Teka Poem by haidee blanche

Teka

Lumulublob siya sa layaw ng buhay na kakarag-karag; walang silbi at walang saysay sa mga tunay niyang mga hiling.

Mapapanuod mo siyang tumatalon-talon sa mga pulo na sumisilo sa pagkatao niya. Iba pa rin ang pagkurba ng dila niya. Hindi na raw siya babalik sa katotohanan – hitik siyang mabubuhay sa kasinungalingan.

Itinataboy niya ang estrangherong minsang nagbalik sa kaniya sa porma. Isinusuka niya ang lahat ng nananalantay sa pagkatao niya. Idinuduwal niya ang kahapon. Ibinabalik ang mga panahon – na mistula siyang alagad ng mga dilaw na walang ambag sa kaniyang mga layunin at walang puwang sa barung-barong na ayaw niyang lingunin.

Nagtatanong ang mga alkansya, “ito ba ang katuparan ng mga pangarap niya? ”

Ito ba ang ipinanalangin niya sa mga huwad na diyos noong araw na lumuhod at yumukod siya sa loob ng isang di kilalang templo? Kung saan nagmamasid mula sa malayo ang di kilalang ako.

Tinatanaw siya ng iniwan niyang alkansiya sa panaginip. Tinugon na ng langit ang mga bugtong sa aking isip.

Naniniwala ako…

Ito na ang kabuuan ng buhay niya sa kabilang banda – ang pagkukunwaring masaya.

July 18,2008

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success