Hagdan Ng Buhay Poem by Pacific Hernandez

Hagdan Ng Buhay

Ang buhay ay hagdan na bawat baitang
ay mayroong turo't iniiwang aral.
Sa dulo ng hagdan ako'y nakarating.
Anu-anong aral ba'ng naiwan sa 'kin?

Ang unang baitang, di ko namalayan
Ang aking paligid, hindi nawarian
Ako pa ay sanggol at kulang sa muwang
Ngunit kahit konti, na'y may natutunan
Ang ilan sa aking pangangailangan
Umiyak lang ako'y aking nakakamtan
Pag ako'y nagutom, sa 'ki'y ilalapit
Ang dibdib ni Inang sa gatas ay tigib
Pag ako'y naginaw, ako ay nanlamig
Ako'y mababalot, yakap na mainit
Ngunit gusto ko mang do'n ay manatili
Hindi mangyayari, hindi maaari
Ako nga'y sagana do'n sa pagmamahal
Ngunit kailangang ako ay lumisan

Sa pagkabata ko ako ay dumatal
Doo'y nakapulot din ng konting aral
Ang buhay ng bata ay di laging tamis
Doo'y mayro'ng lumbay, may hapdi at sakit
Laruang nawala, kaibigang lumayo
O kagat ng langgam ay pagkasiphayo
Napag-alaman ko na maari pa rin
Sa pag-iyak lang ang gusto'y maaangkin
Sa konting sipag at pagkamasunurin
Mayroong gantimpalang sa aki'y darating

Ilang taon lamang ay nagulat ako
Ako ay isa nang taong binatilyo
Ang pagiging bata ay aking iniwan
Ako pala'y meron nang pananagutan
Sa mga kapatid, sa mga magulang
Sa ikabubuhay dapat nang tumulong
Ang pag-aaral na'y isang obligasyon
Sa tatag ng bukas ay isang pundasyon
Di lahat ng hiling pa ay makakamtan
Kailangang sila na ay pagpaguran

Sa pagkabinata ay aking nalaman
Ang pag-ibig ba ay anu-anong taglay
May tamis, ligaya, hapis, kalungkutan
Pait o ligaya, bigo o tagumpay

Sa pagkabinata ko rin napagmasdan
Mga paruparo na nagliliparan
Sa mga bulaklak ay palipat-lipat
Ang bawat talulot ay gustong mapitas
Doo'y isang leksiyon ang aking napulot
Di dapat lagasin ang bawat talulot
ng isang bulaklak, di dapat mapitas
Kung hindi sa altar ay maihaharap
Ang isang bulaklak kapag kinuyumos
Sugat na nalikha sa puso niya'y tagos
Sa agos ng buhay siya ay maaanod
Kung walang sasagip, siya ay lulubog
At ng panlilibak siya ay tampulan
Laging kinukutya, pinagtatawanan

Sa pagiging ama't baitang na ito
Ay maraming aral ang natutuna ko
Ang dalawang panig, pag may argumento
Ang lumunok ng pride ay di pagkatalo

Salita'y may tinik na nakasusubyang
Kelangang salain, kelangang kalisan
Pagkapinuhin mo bago bibitawan
Salitang may tinik, kapag nakasugat
Maghilom man ito ay hindi kaagad

Nang malaking yaman di ako nagkamal
Kung ano ang meron ko'y pinagtiisan
Yaong wala ako'y pinagpunyagian
Ang hindi sa aki'y di pinag-intresan
Ang kalooban mo kapag mayro'ng inggit
Ay hindi tiwasay, hindi matahimik

Sa dulo ng hagdan, ako na’y naroon
Ibang pupuntahan, ako pa ba’y meron
Sa matutunan meron pa ba ako
Sa tingin ko’y wala’t ang wakas na’y dito

Sa mga nagawan ng pagkakamali
Ng kapatawaran, ako'y humihingi
Mga nagawa kong baluktot at lihis
Ng paumanhin ba'y kaya pang ituwid

Wednesday, April 8, 2015
Topic(s) of this poem: life
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success