pagsusulat. Oo nga naman. Kaya nangangalap ako ngayon ng milyun-milyong pirma para ipagbawal na ng United Nation sa lahat ng bansa ang originality.
'I know not, sir, whether Bacon wrote the works of Shakepeare; but if he did not, it seems to me that he missed the opportunity of his life.' - James M. Barrie
Naniniwala akong walang manunulat na kahit isang beses sa buhay n'ya e hindi nagkasala ng panggagaya. Mahirap kasi iwasan ang dalawang pagkakataong nagtutulak sa kanya dito: Isa, ang sobrang paghanga sa nabasa na hindi n'ya na kayang isulat pa nang mas maganda; at pangalawa, ang katamaran o pagtakas sa tawag ng pag-iisip. Kadalasang dahilan ang unang nabanggit, lalo na sa baguhan o mga batang manunulat.
Sa kasalukuyan, nagkukwento rin ako ng mga kwento ng iba, na kwento rin sa kanila ng iba pa, na ipinasa ring kwento ng iba. Pero maingat kong iniiwasang angkinin ang kwento, at pilit na hinahanap ang may akda kung meron man at kailangang banggitin.
Ayon kay pareng Webster, ang plagiarism ay ang paggamit at pag-angkin sa ideya o trabaho ng iba. Sa mga linyang ito tumakbo ang isang mainit na usapin sa message board ng bobOngbooks. May estudyante kasing gumamit ng isang kwento sa librong ABNKKBSNPLAko? ! para sa school organ nila. Dahil walang acknowledgment, lumalabas na inangkin ng nasabing manunulat ang hiniram na kwento.
Pero hindi yon ang unang pagkakataong nakita ko ang gawa ko sa pangalan ng iba. Minsan napapa-iling na lang ako at natatawa dahil naaalala ko ang kabataan ko. Alam ko ang pakiramdam ng manunulat na gustong sabihin ang nasabi na ng iba. Sa ganoong pagkakataon, isa lang ang payo ko: Wag mong sabihin. Kung pipilitin mo, maglalari ka lang sa ideya ng iba. Sa kaduluduluhan, mauuwi ka rin sa panggagaya.
Hindi lahat nabibigyan ng pagkakataong magsulat. Hindi lahat nabigyan ng boses sa papel. Ang iba na nakukuntento na lang sa ilalim ng tulay o upuan ng bus. Kaya di dapat sayangin ang pribilehiyo na mailapat ang isip sa isang babasahin. Kung may pagkakataon ka na gawin ito-pusanggala, ipayakap mo ang buong papel sa sariling salita! Wag na wag mo 'tong patatapakan sa iba. Angkinin mo ang bawat sulok ng espasyo na ipinagkatiwala sa'yo. Dahil hindi ka nadadagdagan sa paggamit sa mga sulating hindi mo gawa, nananakawan ka lang ng napakahalagang punasan ng tinta.
Dahil maikling kurso ng pagsusulat noon kaya ko natutunan ang pagsilip sa book review section ng mga dyaryo. Doon ko nabalitaan ang librong The Writing Life. Mataas ang presyo para sa isang estudyante, pero binili ko pa rin. Para lang pala madismaya ulit...dahil maling libro ang nabili ko. Mali, mahal, at hindi ko pa maintindihan.
Makaraan ang ilan taon, sinubukan ko ulit basahin ang librong nabili nang di sinasadya. Malaki ang naging pagkakaiba dahil sa wakas ay naintindihan ko na. Parang bagong bili. First time na nagsigawan ang mga salitang hindi ko narinig dati.
May isang pagkakataong binalak kong wag nang tapusing isulat ang una kong libro. Sa dinami-dami ng version, revisions, at mga kinalimutang pangyayari na kailangan nitong ipaalala sa akin, surrender na 'ko. Pero nakakita ako ng inspirasyon sa The Writing Life. Lalo na nang mabasa ko ang dedication page nito: 'For BOB.'
Nagkakantiyawan kami ng isang kaibigan sa Internet dahil meron din pala s'ya ng librong Gusto Kong Maging Writer. Kung madalas kang tumambay sa mga bookstore, malamang kilala mo rin yung librong yon na isinulat para sa mga gustong makapagsulat ng Tagalog romance novelettes. Binili ko yon noon habang nag-aaral ng pagsusulat para matuto sa kapwa Pilipino. Malaman naman yung libro, kung tutuusin, kaya nga nagpapasalamat din ako sa author nitong si Renato M. Custodio, Jr. Medyo nakakatawa nga lang dahil sa kawalan ng mga writing reference ng Pinoy, di lang pala talaga ako ang nakisalo na sa handbook na para lang sana sa mga manunulat ng romance.
Isa pang kwento: Noong mga panahong nagsusulat ako ng ABNKKBSNPLAko? ! e nakita ko sa mga bookstore ang itim na libro na may pamagat na (kung hindi ako nagkakamali!) Diksyotawa. Parang Pinoy version ng Devil's Dictionary ni Ambrose Bierce, na nakakatawa naman, para sa akin. Pero mas naging interesado ako sa nasabing libro dahil alam kong self-published ito at hindi gawa ng mga sikat na publisher sa bansa. Nang tingnan ko ang bandang dulo kung saan may personal na kwento ang author, lalp pa 'kong naengganyo dahil may pagkakahawig ang buhay namin. Pero hindi ko pa rin nabili yung libro sa kabila ng maraming pagtatangka dahil medyo mahal ang presyo nito, lalo na para sa isang Pinoy joke book. Siguro dahil na rin sa konti lang ang ipina-publish ng author/publisher kaya hindi na napababa ang presyo.
Binanggit ko rito ngayon ang Gusto Kong Maging Writer at Diksyotawa bilang pagpapasalamat sa mga gumawa nito at nagbigay sa akin ng lakas ng loob. Kung makakatulong din sa pagbubukas ng pinto ang mga libro ko para sa iba pang Pilipinong author na meron ding mga nagtataeng ballpen, masaya na 'ko.
GAWAING PANSANAY
1. Sa iyong pananaw, bakit tinataihan ng ibong Adarna ang mga tao pagkatapos nitong maghandog ng awit? Nakaranas ka na ba ng ganito sa isang concert?
2. Bakit laging may mga nakatayong buhok si Niknok sa Funny Komiks?
3. Bukod sa librong 'to, may iba ka pa bang librong nabasa sa buong buhay mo? Mamatay ka man? !
4. magsaliksik at ilarawan ang ating panitikan gamit ang mga ginupit na litrato sa FHM.
'I write at eighty-five for the same reasons that
impelled me to write at forty-five; I was born
with a passionate desire to communicate, to
organize experience, to tell tales that dramatize
the adventures which readers might have had.
I have been that ancient man who sat by the
campfire at night and regaled the hunter with
imaginative recitations about their prowess.
The job of an apple tree is to bear apples. The
job of a storyteller is to tell stories, and I have
concentrated on that obligation.'
- James Michner
The World is My Home
'Kung may genie na magbibigay katuparan sa lahat ng kahilingan mo pero hindi mo pwedeng gawin ang isang bagay na pinakagusto mong ginagawa, papayag ka ba? '
Yan ang tanong ko dati sa illustrator at kaibigan kong si Klaro. Ang n'ya, hindi n'ya raw pwedeng tanggapin ang alok dahil ikamamatay n'ya yon. Sumang-ayon ako. Kahit wala akong gana minsan, hindi ko rin maisusuko ang pagsusulat sa parehong paraan na hindi n'ya maisusuko ang pagdo-drawing. Pero humirit s'ya: 'Anong drawing? ? ? Pagkain ang gusto ko! Mamamatay ako kung pagbabawalan ako kumain! '
Lalong interesante ang mga libro kung iisipin mo ang tsismis tungkol sa 'tama' ng mga taong nasa likod nito. Halimbawa, bago raw magsulat si Stephen King ay kailangang meron s'yang tugtog, at may vitamin pill at isang basong tubig o tsaa sa tabi n'ya. Si Alexandre Dumas kumakain muna ng mansanas. Si Schiller humihithit ng bulok na mansanas. Si Colette nagkukuto ng pusa. Si Willa Cather nagbabasa ng Bible. Si Hart Crane nakikipag-party sabay biglang sisibat para humarap sa typewritter.
Pagtatasa naman ng lapis ang trip ni Hemingway. At dahil sa problema sa likod, nakatayo s'yang magsulat. Ganon din sila Thomas Wolfe, Virginia Woolf at Lewis Carroll. Sila Robert Louis Steventson, Mark Twain at Truman Capote naman, mas kumportable raw nang nakahiga. Si Edith Sitwell humihiga muna sa ataul bago magsimula. Si George sand, nakikipagtalik. Si Voltaire, likod pa ng kapareha ang ginagawang sulatang mesa.
Si Henry David Thoreau ay may ugaling nakikipag-usap sa mga hayop. Si Louisa May Alcott, kumakanta sa ilalim ng buwan. Si Charles Dickens naglalakad ng tatlumpong milya araw-araw at tatlong beses humahawak sa ilang bagay para swertehin. Si Hans Christian Andersen may karatulang 'I am not really dead' sa tabi ng kama. Samantalang si Saing-Pol-Roux naman ay naglalagay ng 'The Poet is Working' sa labas ng pinto habang natutulog.
Lagi raw itim ang suot ni Edgar Allan Poe. Puti ang kay Emily Dickinson. At bukod sa hindi pagpapakita ng sulat kamay, hindi rin lumalabas ng bahay si Dickinson, tulad nina Beatrix Potter at J.D. Salinger. Naka-overall si Allan Gurganus pag nagsusulat. Si John cheever, underwear lang. Si Forest McDonald, walang saplot. Ganon din sina Benjamin Franklin at Victor Hugo. Si D.H. Lawrence nga umaakyat pa raw ng puno.
Yung pinakamaitim na tinta lang ang ginagamit ni Kipling. Si Gertrude Stein ay sa driver's seat ng kotse nagsusulat ng mga tula. At si Aldous Huxley, gumagamit ng ilong sa pagsusulat. Wag mo nang itanong kung paano.
Umuubos ng 25 na tasa ng tsaa si W.H. Auden sa isang upuan. Singkwentang tasa ng kape naman sa isang araw ang kay Honore De Balzac. Ikinamatay n'ya yon. At matapos magsulat ng libro, itinigil na ni Djuna Barnes ang alak at sigarilyo, sabay tinanggal lahat ng salamin sa sarili nitong tirahan.
Nagyelo sa lamig at namatay si Tolstoy sa gilid ng riles ng tren matapos ipamigay ang lahat ng kayamanan. Naparalisa ang parehong paa ni Alfred Jarry, ang huli n'yang kahilingan bago mamatay: toothpick. Dahil naman sa nalunok na toothpick kaya nagkakumplikasyon ang sakit ni Sherwood Anderson na naging sanhi ng kamatayan n'ya. Si Tennessee Williams, nabulunan sa takip ng bote. Pag-inom ng disinfectant ang tumapos kay Vachel Lindsay. Si virginia Woolf, nagpakalunod sa ilog matapos punuin ng mga bato ang bulsa n'ya. Si Sergie Esenin, nagbigti matapos sumulat ng tula gamit ang dugong nanggaling sa nilaslas na pulso. Di nakuntento sa isang suicide lang.
Inatake sa puso si Faulkner matapos malaglag sa kabayo. Si Hart Crane, basta tumalon sa karagatan mula barko at nagsabing 'Goodbye everybody.' Si Hemingway, nabaril sa ulo. Baril din ang ginamit ni Robert E. Howard sa sarili para sabayan ang pagpanaw ng comatose na ina. si Anne Sexton, idinaan sa carbon monoxide.
Si Seth Morgan, nagpatalon ng motorsiklo mula Golden Gate Bridge papuntang San Francisco Bay. At si Sylvia Plath, nagpasok ng sariling ulo sa oven. Sariling. Ulo. Sa oven. Perfect 10!
(Note: Kids, don't try this at home. Ang gumaya ng mga nabanggit, walang originality. Saka susulatan ang nitso ng 'KSP' at 'Mamatay na sana! ')
May katigasan ang mukha ko para ihanay ang sarili sa mga nabanggit na writer pero para lang sa kapakanan ng kwentuhan babanggit na rin ako ng ilang personal na kaabnormalan.
Hindi ako nakakapagsulat nang may tugtog kahit anong tugtog ayoko ng maingay hindi ako nakakapagsulat pag makalat ang paligid marumi ayos lang pero makalat hindi hindi rin ako nakakapagsulat pag masaya kailangan mag-isa lang ako tahimik at malungkot pero hindi masyado dahil pag nasobrahan ang lungkot o kung meron akong malaking problema inaantok ako matakaw ako sa tulog nagsasalita ako pag tulog at weird ang mga panaginip ko kung Olympic sports ang pagtulog nasa national team ako silver o bronze medalist
Mabalis mapagod ang mata ko sa pagbabasa ng libro o panonood ng TV ito rin ang dahilan kaya hindi ako pumapatol sa mga E-books matipid ako sa papel kaya lang yata ako nakapag-aral ng computer e para masanay sa keyboard at matuto mag-typre natigil ang hilig ko sa kape nang mauso ang mga mamahaling kapihan sa bansa
Marami akong kumain pero wala sa oras ang pagkain wala sa oras ang pagtulog wala sa oras ang pagligo tamad ako maligo dahil wala naman yun sa sampung utos ng Diyos naniniwala akong bilang alagad ng sining obligasyon kong mangamoy
Hindi ako kyut hindi ako 'funny' hindi ako 'cool' kung cool ako dapat nag-iikot ako ngayon at nakiki-high five sa mga tao habang nagsasabi ng 'dude' sa bawat dulo ng pangungusap at hindi nag-iisa habang naghahanap ng hidden Mickey sa mga ulap
Meron lang akong dalawang makasariling pangarap sa buhay ang makapag-zorb sa New Zealand at masaksihan ang Aurora Borealis yun lang saka maging milyonaryo lang konti
'The older I grow,
the less important the comma becomes.
Let the reader catch his own breath.'
- Elizabeth Clarkson Zwart

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success