Laban Pacquiao Sa Isang Pilipinas Poem by Captain Herbert Poetry

Laban Pacquiao Sa Isang Pilipinas

Sa pagtutok ng buong mundo’y itataguyod Ka, Bayang Perlas
Saan man ng sulok ang tribo’y itataas ang kislap ng watawat
Bubuhayin ang alab na magkakapit sa isang sulo ng tagumpay
Aapaw ang pagmamahalan at pagkakaisa
ng isang lahi ng iba’t ibang isla

Nagsimula sa kahirapan na hindi sumuko sa mga suntok ng buhay
Natumba at bumangon sa mga hamon ng kinabukasan
ng may bitbit laging dasal
Isang ehemplo sa pamilya at modelo ng pagpapakumbabang may lakas
ng loob sa mga Pilipino
Tumulo ang mga pawis at pumatak ang dugo ng nananalo at tagumpay
kahit dambuhalang pangalan pa ang kalaban

Magkasugat man at magkabukol ay hindi iindain maitaas lamang
ang ating bandila
Magiting na haharap sa buong mundo ng tapat at walang dayang
gagawin para sa malinis na karangalan ng ating bansa
Ibat-ibang kulay ng kultura ang hahanga sa iyo Manny at mabubuo
ng mga Pilipino sa pagkakaisang Kamay
Sa mga kaliwa’t kanang iyong bibitawan ay huhugis ang imahe
ng Lupang Hinirang ng may bagong Pag-asa.

Mula sa mga magsasaka, sundalo, kapulisan, mga ordinaryong tao
at lahat ng mamayan ay titigil para sa ilang oras
ng kapayapaan at pag-ibig sa Inang Bayan
Krimen, masasamang loob at lahat ng kalsada ay tatahimik
ng dahil sa di-pangkaraniwang
at mala-mahikang pagbabago sa milyong tao.
Kampeon ka lagi sa amin, kampeon sa lahat bagyo’t trahedya
na tumulong na ibinabalik sa mahihirap,
at kampeon ka sa ipinakita mong dangal ng isang tunay na Pinoy
sa diwa, salita’t gawa.
Mga network magsasasama -sama, gobyerno’y handa na sa suporta,
mga bata, nanay, tatay, lolo, lola, kuya, ate, dukha, mayayaman,
at ang mga simpleng Juan dela Cruz ay magtitipon
para sa isang kasaysayan, para sa isang luwalhati’t pagsinta
at Para sa Isang Pilipinas ng Kapayapaan, Pag-ibig
at Pagbubuklod.

Friday, April 17, 2015
Topic(s) of this poem: nationality
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success