Nasa aking isipan na ang larawan ng dagat
Alam ko na kahit ang lasa nito'y maalat
At dinala ako ng hangin sa dalampasigan
Nakakagalak na ganda nito'y muli kong nasilayan
Sa bukang liwayway ganda ay nananatili
Sa ibabaw ng matayog na bato natagpuan ko ang sarili sa pagkabighani
Nakatanataw sa kalawakan ng karagatan
Kulay na asul ay nagniningning sa sinag ng buwan at pagnaaarawan
Namangha akong lubos sa pambihirang kagandahan
At naakit akong sisirin nang makita kong may nasa kailaliman
Mga magagandang isda'y malayang namumuhay
At iba-ibang nilalang na may iba-ibang kulay
Hinangad kong maging bahagi na dagat na nito
Katulad ng mga isda na nagsipaghayo
At ako ay tumindig para tumalon
Patungo sa dagat at makipaglaro sa alon
Malakas ang tawa ng malawak na karagatan
Wari'y mainit na pagtangap sa panauhing pinahalagahan
At nalibang ako bigay todo lakas
na wari'y ang lahat ay wala ng wakas
Ilang sandali pa ay aking naramdaman
Lamig ay bumabalot na sa aking katawan
Paa at balikat ko'y nauubusan na ng lakas
Katulad ng mga isda pilit na naghanap ng lunas
At napagtanto ko na ako'y hindi dapat naririto
Sapagkat ako'y hindi ankop sa pandagat na ginto
Subalit katawan ko'y di na makaalpas
Tiyak na pagkalunod ngayon ako'y di makatakas
Oh ang hirap bumalik sa dating kinauupuan
Sapagkat di na ako makalangoy at sadyang nahihirapan
Nabasa kong katawan ngayon ay nanginginig na
Sana makalapit na sa batong kinaruruonan kanina
Paumanhin mahal kong karagatan
Inakala kong ako'y mapagbibigyan
katulad ng mga isdang sayo nananahan
Ako rin ay matanggap na walang maghahadlang
At salamat at ako'y may hininga pa
Nakarating din sa batong maaari na akong makapagpahinga
Ayoko ko mang umahon sa pagpalutang-lutang
Ang aking kapalaran ay nagpapahiwatig na ito ay kailangan
Mula sa di kalayuan ngayon ay muling nakatingin
Sa karagatang nakakaakit ang ningning at galing
Ngunit ito'y pawang isang natatanging larawan lamang
At hangang sa mata lang ako mapagbibigyan.
This poem has not been translated into any other language yet.
I would like to translate this poem