A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 7) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 7)

Nakadalawang taon ako sa college, isang semester sa isa pang college, at muling tumatakbo para sa two-year course sa isa na namang eskuwelahan. Sa kabila ng paglunok ng pride, pag-amin sa pagkatalo, at pagtanggap sa katotohanang 'vocational lang' ang binagsakan ko, aaminin kong langit ang bago kong eskuwelahan.
Maliit lang 'yung building. Nasa isang floor lang ang buong 'campus'. Walang basketball court, gym, quadrangle, mga puno, drinking fountain, audio-visual room, at student council. Miniature version din ang canteen, clinic, library, faculty room, at restrooms. Hindi tatagal ang claustrophobic.
Pero sa eskuwelahang ito ako nakapagpahinga. Kahit medyo kapos sa sense of humor ang mga estudyante, hindi ka naman pahahanginan ng mga kuwento tungkol sa kotse nila. Mapapailing ka minsan sa lectures ng ibang instructors, pero ayos pa rin dahil lagi silang may oras para sa'yo, hindi ka magmumukhang naghahabol sa Hollywood superstar pag may kailangan ka. Lahat ng tao pwedeng kausapin, approachable, at accommodating.
Pero hindi pa tapos ang laban.
Kinailangan kong kumbinsihin ang sarili ko na hindi na 'ko ulit maluloko. Itinali ko ang isipan ko sa isang pangarap na magbibigay sa 'kin ng pag-asa. Dumating ito sa anyo ng isang school paper, official organization ng eskuwelahan. Sa loob ng dalawang taon, dinaanan ko ang lahat mula sa pinakamababang posisyon hanggang sa pinakamataas. Sa tulong ng mga co-editors ko na nanggaling din sa ibang college at may kanya-kanyang problema sa transcript, napabuti namin ang dyaryo at naihanap ito ng pondo.
Malayo sa perpekto 'yung publication namin, kasing layo ng kaakmaan ng naging posisyon ko sa organization. Pero may nabuwag kaming bakod ng mga kasama ko, may nagawa kaming tulay, may sistemang nabago. 'Yung ang achievement namin.
Nakita ko rin ang dahilan para magtagal sa eskuwelahan. Kung dati madalas ako umabsent, ngayon uma-attend pa 'ko sa mga meeting, at inaabot ng pagsasara ng eskuwelahan kung minsan.
Nakatapos din ako ng pag-aaral. Pero hindi na 'ko umakyat ng stage nung Graduation Day. Habang nagmamartsa ang mga classmate ko, nasa ibang eskuwelahan ako - nagtuturo.
Naging teacher ako sa isang eskuwelahan. Ayos, parang back-to-school lang. Kailangan ko pa ring mag-aral minsan para may maiturong bago, pero walang problema, dahil hindi na lang naman ako ang nakikinabang sa mga natutunan ko.
Hindi rin ganon kahirap ang adjustment para sa first job ko. Dahil professional ang mga estudyante, kinailangan ko lang plantsahin ang English ko, at palitan ang maong at t-shirt ko ng slacks at polo. Ayos sa experience. Natuto akong humarap sa lahat ng uri ng tao.
Hindi pala lahat.

Naipadala ako sa isang private high school para magturo. Substitute teacher lang dapat ako, pero dahil walang ibang bakanteng teacher na pwede sa posisyon, hinikayat ako ng kumpanya na tanggapin na ang trabaho para sa kabuuan ng isang school year. Nagpanting ang tenga ko, ang pagkakaintindi ko e hinihilingan akong kumain ng isang toneladang bubog. Tumanggi ako. Pero dahil alam kong wala na talagang ibang taong maaasahan, pumayag akong mag-sub sa loob ng kalahating buwan. Magtuturo ako sa high school. Ang acid test ng mga totoong guro. Para na rin akong ngumuya ng isang basong bubog.
Dumating ang araw ng pagtutuos. Nagkita kami ng principal para sa briefing. Binigyan ako ng Teacher's Manual, Class Record, at malaking notebook para sa Lesson Plan. Tinuruan akong mag-compute ng grades at binigyan ng last minute advice. Wala akong oras para magmuni-muni. Hindi ako binigyan ng pagkakataong umatras. Umuwi ako ng bahay, lumubog ang araw, sumikat ang araw - Ting! FIGHT! Pakiramdam ko inihagis ako sa boxing ring. Insulto ang magandang sikat ng araw na parang sarkastikong bumabati ng 'Good morning, teacher! '
Unang araw ng pagtuturo.
Tinamaan ng magaling! Nung high school, madalas akong late sa flag ceremony, lagi akong humahabol sa pila, minsan nagka-cutting pa para matakasan ang mga bantay na CAT officers. Ngayon eto, balik na naman ako sa high school, teacher pa!
Hindi ako makapaniwala sa mga paa ko nang dalhin nila ako sa Faculty Room. Holy cow! Talaga ngang G-U-R-O na 'ko...YIKES! ! ! ! ! Kahit saan ako lumingon puro teacher ang nakikita ko. Puro chalkbox, class record, chalkbox, libro, chalkbox, eraser, chalkbox, chalk -
'Hi! Good morning! ' bati ng isa pang teacher na kasama kong in-export din ng kumpanya. Dual-force kaming ipinadala sa eskuwelahan na 'yon.
'Pasensya na, ' sabi ko, 'pero wala muna tayong batian ng good morning habang nandito.' Itinawa na lang namin ang dismaya sa bagong trabaho.
'Oh look, we've got very young computer teachers here! ' Bigla naming narinig ang boses ng isang teacher. Paglingon namin, lahat ng mata sa malaking faculty room e nakatitig na sa 'min. Ibinalik namin ang mga ngiti nila. Pakiramdam ko'y mga bago kaming inmates na naghihintay ng initiation.
Nag-ring ang bell. Nagkanya-kanya na kami ng punta sa mga first period class namin. Para sa mga totoong guro, isang panibagong araw na naman ng pagpapalaganap ng karunungan at pakikipagtunggali sa kamangmangan. Para sa 'kin, huling araw ko na sa mundo.
'As I walk through the valley of the shadow of death...' Parang naririnig ko pa ang soundtrack ng Dangerous Minds habang tinatahak ko ang classroom. Nagkalat ang mga estudyante sa corridors dahil hindi pa naman regular ang classes. Sa 4th floor ang klase ko, huling palapag, pero 3rd floor pa lang parang gusto ko nang mag-back out.
Ilang sandali pa narating ko rin ang classroom ko. Syempre, pormang kagalang-galang ako, professional. Pagdating ko sa harapan ng klase tinanong kaagad ako ng isang estudyante. 'Sir, first time n'yong magturo? ' Humindi ako at nagsabing galing ako ng ibang eskuwelahan. Pero anak ng pagong, sira kaagad ang depensa ko! Halatang baguhan ako. Siguro dahil sa itsura ko, at sa tumtagaktak kong pawis na tanda ng sobrang kaba.
Di na 'ko tinantanan ng iba pang estudyante na nagbato na ng kanya-kanyang tanong tungkol sa 'kin. Hindi na 'ko sumagot. Ipinatawag ko na ang mga kaklase nilang nasa labas pa rin ng room para mag-umpisa na ang klase.
'Sir, hindi pa naman time eh! ' hirit ng isang dalagita.
'Anong oras ba time n'yo? ' tanong ko. Pero hindi ko na pinakinggan ang sagot n'ya. Busy na 'ko sa pagkukonsulta sa sarili kong kopya ng class schedule.
Pumasok na sa room ang iba pang estudyante. Maingay pa rin ang klase pero nasa akin na ang atensyon ng karamihan, habang ang atensyon ko naman ang hindi ko malaman kung saan napunta. Hindi ako makapaniwala sa hinahawakan kong class schedule - NASA MALING ROOM AKO AT HINDI 'YON ANG KLASE KO! ! ! ! !
Jumping Jupiter!
Napakagandang simula. Sumimple na lang ako. Sa diplomatikong tono, nagpakilala ako. 'My name is Roberto Ong. I'm going to be your teacher in Computer. But right now there's a problem with your schedule so I'll have to see Mrs. Santillan first. We'll start next meeting.'... sabay eskapo at takbo sa ibang room kung saan 10 minutes nang naghihintay ang klase ko. Whew!

Sabi ng mga scuba diver tungkol sa ilalim ng dagat, 'It's a different world down there.'
Sabi ng mga sky diver tungkol sa kalawakan, 'It's a different world up there.'
Sa pagiging high school teacher, isa lang ang masasabi ko. 'It's a different world at the teacher's table.'
Ibang-iba. Ibang-ibang-iba. Bilang estudyante, mahirap isipin kung bakit parang mamamatay ang teacher tuwing nakakarinig ng ingay. Bilang teacher, mahirap isipin kung bakit parang mamamatay ang estudyante pag hindi nakagawa ng ingay. Kahit na alam kong nagtatanong lang ng oras ang isang estudyante sa katabi n'ya, kahit na nakikiusap lang ang isa na iurong ang silya ng isa, kahit na sinabihan lang ng isa ang classmate n'ya na hintayin s'ya sa canteen pagkatapos ng klase, nakakainit pa rin ng ulo. Lahat ng uri ng bulong at tunog ng salita e nakakapikon pag naririnig mong sumasabay sa pagsasalita mo. Dinig mo ang lahat, para kang may hearing aid at sonar power.
Mahirap ding maging 'fair' pag ikaw ang teacher. Mahirap iwasan ang favoritism. Ang mga matatalino, masisipag, mga sipsip, at mga teacher's pet na isinusumpa ko noong estudyante pa 'ko, ay ang mga anghel na nagpapadali ng trabaho ko ngayon bilang teacher.

Sa mata ng isang guro, may isang dosenang klase lang ng high school students.
Clowns - Ang official kenkoy ng klase. May mga one-liner na gumigising sa lahat pag nagkakaantukan na. Sabi ng ilang teacher, eto raw 'yung mga KSP sa klase na dahil hindi naman matalino e idinadaan na lang sa patawa ang pagpapapansin. Pero aaminin ko, walang klaseng walang ganito, at kung meron man, magiging matinding sakripisyo ang pagpasok sa eskuwela araw-araw.
Geeks - Mga walang pakialam sa mundo, libro-teacher-blackboard lang ang iniintindi. Kahit na mainit ang ulo at bad trip ang teacher, ang mga geeks ang walang takot na lumalapit sa kanila para lang itanong kung mag-iiba ang result ng equation kung isa-substitute 'yung value ng X sa Y.
Hollow Man - May dalawang uri ng HM virus, ang type A at type B. Ang type A ay ang mga estudyanteng madalas invisible, bakante ang upuan, madalas absent. Typre B naman ang mga mag-aaral na bagama't present e invisible naman madalas ang sagot sa mga quiz; hollow ang utak.
Spice Girls - Barkadahan ng mga kababaihang mahilig gumimik, sabay-sabay pero laging late na pumapasok ng room pagkatapos ng recess at lunch break. Madalas na may hawak ng suklay, brush, at songhits. Pag pinagawa mo ng grupo ang isang klase, laging magkakasama sa iisang grupo ang SG.
Da Gwapings - Ang male counterpart ng SG, isinilang sa mundo para magpa-cute. Konti lang ang miyembro nito, mga dalawa hanggang apat lang, para mas pansin ang bawat isa. Tulad ng SG, kadalasang puro hair gel lang ang alam ng utak ng mga DG.
Celebrities - Politicians, athletes, at performers. Politicians ang mga palaban na mag-aaral na mas nag-aalala pa sa kalagayan ng eskuwelahan at mga kapwa estudyante kesa sa grades nila sa Algebra. Athletes ang ilang varsitarian na kung gaano kabilis tumakbo e ganoon din kabagal magbasa. Performers naman ang mga estudyanteng kaya lang yata pumapasok sa eskuwela e para makasayaw, makakanta, at makatula sa stage tuwing Linggo ng Wika. Sa pangkalahatan, ang mga celebrities ay may matinding PR, pero mababang IQ.
Guinness - Mga record holders pagdating sa persistence. Pilit pinupunan ng kasipagan ang kakulangan ng katalinuhan. Sila ang kadalasang nagtatagumpay sa buhay. Masinop sa projects, aktibo sa recitation. Paulit-ulit at madalas magtaas ng kamay kahit na laging mali ang sagot.
Leather Goods - Mga estudyanteng may maling uri ng determinasyon. Laging determinado ang mga ito sa harapang pangongopya, bulgarang pandaraya, at palagiang pagpapalapad ng papel sa teacher. Talo ang balat ng mga buwaya sa pakapalan.
Weirdos - Mga problematic students, misunderstood daw, kadalasang tinatawag na black sheep ng klase. May kanya-kanya silang katangian: konti ang kaibigan, madalas mapaaway, mababa ang grades, at teacher's enemy.
Mga Anak ni Rizal - Ang endangered species sa eskuwelahan. Straight 'A' students, pero well rounded at hindi geeks. Teacher's pet, pero hindi sipsip. Hari ng Math, Science, at English, pero may oras pa rin para sa konting extra-curricular activities at gimmicks.
Bob Ongs - Mga medyo matino na medyo may sayad. Eto 'yung estudyanteng habang nagle-lecture 'yung teacher e pinaplano na 'yung librong ipa-publish n'ya tungkol sa mga classmate n'ya.
Commoners - Mga generic na miyembro ng klase. Kulang sa individuality at katangiang umuukit sa isipan. Hindi sila kaagad napapansin ng teacher pag absent, at sa paglipas ng panahon, sila ang mga taong unang nakakalimutan ng mga teachers at classmates nila.
Posibleng may mga estudyante na ang katangian ay kombinasyon ng mga nabanggit. Posible ring hindi lahat ng uri ng estudyante ay makikita sa iisang klase.

Noon ko lang naranasan na matulog sa jeep sa sobrang pagod. Noon ko lang din ulit naranasan matulog at gumising nang maaga araw-araw. Noon ko lang nalaman...mahirap pala talagang maging teacher!
Araw-araw mong problema ang lesson plan. Para ka ring estudyante na kailangan mag-aral. Ang mga alam mo na dati, nababago. Ano man ang napag-aralan mo noon, dapat dagdagan.
Parang isang malaking pamilya ang klase mo at ikaw ang magulang. Ang problema ng bawat estudyante, problema mo. Ano mang nakakaapekto sa pag-aaral nila, nakakaapekto sa pagtuturo mo.
Tungkulin mong patinuin ang magulong klase, awatin ang mga nag-aaway, gisingin ang mga inaantok, pagsalitain ang mga nahihiya, at pakilusin ang mga tinatamad.
Pag maingay ang klase, pag makalat ang classroom, pag madumi ang eskuwelahan, pag naging mapurol ang mga estudyante, mananagot ka sa boos mo - ang principal. Trabaho ang pagtuturo. Meron ka ring amo at mga katrabaho. Sila at ang magulang ng mga bata, kailangan mong pakitunguhan.
Isyu rin ang personalidad mo: itsura, pananamit, kilos, galaw, pananalita, at pamumuhay. Lahat sinusukat. Pag nabalance mo ang lahat ng tungkulin at responsibilidad mo sa mga estudyante at katrabaho, isa lang ang premyo - respeto, na parang revolving fund na ipupuhunan mo na naman para makapagturo ka ulit kinabukasan.

Ewan ko kung Stockholm Syndrome ang naranasan ko sa pagkaka-upo sa teacher's table, pero mas tumaas ang tingin ko ngayon sa nasabing propesyon. Palagay ko, ang pagtuturo na ang pinakasagradong trabaho sa mundo. Ilang taon matapos matuto maglakad ang bata, ipinapasok na ito sa eskuwelahan at iniiwan sa pangangalaga ng teacher. Singkwentang bata ang ginagabayan ng teacher; singkwentang buhay, singkwentang pangarap, singkwentang pag-asa ng bayan. May kinalaman ang teacher kung ilan sa singkwentang ito ang mamumuno sa bansa, papatay ng tao, magiging artista, makakadiskubre ng gamot sa AIDS, magiging illegal recruiter, magiging tycoon, o magiging isa na naman teacher.
'A teacher affects eternity, ' sabi ni Henry Adams. 'No one can tell where his influence stops.'
Ano kaya ang naging pakiramdam ng Music teacher ni Lucresia Kasilag, PE teacher ni Paeng Nepomuceno, at Social Studies teacher ni Carlos Romulo? Sino kaya ang naging teacher nila Einstein, Shakespeare, Beethoven, at Gandhi? Paano kaya kung naging guro mo rin ang naging guro ng labindalawang disipulo sa Bible?
A teacher affects eternity. Naging mag-aaral ni Socrates si Plato. Tinuruan ni Plato si Aristotle. Naging mag-aaral naman ni Aristotle si Alexander the Great na naging hari ng Macedonia at tinaguriang isa sa mga pinakamagaling na heneral sa kasaysayan ng mundo. Makalipas ang higit dalawang libong taon, sino makapagsasabing tumigil na ang impluwensya ni Socrates?
Sa pasukan noong June year 2000, higit 19,000 na Socrates ang kulang sa Pilipinas. Kapos din tayo ng higit 20,000 classrooms. Higit 700,000 na Alexander the Great ang walang upuan at 90 million ang kulang na textbook. May mga pagkakataon na umaabot ng 60 ang mga estudyante sa isang klase, may mga lugar na 1: 10 ang book ratio, at may mga panahon na nagkaklase na rin sa mga eskuwelahan kahit Sabado, gabi, o madaling araw para mapagkasya lang lahat ang mga estudyante.
Ninety-one billion ang budget, higit 18 million ang students. Isa sa bawat apat na Pilipino ay estudyante. Halos isa sa bawat sampung estudyante e hindi nakakatapos ng elementary. Habang lumalaki ang pangangailangan, lalong bumababa ang budget para sa edukasyon. 'National disaster in slow motion, ' sabi ni Sen. Franklin Drilon.

Isang kuwento sa dyaryo ang nabasa ko dati tungkol sa principal sa North Hollywood USA. Kumain daw ng dalawang bulate ang principal para lang sipaging magbasa ang mga estudyante sa Colfax Elementary school. Nag-umpisa ang lahat sa pangako ng principal na kakain s'ya ng bulate pag nagbasa ng kahit dalawang libro lang ang mga estudyante bilang suporta sa 'Reading is FUNdamental' project nila. Nagbasa ang mga estudyante at tinupad ng principal ang pangako n'ya, gamit ang orange juice bilang panulak.
Wala man akong nabalitaang principal na gumawa ng ganyan dito sa bansa, sigurado akong marami pa rin tayong masisipag na teachers. Hindi na nila kailangan kumain ng bulate, tama na 'yung mag-sideline sila para lang mapakain ng tatlong beses sa isang araw ang pamilya nila. Sapat na katibayan na ang pagtawid nila sa mga ilog at bundok araw-araw para turuan nang sabay ang pinagsamang klase ng mga Grade 1 at Grade 2 sa mga liblib na probinsya ng Pilipinas. Hindi na nila kailangan kumain ng bulate; sapat na ang puyat, pagod, gutom, at panganib tuwing eleksyon. Ayos na ang dukutin sila ng mga rebelde at pugutan ng ulo paminsan-minsan. Ayos na ang mababang sahod, delayed na sweldo, assignment overloads, at killer interests at contributions na umaabot sa kabuuang 10 billion para sa lahat ng teacher sa bansa. Hindi na nila kailangan pang kumain ng bulate.
Ang teachers ang mga bagong bayani kung tutuusin, pero hindi sila nabibigyan ng titulo dahil wala naman silang naibibigay na dollars sa bansa, di tulad ng mga OFW's. Pero oo, bayani rin ang mga OFW's. Ang totoo, bayani ang nakararaming Pilipino. Ang problema lang e nasa Third World Country tayo, kung saan sa pagkakaintindi ko ngayon, ay may tatlong uri ng mamamayan; ang mahihirap, ang mas mahihirap, at ang mga makapangyarihang oportunista na may likha sa dalawa.
Sa Amerika, isa sa mga trabahong may mababang sweldo ay ang pagtuturo, di nalalayo sa kaso ng Pilipinas. Dito ko nakuha ang ideya na walang pera sa pagiging teacher - meron man, hindi mo ikakayaman. Mas malaki pa ang kita sa pagdi-DH sa ibang bansa at mas madali ang trabaho. Kung kailangan mo ng pera, huwag kang magturo. Kung iisipin mong trabaho ang pagtuturo, mahihirapan ka, mission it...'vocation' sabi ng isang kaibigang guro.
May isang kuwento tungkol sa isang manlalakbay sa Italya na pumunta sa lugar ng Chartes para tignan ang isang malaking simbahan na ginagawa doon. Dumating s'ya nang hapon kung kailang pauwi na ang mga trabahador. Nakasalubong n'ya ang isang lalaki at tinanong kung ano ang trabaho nito. 'Stonemason, ' ang sagot ng lalake, taga-ukit ng bato. Tinanong n'ya ang isa pang lalake. 'Glassblower' naman ang sagot nito, gumagawa ng mga makukulay ng salamin. Nang tanungin n'ya ang isa pang trabahador, 'Blacksmith' naman ang sagot nito, pumapanday ng mga kailangang bakal. Nang pumasok ang manlalakbay sa loob ng simbahan, isang matandang babae naman ang nakita n'yang nagwawalis ng mga bubog, buhangin, at kinatam na kahoy. Nang tanungin n'ya kung ano ang trabaho ng matanda, sumagot ito. 'Ako? Nagtatayo ako ng magarang bahay-dalanginan para sa Panginoon! '
Natapos ang pagiging substitute teacher ko makalipas ang dalawang linggo. Iniwan ko na rin nang tuluyan ang pagtuturo makalipas ang halos tatlong taon. Hindi ako ipinanganak para maging guro. Tinakbuhan ko ang responsibilidad ko dati bilang estudyante, mahirap tanggaping sa eskuwelahan din pala ako babagsak.
Vocation ang pagiging isang teacher. Kaya nga yata maraming Education graduates ang hindi nagiging guro, at maraming guro ang hindi naman talaga pinangarap ang pagtuturo. Ayokong magturo dahil ayokong mag-aral. Ayoko nang bumalik ng eskuwelahan, bilang guro o bilang estudyante. Away ang hinahanap ng sino mang naghihikayat sa 'kin dati. Dati.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success