Ibon Poem by Pacific Hernandez

Ibon

No’ng kami’y bata pa’t pastol ng kalabaw,
Maraming ibon ang nakita’t namasdan
Nakalulungkot lang, sila’y wala ngayon
Nang dahil sa tao, they’ve gone to extinction

Noon sila’y sadya na napakarami
Iba’t-ibang tawag, iba’t –ibang klase
May tawag nang dahil sa huni at ayos
Mayro’n naming dahil sa galaw at kilos

Merong ibong tawag nami’y Pipit Kentod
Pagbaba sa lupa’y laging yumuyutyot
Lalo’t sa buhangin sa tabi ng ilog
Ito daw ay upang alamin, matalos
Kung ang lupang kinaroroonan niya
Ay malambot pa o matigas na baga
Utos ng ark builder, dili’t walang iba
The greatest greatgrandpa na si Lolo Noah

Bakit ba ang Uwak ay ganoon tawagin
Madali ang sagot, iyo lamang dinggin
Kung humuni sila ba ay papaano
Ang sagot sa tanong ay malalaman mo

Eto pa ang tanong “Bakit siya ay itim? ”
Sa aking narinig ganito ang dahil
Inutusan siya ng boss Lolo Nueh
Lumipad ka at humayo at iyong tingnan ang
epekto ng baha sa kapaligiran

Kay tagal-tagal na, di siya bumabalik
Si Grandfather Noah ay inip na inip
Nagpadala siya ng inspection party
Ano ba ang tunay at siyang nangyayari
Ang nakita nila’y nakapanghihilakbot
Ang masibang ibon, kumakain ng bulok
Sa galit ni Lolo siya’y pinarusahan
Ginawa niyang luksa at itim ang kulay
Ang dati niyang huning malambing, matamis
Ngayo’y bugak at kay sakit sa pandinig

Mga ibong iyon hindi man nagtagal
Sa buhay nami’y sandaling sumalimbay
Sila man ay wala’t nangagsipaglaho
Sila nama’y buhay pa sa aming puso
Kahit na nga noong kami pa ay bata
Meron kaming alay sa kanilang tula

“Sabi ng Sabukot, magpatuli ang supot
Ang sagot ng Pipit, ayoko’t masakit
Ang tugon ng Pugo, ayoko’t madugo
Sumabad ang Luklak, ayoko’t maantak
Umayon ang Tikling, gusto ko’t magaling
Ang sabi ng Maya, iisipin ko pa”

Tula naming ito’y parang walang kuwenta
Aba! No! No! Hindi! Ito’y may halaga
Sa tuwing ito’y aming binibigkas-bigkas
Ang dala ay alaala ng lumipas
Ang bukid, ang ilog, bundok, mga gubat
Kung saan kami ay naglagi’t madalas
Nakapanghihinayang, nangawalang lahat

Wednesday, April 22, 2015
Topic(s) of this poem: nature
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success