Makata` Poem by Ocean MisT

Makata`

Sa taglay kong lalim ako’y nalulunod
Sa alon ng buhay nagpapatianod
Sa hiwaga nitong gabi’y nagtatanod
Sa mundong malupit tuloy sa pag-inog.

Bawat agos ng dugo’y tintang malagkit
Nag-ugat sa pluma sa papel hahalik
Buhat sa aking diwang maihahasik
Ang dadalisay sa bawat pag-iisip.

Sa pintig nitong dibdib tula’y nalikha
Bulong nitong isip, pag-alab ng diwa
Tila nauupos na abang kandila
Ang ulilang silid na guhit ng luha.

Mapayapang dagat may taglay na lalim
Mapanglaw na gubat natatago’y lihim
Maputlang ulap sa buwan nakatabing
Makatang tulad alipin ng damdamin.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success