Lakbay Poem by Gianni Pansensoy

Lakbay

Halika nga muna binibini!
Sa aking mga braso'y kumapit kang maigi,
maglakbay tayo sa masalimuot na realidad, nakakabingi,
tuklasin natin ang hiwaga ng lansangang marumi
pero'y huwag kang kukurap baka ika'y madukutan dini.

Masdan mo si mang Pedro sa gilid ng estero,
dati'y nakibaka rin sa People's Power noong 1986,
nagtiwala sa pangakong kaunlaran at pagbabago,
hanggang ngayo'y barong-barong ang tinitirhan,
maralita at lagi pa ring ginugutom.

Ang masikip na eskinitang iya'y stambayan ng magandang si Milagrosa,
sa kadilima'y nakikipag-digma sa hanap-buhay,
nakipag-buno sa mga militar noong Edsa 2,
dala ang pulang bandila ng rebolusyon,
akala'y mapigilan ang kurapsyon,
subalit ay lalong tumindi at lumaganap pa ng lubusan,
hanggang ngayo'y lugmok pa rin siya sa kahirapan,
naka-lubog ang kaluluwa sa nakaka-baliw na kawalan,
napilitang lumipad ng mababa,
sa putik ng prostitusyo'y dumapo.

Kung mangyari lamang ay batakin mo ang iyong pantalon,
baka ika'y mabasa,
umapaw na naman ang tubig sa kanal,
huwag kang mahimatay sa nakakasukang baho nito,
dulot ng matinding pangungurakot sa kaban ng bayan,
mga imburnal ay nagkagiba-giba na.

Huminahon ka't magbuntong-hininga,
ito'y pagaalog-alog lamang,
hayaan mo,
kalsadang lubak-lubak,
sa iyong kamalayan ay mabubura din,
putok na putok sa mga balita,
tila'y bomba atomika,
pondo nito'y ginamit ng alkalde noong nakaraang eleksyon.

Oo nga pala,
isipan ko'y nakatisod ng isang ala-ala,
naitanong mo kanina,
iya'y burol ni aling Juana,
sa gitna ng lansangan ay bantog na tsismosa,
magaling magpa-away ng kapuwa,
kaya napaslang kanina.

Lumingon ka't mga mata'y buksan,
iya'y pansitan ni mang Chua,
tanyag na mangangalakal ng mga droga,
nagpupuslit ng mga pekeng gamot mula Tsina,
halimuyak niya'y abot hanggang sa palasyo ng Malakanyang,
malaking halaga ng salapi ang ibinibigay bilang pampadulas
sa mga buteteng pulitiko,
buong bayan ay inilalagay sa masaklap na sakuna.

Binibini,
tahan na sa pag-iiyak sa harap ng puntod ng kalupitan,
ito ay nakakamatay na bangungot,
balang araw ang mapapaslang ay ikaw,
manindigan at huwag gumapang,
boses mo'y taasan,
isigaw sa mga tengang bingi ang harapang
pandudugas,
pukawin ang bayang natutulog sa mahimbing na panlilinlang,
buksan ang mga matang nabubulag sa lason ng mga pangakong
napapako,
pagbabago ay makakamtan din.

Monday, November 4, 2013
Topic(s) of this poem: Poem
POET'S NOTES ABOUT THE POEM
poem about EDSA revolutionary futility
COMMENTS OF THE POEM
Carlo Gianni Pansensoy 04 November 2013

one of the best tagalog poems

0 0 Reply
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success