Karahasan Ng Pag-Ibig Poem by Gianni Pansensoy

Karahasan Ng Pag-Ibig

Magdadapit-hapon na't ang kalangita'y nagku-kulimlim,
naghahalo ang madugong pagka-lunod ng araw sa sinag ng
buwang nagbu-bughaw,
ang anino ng aking pag-iisa'y namumula sa pagka-bagot,
isipa'y nagkapunit-punit,
sugat sa katinua'y walang tigil sa pag-durugo,
animo'y nahiwa ng napaka-talas na labaha,
habang ang ulo ko'y nakabaon sa mapapaklang mga palad,
parang patay na dagang nabubulok sa libingan ng kabiguan.

Sa harap ng dalampasigang nangingitim sa hapdi,
damdamin ko'y unti-unting gumuguho,
nadudurog sa lindol ng kalungkutan,
nawasak sa malakas na hampas ng palakol,
at ang mga pirasong duguan ay tumilapon sa karagatan ng kamatayan.

Sa bawat sampal ng hanging malamig,
dala-dala ang ihip ng pagdurusa sa aking pisngi,
ang tanging kanlunga'y lilim ng dambuhalang mahogany,
sa gitna nito'y ang dambana ng ating sagradong tagpuan,
nagbabaga sa tuwing naglalapatan ang mapupusok nating mga halik,
ngunit ngayo'y nag-aapoy dulot ng iyong kataksilan.

Mga ugat ng berdeng lumot sa giwang ng mga adobe'y kumapit
sa tamis ng dati nating mapangahas na pag-iibigan,
hindi alintana na ang daigdig nati'y tinatangay ng rumaragasang
pagnanasa,
mga kamay ko'y nanginginig sa haplos ng mala-sutla mong balat,
marahil ay sin-kinis ng balat ni Anne Curtis,
katawan ko'y dinuduyan ng maka-mundong kaluwalhatian,
ina-anod sa agos ng makulay na musika ng harana sa tuwing dumadapo
ang iyong mainit na mga labi sa aking leeg,
paningi'y tila naglalakad sa kalsadang yari sa malalambot na mga
balahibo ng libong puting kuneho,
at ako'y nasa tuk-tok ng kaligayahang uma-apaw sa ubod ng sarap na tunay na pagmamahal.

Subalit ang aking mga buto't lama'y nangingisay tuwing sumasagi
sa isipan ang mga ala-alang may kamandag ng iyong pan-loloko,
damdami'y nakahandusay sa putik ng naka-lalasong pag-ibig,
para bagang tinusok ng karayom ng pighati,
nakabulagta ang pusong pinaslang ng brutal na dalamhati,
at ang kaluluwa ko'y nakabigti sa bangungot ng pag-durusa.

Habang pinagmamasdan ang mga along panay ang tadyak sa mga bato,
mga luha'y hindi mapipigilan sa pag-tulo,
isa-isang pumapatak sa mga butil ng mga buhanging sin-puti ng mga nitsong nakahilera sa lumang sementeryo,
ang mga bangkay sa loob ng mga ito'y naninilaw na,
tulad ng aking mga matang naninilaw rin sa pait ng matinding pag-hihinagpis.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success