Pagbangon: Sa Gitna Ni Janet At Ni Yolanda Poem by Gianni Pansensoy

Pagbangon: Sa Gitna Ni Janet At Ni Yolanda

Pilipino,
nagising kang tulala,
katinua'y tumatakas,
sikmura'y bumabaliktad sa nakakasukang iskandalo,
pinaghiarapan mong buwis ay ninakaw ni Janet at ng mga senador,
kasama pati ang mga kongresista,
malaya at lantaran nila itong ginawa,
hindi na sila nahiya,
bayan mo ngayo'y gumagapang sa putik ng kahirapan,
muli ay nasadlak sa pag-durusa,
buhay mo ay balik isang kahig at isang tuka,
iyong anak na dalagita'y muling gugutumin,
magpalaboy-laboy sa lansangan ng karalitaan,
at mga mata mo ay biglang lumuha,
karukhang ito ay sapilitan kang itataboy,
sa banyagang bansa ay muling magpapa-alipin,
dangal ma'y nagpupumiglas,
ngunit ay lulunukin,
mai-aahon lang sa kahirapan ang mga mahal sa buhay,
tadhana mo ay sadyang napaka-lupit.

Nagising kang pawisan,
mga mata'y balisa,
matamis mong panaginip ay binangungot ng mga tulisang MNLF,
mga ganid na MNLF,
iyong lungsod ng Zamboanga ay kanilang nilusob,
nais angkinin at pagnakawan,
mga tenga mo ay nabibingi sa mga putok ng kanilang mga baril,
kalsadang nilalakaran ay basang-basa sa dugo,
amoy ng hangin ay nabubulok,
tulad ng kanilang adhikain,
nangagamoy ng naagnas na mga bangkay,
ikaw ay biglang nawalan ng ulirat,
halos ay mabaliw,
batang babae ay ginahasa muna bago putol-putulin,
sila ay mga hayop at mga hayok sa laman,
karahasang iyong nasaksihan ay ibinalandra kang tuliro sa isang sulok.

Sa ilalim ng kalangitang walang kasing ganda,
mundo mo ay niyanig ng napaka-lakas na lindol,
tahanan ay winasak,
pati na rin ang iyong kaluluwa,
lupang iyong binubungkal ay nagkabitak-bitak,
tanimang mais at palay ay nilamon ng lupa,
hagulhol ng mga namatayan,
sa mga tenga mo ay napaka-pait,
mga paningin ay nabubulag sa mga masamang pangitain,
durog-durog na mga kalsada at mga tulay,
mga duguang mga bangkay,
punit-punit na mga katawang nakahandusay sa hardin,
at ikaw ay muling napa-iyak,
lola mo,
naghihikahos man,
pinatuyo ng kanyang hele ang iyong mga mata,
mas lalo kang nalungkot,
mga lumang simbaha'y gumuho rin,
nalugmok ka ng husto,
hindi nalalaman kung pano muling bubuuin ang mga tisang nagkawarak-warak tulad ng iyong buhay.

Sa gitna ng matinding kurapsyon, digmaa't lindol,
muli ika'y nagising,
napahagul-hol na para bang isang musmos,
kirot sa iyon puso ay lalo pang pinahapdi ni bagyong Yolanda,
pinsala ng kanyang hagupit: hindi lubos maisip,
ni sa bangungot ay ayaw mong makita,
delubyong kanyang dala ay mala-impiyerno,
binura niya ang buong lungsod,
kanyang mga dambuhalang alon ay tinangay ang mga kabahayan at kabuhayan,
pati na rin ang mga pangarap,
nagkayupi-yupi ang mga gusaling yari sa semento't bakal,
nagkalat kahit saan ang mga bangkay,
naagnas sa ilalim ng tubig,
ang iba'y nahiwa ng mga nagliliparang bubungan,
pagdadalamhati at paghihinagpis ang namayani sa iyong kapaligiran,
nakakabaliw at nakakapanlulumo.
sa isang tabi ay naupo ka,
gutom na gutom,
uhaw na uhaw,
mga mata ay namumula,
nakayuko at mangiyak-ngiyak,
sa iyong mga pisngi ay tumatagas ang mga luha,
habang hinahalikan sa pisngi ang ikinakargang anak,
ngayon ay isang namumutlang bangkay,
katinuan ay ibig lumundag mula sa isipan,
sariling lugmok na sa kahirapan ay lalo pang binabaon,
nagdurusa na ay lalo pang pinaparusahan,
kay saklap nga talaga ng iyong tadhana.

Sa uma-ambong langit,
ikaw ay aking nilapitan,
tulad din ng ating mga kababayan,
puso ay nagdurugo't nadudurog,
mga luha mo ay pinatuyo ng dala kong panyo,
handang damayan ka,
sa iyong mga tenga ay may ibinulong,
huwag kang mag-alala,
sa panahong tulad nito,
PAG-ASA at BAYANIHAN ang tangi nating mga sandata,
maliban sa mga magnanakaw sa ating pamahalaan,
karamihan sa ating mga kababayan ay may mabubuti pa ring mga kalooban,
hinding-hindi nila tayo iiwan sa gitna ng trahedya,
tutulungan at aakayin nila ang lumpo nating mga buhay sa paglalakbay tungo sa pagbangon,
sa pagkakapit-bisig at pagtutulungan,
muli tayong mai-ahon,
kasama sila ay matitikman din natin ang tamis ng bagong umaga.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success