Walang Papalag! Hold Up Ito! Poem by Paul Pruel

Walang Papalag! Hold Up Ito!

Bandang alas 7: 45 ng gabi
Pasahero ng FX ang 4 na armadong kalalakihan
Na nasakyan ni maganda pauwi ng Bulakan
Nang biglang sumigaw ang isa sa 4 na kawatan:
“Walang papalag! Hold up ‘to! ”

Nangatog ang kaniyang buong katawan
Sumigaw siya nguni’t walang lumabas
Na mga kataga mula sa kaniyang bibig
Pakiramdam niya’y may bagay na matigas
Na nakakalso sa kaniyang lalamunan…

Sumakit at nagsikip ang kaniyang dibdib
Dama niya ang pintig ng kaniyang puso
Na parang tambol na dumadagundong
Sa loob ng nanghihina niyang katawan
Sa takot na baka iputok sa kaniya ang baril!

Ang kaniyang mga mata’y naging bukal
Ng kristal na tubig na dumaloy pababa
Sa kaniyang mamula-mulang mga pisngi
At sa kaniyang mga labi na nagtitimpi
Ng matinding galit nguni’t ‘di makalabas…

Hindi niya mapigilan ang pagdaloy
Gumapang ito hanggang sa kaniyang dibdib
Pinilit niyang takpan nang mahigpit ang mga mata
Upang mahinto ang pagpatak ng luha
Nguni’t ‘di masawata ang pagdausdos nito…

Wala siyang nagawa kungdi ang ipaubaya na lamang
Nguni’t napapaso siya sa t’wing dumadampi ang mga daliri
Ng mga kawatan sa kaniyang balat, isa-isang tinanggal
Sa kaniyang katawan, ang mahahalaga n’yang ari-arian
Na ini-ingatan niya ng mahabang panahon…

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Paul Pruel

Paul Pruel

Guiuan, Eastern Samar
Close
Error Success