Ang Paboritong Libro Ni Hudas - Bob Ong(Part 3) Poem by opium lestre

Ang Paboritong Libro Ni Hudas - Bob Ong(Part 3)

DEPIR
Alam ko, wala akong gaanong naikwento tungkol sa mga barbero sa librong 'Mga Kwentong Barbero.' Kaya nga kung uupo ka na ngayon sa barber's chair e uumpisahan ko na ang gupitan para di sayang ang oras.
Hindi ko alam sa mga batang babae, pero ang batang lalake, sa sandaling tubuan ng buhok kahi na kasinghaba pa lang ng mga himulhol ng damit, e pinagdidiskitahan na kaagad gupitan ng mga sabik na magulang.
Mommy: Honey, tignan mo, may buhok na si Junior!
Daddy: Oo nga! Madali, kunin mo yung papel de liha! ! !
Kabaligtaran sa mga kanluraning bansa na bihasa sa mga do-it-yourself na home renovation, ang dinu-do-it-yourself dito sa Pilipinas ay ang ulo ng mga batang lalake.
Mommy: Kamusta ho ang baby ko, Doc?
Doctor: Congratulations, Misis! Lalake ang anak n'yo. Daanan n'yo na lang sa reception yung complimentary electric razor paglabas ng hospital.
Pansinin mo, sa Amerika ba mukhang shaolin ang mga bata? Hindi. Pero sa Pilipinas, oo. Bakit? Dahil ito ang nagiging resulta ng paggupit ng isang maalam na barbero bilang pagsaklolo sa mga batang pinagpraktisan ng tatay nila. Last resort. Ito ang tinatawag ng simbahan na 'Sins of the Father.' Paano ito nagaganap?
Daddy: Dumdidumdidum...hmmm...ano kaya ang magandang gawin ngayong Linggo ng umaga? (Sa ilang sandali ay magiging scientist ang tatay at makakadiskubre ng isang bagay.)
Daddy: Anak...mahaba na ang buhok mo! (Sa ilang sandali ay barbero na ang tatay at hostage na ang anak.)
Daddy: 'Wag kang magulo...sandali lang 'to! (Sa ilang sandali ay barbarian na ang barbero.)
Daddy: Sige, masusugatan ka! ! ! (Sa ilang sandali ay surgeon na ang barbarian.)
Daddy: Idiin mo lang yung bulak para tumigil ang pagdurugo! (Bawas dito, bawas doon. Sa ilang sandali ay kailangan nang magsinungaling ng surgeon.)
Daddy: Konti na lang, anak, hawig mo na si Niño Muhlach noong 1978. (Sa bandang huli ay maaalala ng tatay na meron na ngayong Bantay Bata, saka n'ya lang aaminin sa sarili na mukha nang itlog na may bangs sa bumbunan ang sariling anak.)
Daddy: Naku, may laban pala ngayon si Holyfield sa TV! Takbo na lang kayo ng mommy mo d'yan sa barberya sa kanto, anak. Balikan mo na lang yung isa mong tenga mamaya...hindi ko alam kung saan gumulong e...
Sabi nga nila, highly skilled ang Pilipino. Ultimo pagpapagupit sa mga anak, ayaw iasa sa mga barbero. Pero kung sa bagay, iba na nga rin naman yung nakakatipid. Lalo na kung sa mga pambatang barbershop sa mga malls mo pa pagugupitan ang anak mo ngayon. Para ka na ring nag-downpayment pambili ng bahay na may swimming pool sa rooftop.
Nung kabataan ko, si Mang Ausan lang magiting na barbero sa lugar namin. Maliit lang ang barberya n'ya.3-in-1. Barberya, bahay, tindahan. Hindi pwedeng i-ikot ng 360 degrees ang barber's chair dahil mauuntog ka sa altar ng Our Lady of Fatima. Kailangan ding tumigil ni Mang Ausan sa paggugupit maya-maya dahil (1) nagtitinda s'ya ng mga itlog, miswa, niyog, kandila, at iba pa, at kailangan n'yang magsukli, (2) naglalaro s'ya ng dama, (3) nanonood s'ya ng TV, at (4) kailangan n'yang idura ang hindi maubos-ubos na plemang laging nagpapatintero sa lalamunan n'ya. Ganoon si Mang Ausan, parang Microsoft Windows, laging multitasking. Pero ayos s'ya maggupit. Laging pulido at malinis. Paglabas mo ng barberya n'ya, para kang laging bagong kumpil. 'Yun nga lang, sa oras ng matapos ang pahinto-hintong gupitan, tatlong almusal na ang nalaktawan mo.
Pero napagkalakhan ko na rin si Mang Ausan. Hindi ko matandaan kung ano ang eksaktong nangyari. Naging madalas yata s'yang puno ng kliyente, at napilitan akong sumubok sa katabing unisex parlor. Na medyo hindi ko rin naman nagustuhan dahil ang gumupit sa akin noon e bading na problemado sa love life ni Vina Morales. Isipin mo na lang kung anong klaseng gupit ang magagawa sa'yo ng taong problemado sa love life ni Vina Morales. Pag-uwi ko sa bahay e muntik akong lapain ng aso namin dahil hindi ako nakilala. Habang hindi naman makahinga ang pusa namin sa katatawa.
Nagpalipat-lipat ako ng barberya pagkatapos noon. Simple lang naman ang hinahanap ko, basta magupitan ako nang disente at hindi ako magmukhang miyembro ng bandang 'Kiss.' Pero muntik na ngang ganoon ang mangyari dahil sa isang pagkakataon e napasok ko naman ang isang barberya na venue pala ng isang ongoing pot session. Cool! Kulay pula ang mata ng gumugupit sa akin. Katulad ng dati, para ulit akong ginupitan ng taong problemado sa love life ni Vina Morales.
Pero di nagtagal e nakakita na rin ulit ako ng barberong kasinggaling ni Mang Ausan. Babae. Madalas ako noon tanungin ng mga classmate ko, 'Bading ang gumupit sa'yo, 'no? ' Pag sinagot ko sila ng 'Tibo, ' nagtatawanan lang sila. Pero totoo ang kwento ko. Naisulat ko na ito sa diyaryo dati. Pulido ring gumupit si Merlyn ('yan ang pangalan n'ya) , kaya lang maagang nasira ang relasyon namin dahil lumipat s'ya ng barberya. Doon na s'ya ngayon sa ilalim ng tulay na may kalayuan sa amin. Kung dadayuhin ko pa s'ya doon para magpagupit, mahaba na ulit ang buhok ko bago ako makabalik ng bahay.
Pero kasinggaling din naman ni Merlyn si Jess, ang barberong pumalit sa kanya sa 'Smart Barbershop.' (Oo, 'yan ang pangalan ng barberya, dahil yata pagkatapos ng gupitan e hawig mo na si Jose Rizal.) Ang problema nga lang kay Jess e madalas itong mawala. Parang laging may appointment sa Pentagon.
Sa ngayon e may dalawang taon na akong walang permanenteng barbero. Magastos dahil de-aircon na pala ang mga barberya ngayon. At laging may masahe! Na hindi naman ako sigurado kung masahe o problemado lang yung mga barbero sa love life ni Vina Morales.
May nasubukan na rin akong barberong bading na kung ituring ang buhok e parang tao. Third person kung tukuyin n'ya ang buhok. Halimbawa: 'Saan natin S'YA babawasan? , ' 'Tumitikwas S'YA eh, ' 'Ayaw N'YA ng mataas! ' Akala ko nung una e meron s'yang kaibigang espiritu na s'ya lang ang nakakakita. Itatanong ko sana kung nakikita n'ya rin ang mga namayapa kong kamag-anak.
Nakapagpagupit na rin ako sa balatubang barbero. Hindi s'ya nagpapagpag ng buhok mula umpisa ng gupitan hanggang sa matapos. Mukha kang orangutan habang ginugupitan dahil tambak ka ng buhok sa buong katawan. Ipapagpag n'ya lang ang puting tela pag tatayo ka na. At talagang pagpag ang gagawin n'ya! Sasabog ang buhok mo sa ceiling fan at uuwi kang may buhok sa loob ng baga. Bukod sa kanya, nasubukan ko na rin an barberong parang magbe-bake ng cake kung maglagay ng pulbo, at isa pa na parang pumapatay ng sunog pag nag-spray ng tubig sa buhok mo. Matindi. Mukha kang galing sa sinapupunan paglabas mo ng barberya.
Sa isa pang pagkakataon e natapat naman ako sa barberong mangangaral ng Revised Family Code. Maigting n'yang ipinapaliwanag ang importansya ng sakramento ng kasal habang gumugupit. Nang hindi makuntento e ipinakita n'ya pang nasa drawer n'ya lang lagi nakatabi ang Family Code at Philippine Constitution, kasama ng mga suklay, gunting, at labaha. Walastik talaga. Siguro kung meron pa s'yang ino-offer na SSS seminar habang naggugupit, mas makikinabang ako. O kaya poetry reading. O recital ng Iliad at Homer. O a cappella ng mga kanta ni Eric Clapton. Minsan nga ipinagdarasal ko bago matulog sa gabi...sana...sana lang talaga...maayos na ang love life ni Vina Morales...

Malaking porsyento ng problema ko sa pang-araw-araw na buhay ay ang kahinaan ko sa direksyon. Hindi ko alam ang north, east, south, west. Hindi ko matandaan ang mga lugar at daan kahit na napuntahan ko na ito nang tatlong beses. Kung naging laboratory rat ako, tiyak ako lang ang laging trapped sa maze at hindi ako pakikinabangan ng mga scientist. Kung anging pusa ako, hindi mo na 'ko kailangan dalhin sa malayo para iligaw. Ilabas mo lang ako ng pintuan, hindi na 'ko makakabalik. Kung kidnap victim ako, hindi na 'ko kailangan i-blindfold. Kahit makita ko ang dadaanan ng sasakyan, hindi ko rin malalaman kung nasaan ako. Kaya tiwala sa akin ang mga magulang ko dati na hindi ako magiging lakwatsero. Dahil tiyak pupulutin ako sa himpilan ng radyo pag nagkataon: nawawala at nananawagan.
Nagising ako kaninang alas-sais ng umaga. Masyadong maganda ang pagsikat ng araw kaya napasilip ako sa labas, suot ang sports sandals at damit pantulog: lumang pulang P.E. shirt, green shorts, fatigue jacket, at dark blue na medyas. Di na 'ko nahiya kahit makita ng mga kadalagahan sa katabing apartment.
Okay yung weather, sayang yung pagkakataon kung magsusulat ako at magkukulong sa building kung saan ako lang ang tao. Dali-dali akong bumalik ng kwarto, nagubad ng jacket at medyas, nagpalit ng khaki shorts at puting t-shirt, nagtanggal ng muta, at nagplantsa ng buhok gamit ang mga daliri, matapos maihanda ang mga camera para sa isang 'Kodak Day.'
(Nga pala, ang bahaging ito ng libro ay may pamagat ng: Bakit May Mga Tanga sa Mundong Ibabaw? ')
Camp John Hay ang una kong destinasyon. At dahil wala naman talagang partikular na attraction sa Camp John Hay bukod sa pagiging Camp John Hay nito, bumaba kaagad ako ng taxi at nagpasyang ikutin nang naglalakad ang lugar. Okay naman sa umpisa. Aspaltado ang daan, at mga nakangiting tao ang nakakasalubong ko. Pero dahil ayoko yung boring at dahil ako'y tanga, sinubukan ko ang mga 'road less travelled' sa nasabing lugar. Ibig sabihin, napunta ako sa mga singit ng kampo kung saan nakapaskil ang notice na 'No Entry'...at tumuloy pa rin ako!
Ang totoo, nung una e nagda-dalawang isip pa 'ko. Pero nung masilip kong mga kabayo ang tinutumbok ng daan na 'yon - isang photo opportunity - nakalimutan ko na bigla ang tungkol sa 'No Entry' sign. Nakita ko ang dalawang tao na nagpapaligo ng kabayo. Tinanong ko sila kung may daanan ba doon. 'Yun na rin yata ang paraan ko ng pagtatanong kung totoo bang 'No Entry' ang napasok ko. Pero dahil sinabi naman nilang meron ngang daan doon sa halip na pagbawalan ako, inisip kong legal ang ginagawa ko. Ang siste, hindi ko naitanong kung matino ba silang kausap at hindi sila nakainom ng gaas. 'Sundan n'yo lang ho yung beaten path, ' sabi nila.
Ganito ang buong akala ko: Galing doon, lalakad-lakad lang ako. Makakakita ng mga damo, puno, at maraming kabayo. Marami akong makukunan ng litrato. Matutuwa ako. Tapos makikita ko na ulit yung Aspalto at yung mga nakangiting tao. 'Yun ang buong akala ko. Pero linsiyak talaga ang mga beaten path kahit kelan. Malay ko bang mistulang maze pala ang mga sanga-sangang beaten path doon. Ayos din yung lupa dahil sobrang putik, kung hindi man e madulas. Isipin mo na lang kung paano mo aakyat-babain ang mga 3 meters high-50 degrees slopes! Meron ngang isang ranger doon na nagmaniobra sa isang kabayo paakyat. Galing! Parang commercial ng Marlboro. Akala ko nga papalpak yung ranger at sabay sila ng kabayo n'ya na gugulong pabalik sa baba...pipiktyuran ko sana!
At alam mo, weird pala makakita ng kabayo sa gubat. 'Yun bang kabayong nag-iisa, walang kutsero, walang karetela, walang tapaoho, walang saddle. Parang wild. Hindi ka sigurado kung kabayo nga ba 'yon o engkanto. Meron nga akong isang kinatakutan doon. Maingay kasi masyado at mukhang bayolente, 'yun yata yung pumilay kay Christopher Reeves.' Nag-ingat ako dahil baka mabulabog at biglang sumugod at manipa. Pero tamang-tama na kung kelan naman sumagi sa isipan ko ang salitang 'ingat' e saka naman ako nadulas at bumagsak sa putikan nang una ang pwet...ARAGUY! ! ! Walangya. Slope 'yun, kaya di lang ako basta bumagsak...dumausdos pa ako pababa! Nadagdagan yata ng ilang pounds yung bigat ko kanina dahil sa kapal ng putik na kumapit sa t-shirt ko. Ang masaklap pa, hindi ako naglalaba ng damit. Umaasa lang ako sa babad at 'No-Kuskos' powder na sinasabi sa commercial ng mga detergent powder. Biglang umikli ang life span ng shorts ko. Gagamitin ko pa dapat 'yun ng labinlimang beses bago labhan. Bukod d'yan, inalala ko rin ang camera ko. Malas. Nadaganan ko pa yata yung isang nakasabit sa balikat ko. Tsk, tsk...alas-otso pa lang ng umaga. Malas talaga.
Tumayo ako at inisip na bahagi pa rin 'yon ng adventure. Sinubukang ituloy ang pagso-solve sa maze na gawa ng mga pesteng beaten path. Tahimik na ang bayolenteng kabayo, ninerbyos yata sa nangyari sa akin. Daloy na lang ng tubig sa malaking kanal ang naririnig ko. Hanep sa view, puero puno lang ang makikita mo sa paligid, at araw sa ulunan. Parang setting sa fantasy film. Pero mahirap kumuha ng litrato dahil wala akong makitang interesante sa lugar na basa at maputik. Isa pa, abala na 'ko sa paghahanap sa sign na nagsasabing 'EXIT, ' o 'AYAWAN NA, ' o 'GAGO, BA'T SUMUOT KA DITO? ' Kahit ano doon, pupwede, basta't makalabas lang ako ng gubat.
Kumpirmado: naliligaw na 'ko. Pero hindi pa rin ako nagtanong sa isang binatilyo na nakasalubong ko. May dala s'yang mga tuyong damo, pagkain ng kabayo. Ayokong isipin n'ya na bobo ako. Kaya nagpatuloy akong magpaikot-ikot sa loob ng kagubatan sa loob ng tatlong-daang taon. At doon naisip kong baliktarin ang t-shirt ko. Hindi dahil sa naliligaw na 'ko at naniniwala ako sa pamahiin, kundi dahil sa...ummm, maputik ang damit ko! Oo, peksman. Dahil lang talaga sa putik kaya ko binaligtad ang damit ko.
Medyo napagod rin ako sa kakaikot. Doon ako nagpasyang tumigil muna at gawin ang tanging bagay na hindi ko pa nagagawa: mag-isip. Naisip kong sumigaw at humingi ng saklolo, kaso hindi ko ginawa dahil baka may makarinig. Isinisigaw lang dapat ang saklolo pag wala sa 'yong makakarinig. Halimbawa, na-stranded ka sa Neptune. Doon, pwede kang sumigaw ng saklolo...pero sa Camp John Hay, no way! Baka mapasama ka pa sa mga kwento ni Mark Logan.
Matapos ang isang siglo, nakalabas din ako sa gubat na napapaligiran ng barbed wire. Hindi ko malaman eksakto kung paano. Nadiskubre yata ako ng mga explorer ng National Geographic. Sa wakas ay nakakuha rin ako ng mga litrato ng kabayo. Pero sa puntong 'yon e nilapitan naman ako ng isang ranger.
'Sir, para saan ho ba 'yan? ' bati n'ya. 'Media ho ba kayo? '
'Hindi, enthusiast lang ako, ' sagot ko. 'May problema ho ba? '
'Wala naman. Okey lang. Nag-iingat lang kami kasi dati kung anu-ano ang ibinalita tungkol sa amin e.'
Dahil sa paranoia n'ya, naisip ko pa sanang mang-goodtime at sabihing taga-CNN ako at labag sa batas ang nakakaligaw na horse path, pero pinigilan ko sarili ko. Umalis na 'ko tapos noon.
Sunod kong tinahak ang golf course. Okay sa olrayt. Doon lang ulit ako nakatapak ng lupa na may espasyong hindi maabot ng mata. Kasi sa Metro Manila sobrang sikip, pero batok lang ng ibang tao ang makikita mo. Sa golf course ng Camp John Hay, wala kang poproblemahin...kundi mga lumilipad na golf balls.
<*whistle alarm*> 'Sir, alis d'yan! Hindi pwede d'yan, baka tamaan kayo ng bola! ' sabi sa akin ng guard na may nakaambang rifle. Itinaas ko ang mga kamay ko bilang senyales na madali akong kausap, aalis ako, at hindi n'ya kailangan magpaputok dahil hindi ako miyembro ng gabinete ni Saddam Hussein. Kaya matapos magsawa sa pagsu-shoot at sa paghiga sa lawn, iniwan ko na rin ang lugar. Pero inabot pa 'ko ng mga ilang oras noon. Hindi ko na naman kasi kaagad nakita ang exit.

Magbigay ka ng joke.
Oo, ngayon na. Magbigay ka ng joke, kahit anong joke. Wala nang tanong-tanong, basta magbigay ka ng joke, ngayon din. Bawal mag-isip.
(Pause.)
Marami na 'kong nagulantang na tao sa ganitong estilo. Sa umpisa, uulanin ka ng tanong: 'Huh? ', 'Bakit? ', 'Ngayon na? ', 'Seryoso ka? ', 'Kahit ano? ' Pagkatapos susundan ng 'Wala akong alam, e, ' 'Corny eh, ' 'Luma na 'to e, ' pero sa kadulu-duluhan e magre-recite din sila ng joke na Grade 3 ka pa lang nang una mong marinig.
Importante sa akon ang jokes. Sabi kasi nila, humor daw ang pinakamabisang paraan para magkakilala at magkasundo ang dalawang tao. Halimbawa, alam mo bang joke ang ginawang pick-up line ni Adan para makilala si Eba?
Adan: <*Ahem*> Knock! Knock!
Eba: ? ? ?
Higit sa favorite color, zodiac sign, motto, at sagot sa 'What is Love? ', gusto kong makilala ang isang tao base sa kung ano ang mga bagay na katawa-tawa para sa kanya. Natatawa ba s'ya sa Leaning Tower of Pisa? Sa kulani? Sa EDSA 3? Sa duo na Porkchop? Sa nadadapang clown? Sa nagsasabi ng 'Bulaga! '? Ngumingiti ba s'ya o humahalakhak? Dinig ba sa Africa ang tawa n'ya? Gaano n'ya kabilis makuha ang isang joke? Ilang minuto nagtatagal ang tawa n'ya? Paano s'ya tumawa: simpleng 'hehe, ' gumugulong sa sahig, tumatalbog, sinisinok, lumuluha, nangingitim at hindi makahinga, o nanginginig lang ang labi habang nakatitig sa kawalan?
Nakakatuwang malaman minsan na yung mga inaakala mong taong may malakas na sense of humor e wala palang maibibigay na joke pag hiningan mo. At yung iba naman na inaakala mong aakyat ng langit balang araw e meron palang library ng stag jokes sa utak. Minsan magugulat ka rin sa mga executive na diplomat ang dating, tapos ang ire-recite na joke e yung tungkol kay 'Pedrong Kuto.' May naka-date din akong babae dati na tipong 'woman of substance' talaga, intelehente at magaling magdala ng sarili. Ganito ang joke n'ya:
Woman of substance: Ano ang apelyido ni Mary?
Ako: Uhhhmmmm...ano?
Woman of substance: Christmas!
Tinatawagan ko pa rin s'ya sa telepono paminsan-minsan. Pag nakakalimutan ko ang apelyido ni Mary.
Naalala ko tuloy yung barkada kong amboy nung college. Kursunada n'ya yung isa naming classmate, pero sinabi na sa aking nung classmate naming 'yun na ayaw n'ya si amboy dahil wala raw 'tong sense of humor. Ipinaabot ko 'to kay amboy. Kinabukasan nilapitan n'ya ulit yung classmate namin at nagkwento s'ya tungkol sa sinalihang paligsahan ng isang Hapon, Amerikano, at Pilipino. Tuluyan s'yang binasted nung classmate namin pagkatapos ng kwento n'ya. Kawawang bata. Hindi n'ya alam na lahat ng variations ng kwentong Hapon-Amerikano-Pilipino e gasgas na sa Pilipinas bago pa man mauso ang colored TV. Malamang e sinadya s'yang ipahamak ng taong pinagkunan n'ya ng joke. Sabotage.
Ngayon, kung ikaw ang nasa kalagayan ni amboy, dapat alam mo ang mga klase ng joke na babagay sa pagsasabihan mo. Halimbawa, ang joke na 'Kung umebs ka at isang punit lang ng tissue ang gamit mo, paano mo ito pagkakasyahin? ' ay isang halimbawa ng joke na hindi mo dapat sinasabi sa babae. Dahil ang mga ganitong klase ng joke ay ginagamit lang sa mga opening sessions ng Senado. Ngayon, kung itatanong mo naman kung pupwede na ang mga joke na tulad ng 'Tinitigyawat ka ba sa mane? ', ang sagot ay hindi. Hindi pa rin ito ang klase ng joke na magugustuhan ng mga kadalagahan. Ang kailangan mong joke ay (1) Fresh. Yung mga tatlong oras pa lang nauuso. (2) Nakakatawa. Yung kahit i-kwento mo sa burol ay gagapang sa katatawa ang mga naulila. At (3) Witty. Yung mapapaisip muna yung kausap mo, tapos ipapaulit n'ya sa 'yo yung joke nang 147 times dahil hindi n'ya raw 'ma-gets.'
Dati sa trabaho, habang break, meron akong ka-opisina na nagtanong sa akin kung ano ang tinatawanan ko sa Reader's Digest. Ikinuwento ko sa kanya ang nabasa kong anecdote, at dahil sa mas malaki lang nang bahagya sa alikabok ang utak ng kasama ko, s'ya na ang nagbigay ng punchline nang hindi sinasadya.
Ako: May isang psychiatrist na nakipagkilala sa isang babae sa isang bar. Habang nagkukwentuhan, naitanong ng babae sa doktor kung paano n'ya nalalaman na magaling na ang mga pasyente n'ya. 'Simple lang, ' sabi ng doktor. 'Ikinukwento ko ang tungkol sa tatlong expedition ni Vasco de Gama. Tapos, itinatanong ko sa pasyente kung saan sa tatlong expeditions, sa tingin n'ya, namatay si Vasco de Gama.'
Ka-opisina ko: [Defensive] Ay! ...Sa totoo lang, mahina ako sa history eh!
Ako: [Laglag sa upuan. Katatawa.]

< = = > Saan?
< # > Sa langit po.
< = = > Trabaho?
< # > Web designer po.
< = = > Description.
< # > IT ho 'yun. Nagde-design ng webpages.
< = = >?
< # > Webpages po...yung nakikita sa Internet.
< = = > Para saan 'yon?
< # > Para po sa Internet.
< = = > Ano nga iyon? -Bakit kailangan mo noon?
< # > Hindi ko po kailangan 'yon, tagagawa lang ako.
< = = > Oo nga.
< = = > Ang tanong ko, bakit nga kailangan ng ganoon?
< # > Para po makita ka sa Internet.
< = = > At pag nakita ka sa Internet...ano naman ngayon?
< # > Parang patalastas po iyon.
< = = > Ahhh...
< = = > Sa wakas, nakuha ko rin...
< = = > Talagang hindi tayo nagkakaintindihan.
< = = > Next.
< # > Sandali...
< # > Saan ho ako pupunta?
< = = > NEXT!
<**> Jim.
< = = >?
<**> Juliano Constantino de Guzman po.
< = = > Ano 'yon?
<**> Pangalan ko po.
< = = > O, anong gagawin ko sa pangalan mo?
< = = > Walang gamit 'yan dito!
< = = > Trabaho lang...sabihin n'yo sa akin kung ano ang trabaho n'yo dati sa lupa!
<**> A e, writer po.
< = = > Anong writer?
<**> Gag show writer po.
< = = > Ano 'yon?
<**> Sumusulat po ako ng mga jokes para sa TV.
< = = > Tapos...
<**> 'Yun lang po.
< = = > Tapos ano? Paano ka kumikita doon? Ano ang nangyayari sa mundo pagkatapos?
<**> Huh? Wala po...pinapatawa ko lang ang mga tao.
< = = > Patawanin mo nga ako...
<**> Ha?
< = = >...
<**> Gagawa ako ng skit?
< = = >.
<**> H-Hindi pwede e...umm...
< = = > _
<**> Joke na lang!
< = = >..
<**> Sige...
<**> Anong tawag sa isdang hindi nababasa?
<**> Hehehe...
< = = > NEXT!
< = = > NEEEXT! ! !
<-.-> Congressman, sir.
< = = > Congressman?
<-.-> Congressman po. Isang public offi-
< = = > Sige, salamat.
< = = > Okay...next!
<.~.> Sa langit po.
< = = > At ang trabaho?
<.~.> Tindera lang po.
< = = > Bakit 'lang'?
< = = > Bakit mo ikinakahiya ang pagiging tindera mo?
< = = > Mas mainam pa nga 'yan kesa sa abugasya at pamumulitika.
< = = > Ano ba ang tinda mo, mga karne o gulay?
<.~.> Hindi po eh.
< = = >...
<.~.> Mga ano ho...
< = = >..
<.~.> Nagtitinda po ako ng Bust Enlarger.2,600 pesos po ang isa. Kita naman kaagad ang resulta, mga dalawa hanggang tatlong linggo lang. Epektib. Tsaka pwede namang ibalik kung hindi ka kuntento...pero wala pang nagbabalik sa akin...kasi nga epektib!
<.~.> Meron din akong Nipple Pink Cream,500 pesos lang. Pampaputi, tsaka pampakinis ng nipples. Eto, talagang mabili! Maski ako, gumagamit ni-
< = = > Nipple Pink-?
<.~.> Cream. Nipple Pink Cream ho. Safe s'ya, hindi ka magkakaroon ng-
< = = > At Bust Enlarger ba 'ka mo?
<.~.> Oho.
< = = > Sige, diretso ka na lang d'yan sa hallway.
< = = > Tapos second door sa kaliwa.
<.~.> Second left, tapos liko sa hallway?
< = = > Next.
<.~.> Left turn ho ba o kaliwa? Pang-ilang pinto?
< = = > NEXT! ! !
<'''>..
< = = > Saan?
<'''> Sa langit ho.
< = = > Trabaho?
<'''> Producer ho. Film producer.
< = = > Ba't wala kang passport size ID picture?
<'''> Kailangan pa ho ba 'yon?
< = = > Hahanapin ko ba kung hindi?
<'''> Sorry ho.
< = = > Kailangan mo ng dalawa.2x2.
< = = > Next.
<-*-> Sa langit.
<-*-> Ramp, print, image model.
< = = > Ano 'yon?
<-*-> Nagsusuot ng iba't-ibang damit, para bilhin ng tao.
< = = > O, e dati pa namang nagdadamit ang mga tao ah! ?
<-*-> Pero hindi lahat may style!
< = = >?
<-*-> Syempre, iba yung mga mamahaling damit na may tatak talaga!
< = = > Tapos?
<-*-> Iba yung mga kilalang damit...
< = = >...
<-*-> Mas maganda!
<-*-> Tsaka iba pag ako ang nagsuot.
< = = > Bakit?
<-*-> Maganda katawan ko eh!
<-*-> Kaya bagay sa akin ang mga isinusuot ko!
< = = > Tapos...?
<-*-> Bibilhin na ng mga tao ang mga damit na isinusuot ko.
< = = > Dahil bagay sa 'yo?
<-*-> Oo!
< = = > Salamat.
< = = > NEXT!
<-*-> Sandali, saan na 'ko ngayon pupunta?
< = = > Next window.
< = = > NEXT!
<'*'> Pet groomer po.
< = = > Saan?
<'*'> Sa lupa po.
< = = > SAAN MO GUSTONG PUMUNTA?
<'*'> Sorry...sa langit po.
< = = > Anong pet groomer?
<'*'> Trabaho ko po. Beautician ng mga alagang hayop.
< = = > Anong ginagawa mo sa hayop?
<'*'> Pinapaliguan po...
<'*'> Ginugupitan ng kuko..
<'*'> Sinusuklayan.
< = = > Huh? ? ? Anong napapala mo doon?
<'*'> Ha?
<'*'> E di pera. Sweldo. 'Yun po ang trabaho ko e.
< = = > At may nagbabayad sa 'yo?
<'*'> Opo. Yung mga may-ari ng aso...pusa...
< = = > Tsk, tsk, tsk...
< = = > Sige, salamat!
< = = > NEXT!
< = = > Direksyon. Trabaho.
< & > Sa langit. VJ.
< = = > VJ?
< & > Host. Nag-iinterview ako ng mga sikat.
< = = > Tapos?
< & > Nagbibilang ng top hits!
< = = > Mga kanta?
< & > TAMA! ANG GALING, AH!
< = = > Gusto ko 'yan e. Hehe...
< & > Kewl!
< = = > May baon ka bang mga CD?
< & > Ako pa! Ano'ng gusto mo?
< = = > Meron ka bang Josh Groban?
< & > Eksakto! Kaso lang pirated...
< = = > Bakit ka naman bibili ng original! ! !
< & > Oo nga e,400 pesos...ano ko, bale? !
< = = > Diyos ba s'ya?
< = = > BWAHAHAHAHA! ! !
< & > Hahahahaha! ! !

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success