Inggit Poem by Mac Adrone Adonay

Inggit

Inggit
-
Laging namimintas ang pusong may inggit
Ang wika ng bibig ay hindi busilak,
Bagkus ay marumi, ang laman ay lait;
Ang bawat salita ay may panghahamak.
-
Ga'no man kabuti ay mali ang hanap,
Tila nagbabantay sa 'yong mga kilos,
Siya'y kaibigan kapag nasa harap,
At pagtalikod mo ay isang busabos.
-
Sa iyong tagumpay may nais sumira,
Pagtalikod mo nga'y may gustong tumulak
Humabi ng kwento ang kaniyang dila,
At ang hiling nito, ikaw'y mapahamak.
-
Papatirin ka n'ya sa 'yong paglalakad,
Maitim na mithi'y ikaw'y matalisod
At kapag nangyari, hahalakhak agad,
Ang iba'y tatawagin upang manood.
-
Gan'yan nga ang tao, ibig kang ibagsak
Maliit na tuldok ay gagawing butas,
Asam masaksihan ang 'yong paglagapak;
Magdiriwang silang may tawang malakas.
-
-
© MACA.T.A.
# 1,473
1 July 2016
5: 12 p.m.

Wednesday, July 20, 2016
Topic(s) of this poem: life
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success