Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 2) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 2)

Samantala, kung ang mga Pinoy ay may Carabao English, ang mga Amerikano naman ay meron ding 'Thigalog' language. Eyno men eng seybihen neyla, genitow eng keynalalabasan. Sa ganyang paraan nila nadiskubre noong Second World War ang salitang 'bundok' at ginawang 'boondocks' para tukuyin ang lugar na kinaroroonan nila. Galing sa atin, pero nasa dictionary nila ngayon ang salitang yan.
Isa pang misteryosong salita na hindi alam ng maraming tao-kahit ng mismong mga motorista-ang kailan ko lang din naintindihan. Madalas mong mabasa sa mga daan, pero konti lang ang nakakaalam ng ibig sabihin. Yung iba akala pangalan ng kalye, yung iba naman akala pangalan ng isang historical figure. Sabi nga ng ilan, ba't daw pinagulo pa, Pedestrian crossing lang pala ang ibig sabihin ng 'PED XING'.
Pero ang mas matinding tanong, saan nanggaling ang mga katagang kinalakihan nating mga Pilipino, na tulad ng: 'Lokohin mo lelang mo' at 'Asawa ni Marie...walang panty'?
Super thank you.
Ano ba ang pinagkaiba pag sinabihan ka ng 'thank you' at 'super thank you'? Natutuwa ako pag nakakarinig ng mga dalagitang nagsasabi ng super thank you. Kasi nai-imagine ko na may kapa at special powers ang thank you nila. Pag nag-thank you sa'yo ang ibang tao, thank you lang talaga. Pero pag mga dalagita, it's Sooooooooper Teeengkyooo! ! ! <*TANA-NANAN-TANAN*>
Di lang yan. Tulad ng Superdog ni Superman, may sidekick ding Super Sorry ang Super Thank You. Tipong pag sinabihan ka ng sorry, pwedeng sumama pa rin ang loob mo. Pero pag sinabihan ka na ng SUPER SORRY, naku-bawal na magtampo! Kasi SUPER na yan. Kasing lakas na yan ng mga paputok na Super Lolo. At kung 'super' pa lang e ganyan na kalakas, hindi mo na gugustuhing malaman pa ang resulta pag dinagdagan pa yan ng 'duper'!
Isipin mo naman ngayon ang kapangyarihang taglay ng 'super' kung mapapasakamay pa ito ng mga makapangyarihang tinig ng ating panahon. Tinig ng mga kabataan? Hindi. Tinig ng mga mambabatas? Lalong hindi. Tinig ng mga taga-MMDA na may microphone? Sakto!
Pinagsama-samang traffic police, radio commentator, sports anchor, talk show host, magulang, at diyos-yan ang mga MMDA natin pag nakakahawak ng mikropono. Sa una maninita lang sa bus na sumuway sa batas trapiko, tapos magko-comment na sa katigasan ng ulo ng mga tao, na ikukumpara sa palpak na laro ng paborito nilang koponan sa PBA noong nakaraang gabi, na ikakadawit ng pribadong buhay ng isang artista, na mauuwi sa mga nakalimutan na nating disiplina at moralidad, at magwawakas sa pangangailangan ng lahat ng pagtitika at kapatawaran. Super sorry.
Kung ako ang tatanungin, hindi ako boto sa pagtatalaga ng mga traffic enforcer na may mikropono sa gitna ng kalye. Bukod kasi sa noise pollution, nagmumukha lang baka ang mga tao na nangangailangan ng pastol. Lahat nagmumukhang tanga. Minsan naiisip ko, traffic nga ba ang problema o yung mikropono?
Kung mapapansin mo, mikropono rin ang hawak ng mga artista na parang sinapian ng espiritu ng pwet ng manok sa TV. Walang tigil sa salita. May commercial na nga, isanlibong beses pang ipapaalala sa'yo na bigay ng Dutchboy ang t-shirt nila, gawa ng Purefoods ang buhok nila, sa IBM ang make-up, sa Ivory Records ang sapatos, at kay Dr. Frankenstein ang balat. Lahat nagsisigawan at nag-aagawan ng mikropono para sabihin lang na 'Hello and happy viewing to Ning-ning, Dodong, Jing-Jing, Kutkot, and Kaw-Kaw! ' Kung ako si Kaw-Kaw, anong ligaya naman kaya ang makukuha ko sa pagkakarinig ng pangalan ko sa TV? Bakit sa mga imported na palabas wala namang ganoon?
Ayon sa libro ko ng world history na na-phase out na ngayon ng Department of Education dahil maraming mali, wala raw pinagkaiba ang mga tao sa kasalukuyan sa mga tao noon pagdating sa pangangailangang makipagtalastasan. Dahil nga raw dito kaya naimbento ang alpabeto.
Higanteng hakbang sa kaulanran ng tao ang pagkakatuto n'yang magsulat. Ang kakayanang magpasa ng mga komplikadong impormasyon at konsepto sa iba pang tao, at ang paggawa at paggamit ng mga kasangkapan, ang mga natatanging dahilang sumigurado sa pananatili ng uri n'ya sa mundo.
Ayon sa kaibigan kong sinaunang-tao ngunit hanggang ngayon ay nabubuhay pa, naimbento raw ang pagsusulat noon para tandaan ang mga pag-aari ng isang tao, maging ito man ay mga alagang hayop, bukirin, o mp3 collection. Itinala raw ang mga ito sa mga pictograph na s'yang pinakaunang paraan ng pagsusulat sa mundo. Mula dito ay nabuo ang cuneiform writing na siyang naging basehan ng hieroglyphs ng mga taga-Ehipto. Di naglaon, sinundan ito ng pagkakaimbento ng Phoenician, Greek, at Roman alphabet na s'yang gamit natin simula pa noong 1988. Lahat yan pauso ko lang.
Bago pa man dumating ang mga Kastila, may sarili nang lenggwahe at sistema ng pagsusulat ang mga Pilipino. Mahilig pa nga raw magbasa ang karamihan ng katutubo kahit na ang sulatan lang noon e dahon, balat ng puno, kawayan, at mga pader ng high school canteen. Sayang nga dahil bukod sa huling nabanggit, wala na sa mga ito ang makikita ngayon. Makakita ka man hindi mo rin maiintindihan dahil nakasulat ito sa Alibata na s'yang version nila noon ng text messaging.
Taliwas sa paniniwala ng marami, ang Doctrina Christiana na naglalaman ng dasal at mga aral ng Simbahan ang unang librong ginawa sa Pilipinas noong 1593, at hindi Ang Paboritong Libro ni Hudas.1898 naman nabuo ang pahayagang Kalayaan na produkto ng barkadang Emilio Jacinto, Andres Bonifacio, at Dr. Pio Valenzuela. Panalo lang sa sugal ng dalawang Katipunero ang ipinambili ng printing press na ginamit sa paglilimbag ng Kalayaan. At dahil sa naghahangad ng rebolusyon, isang issue lang ang itinagal nito dahil inunahan na ng mga Katipunero ang mga Kastila sa pagsasara ng palimbagan bago pa man ito ma-raid. Ayon sa mga saksi, isang Katipunero pa raw noon ang nakitang nag-dirty finger.
Panahon pa lang ng mga disipulo ni Kristo uso na ang panununog ng libro. Hanggang sa mga sandaling 'to, paborito pa ring libangan ng ilang makapangyarihan sa mundo ang pagsunog sa mga sulating sumasalungat sa paniniwala nila, pulitikal man o panrelihiyon. Pero para sa akin, napakasagradong bagay ng mga libro para sirain.
Patay na sina William Shakespeare, Karl Marx, Friedrich Nietzsche, Francis Bacon, Blaise Pascal, Bertrand Russell, at Confucius. Pero lahat sila nakapangalumbaba lang at naghihintay ng makakakwentuhan sa istante ng mga library at book store.
Hindi ako mahilig pumasok ng mga library kahit noong estudyante pa 'ko dahil bukod sa hindi ako marunong gumamit ng Dewey Decimal System, meron din akong paniniwala na lahat ng librarian-tulad ng mga asong buntis-ay matatapang at nangangagat. Pero lagi akong tambay sa mga tindahan ng libro. Nung college ako, madalas akong mag-cut ng klase para lang mag-ubos ng oras sa mga book store. Di ako nagbabasa ng textbooks, pero nag-uubos ako ng allowance pambili ng mga mumurahing libro.
Isang tingin pa lang sa book shelves, maririnig mo nang bumubulong ang iba't-ibang kaisipan ng tao. May mga nagsasabing mali ang ganyang negosyo; ganito ang hanapin mo sa mapapangasawa; si Bonifacio ang tunay nating bayani; totong may mga alien; mabuti sa katawan ang puro gulay; at masama para sa atin ang globalization.
May mga kwentong nagpapaikot ng isip, nagpapatibok ng puso, nagpapatayo ng balahibo, nangingiliti ng talampakan, nagpapabilis ng pulso, at nagpapahikab ng bibig.
May mga librong magkakasundo ang sinasabi, at meron din namang mga nagpapatayan ng opinyon. May libro para sa kahit anong edad, kasarian, lahi, relihiyon, edukasyon, at katayuan sa buhay. May mahal at mura, malaki at maliit, makapal at manipis, pangit at maganda, mabango at mabaho, may kwenta at wala.
Lahat meron. Sari-sari. Iba-iba. Tulad din ng mga tao. Utak ng tao. Dahil ang bawat libro ay maliit na litrato ng utak ng tao.
GAWAING PANSANAY
1. Sa iyong palagay, anong katangian ng mga Pilipino ang sinasagisag ng pagkaing sundot-kulangot?
2. Bakit kulay pula ang pantalon ni Andres Bonifacio? Nagsusuot ka rin ba ng pulang pantalon? Ipaliwanag.
3. Naniniwala ka bang hindi dapat laging una sa alpabeto ang letang 'A'? Dahil kaya ito sa pangalan ng nakaimbento ng alpabeto na si Alfred Armstrong? Magbigay ng mga dahilan kung paano naging corny ang binitiwan kong joke.
4. Sa anong paraan nagmumukhang mga taga-ibang planeta ang mga taong gumagamit ng salitang 'super'? Bakit?
5. Sumulat ng talatang nagpapatibay na ikaw ay nagmula sa unggoy. Ipadala sa mga kaibigan.
'Books choose their authors;
the act of creation is not entirely
a rational and conscious one.'
- salman Reshdie
Indian-born British author
May kaibigan akong mahilig mangolekta ng libro. Sinabi kong 'mangolekta' dahil hindi n'ya naman 'to lahat nababasa. Ipinaalala ko sa kanya ang sabi dati ni Mortimer Adler (How To Love A Book) na kung hindi mo raw babasahin ang mga libro mo, hindi talaga libro ang pag-aari mo kundi mga tinta at papel.
Pero kinain ko na rin ang pananaw na yon ngayon. Marami na rin kasi akong mga naipong libro na di ko naman nababasa. Kung papipilian nga, mas uupuan ko pa ang dalawang oras na pelikula kumpara sa ilang araw o linggong pagbabasa sa isang nobela.
Nagustuhan ko lang ang mga libro dahil lumaki akong kunukwentuhan ng mga kapatid, magulang, at mga lolo't lola ko. Nang matuto akong magbasa, nadiskubre ko ang kalayaang maglibang nang walang kabayaran. Noon kasi bago ako kwentuhan ng matatanda, aalilain muna ako sa dami ng utos. Bad trip.
Lahat ng kwentong pambata nagustuhan ko. Adarna Books at Funny Komiks. Hans Christian Andersen at Grimm brothers. Bible stories, legends, fables, mythology, kwentong bayan, kwentong pauso-lahat yan patok sa 'kin!
Hindi ako nakapagbasa ng Archie o Marvel Comics, pero may impluwensya ako ng MAD books at Choose Your Own Adventure series. (Alam pa kaya ng mga kabataan ngayon 'tong mga binabanggit ko?)
The Amityville Horror naman ang kauna-unahang novel na natapos ko noong 1st year high school. Ipinahiram ng kaklase at binasa ko sa bahay habang busy ang buong pamilya sa pagkanta ng Pasyon dahil Mahal na Araw noon.
May trabaho na 'ko nang ipabasa sa akin ng isang kaibigan ang One ni Richard Back. Sa pagitan ng One at Amityville Horror, halos puro puzzle, trivia, occult, religion, biography, philosophy, human interest, computer, writing, reference, at joke books lang ang binabasa ko. Di ako mahilig sa fiction at lalong di naghabol sa mga 'sikat' na libro. Kaya medyo nagkaroon ako ng problema nang makilala sa Internet at nagsimulang maikumpara sa ilang manunulat. Doon lang ulit dumalas ang pagbabasa ko para makilala ang mga sikat na writer at author sa loob at labas ng bansa.
Noong mga panahon ding yon ako nakatanggap ng mga used copy ng Young Blood 1 & 2 (compilation) ng Inquirer, pamana ng mga naging kaibigan sa Internet. Naisip yata nila: 'Kawawang bata naman 'ton si Bob Ong, walang kaalam-alam sa uso.'
Renaissance. Noon ko lang din naisip patulan ang isang nobelang natutulog lang sa book cabinet sa bahay namin. Binuklat ko, medyo madali namang intindihin, cool pa ang style, a la Mark Twain. Binasa ko at tinapos. Kung tatanungin mo 'ko ngayon kung ano ang kaisa-isang nobelang nagustuhan ko: Cold Sassy Tree ni Olive Ann Burns.
Sa classics, rekomendado ko ang Lord of the Flies ni William Golding kung gusto mo ng seryoso, at Alice's Adventure in Wonderland ni Lewis Carrol kung gusto mo ng gag show. Sa pagsusulat, paborito ko ang The Writing Life ni Annie Dillard at On Writing ni stephen King.
Sina pareng Tom clancy, Michael Crichton, at John Grisham? Oo, binabasa ko rin-sa sinehan!
Sa kasalukuyan, palit-palitan kong dinadampot ang Sophie's World; The Prophet; A Whack on the Side of the Head; Eats, Shoots and Leaves; Trip to Quiapo; at Writing on Water ni Jim Paredes pag sinisipag akong magbasa. Wag mo nang itanong kung gaano katagal ko na silang pinipilit tapusin.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success