Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 9) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 9)

GAWAING PANSANAY
1. Pagpasyahan ang mga sumusunod. Isulat sa patlang ang TAMA kung ito ay tama, at kung mali naman ay magbayad ng limandaang piso. Game!
_____a. Di man siguradong nakakapagpatalino, ang tindang yema ng mga teacher ay tiyak na nakakapagpataas ng grade.
_____b. Tulad ng Kiwi Shoe Polish, ang 'brain vitamin' ay hindi rin dapat iniinom ng tao.
_____c. Dahil sa apelyidong 'Ong, ' si Bob ay posibleng Pakistani.
_____d. Kung magpapakalbo si Bob Ong buwan-buwan, kikita s'ya ng tatlong libong piso taon-taon nang walang pagod.
_____e. Ang pagtaas ng pamasahe ay epektibong deadline sa pagpapasa ng manuscript.
2. Sumulat ng talatang naglalarawan sa pinakapaborito mong teacher of all time. Salungguhitan lahat ng salitang Taglish.
'Writing is an adventure. To begin with, it
is a toy and an amusement. Then it becomes
a mistress, then it becomes a master, then it
becomes a tyrant. The last phase is that just as
you are about to be reconciled to your servitude,
you kill the monster and fling him to the public.'
- Winston Churchill
Kumpara sa una kong libro, merong mga hindi gaanong natuwa sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? Pero sa ngayon, ang ikalawang libro ang maituturing kong higanteng pagsubok sa pagsusulat ko.
Ang Bobong Pinoy ay gawa ng isang malokong tao sa Internet kung saan karaniwan lang ang mga maloko. Kaya nang isulat ko ang una kong libro kung saan ipinakita ko ang personal kong kahinaan, may takot ako na baka hindi ako seryosohin ng mga tao, o pagtawanan ng mga pinagtawanan ko rin. Pero nalagpasan ko yon. Tinanggap ako ng mga kabataan mula sa kung tawagin nila e 'astig' sa Internet hanggang sa pagiging 'inspirational' daw sa libro. Malaking pondo na yon, kung tutuusin. May 'fan base' na 'ko. Nakakatakot nang sumugal. Pero naisip ko pa ring isulat ang pangalawang libro. Hindi dahil sa kailangang sundan ang una, kundi dahil sa wala yung una kung wala yung pangalawa. Mga kwentong barbero ang inasahan sa akin ng mga tao, hindi mga kwentong chalk. May utang akong hindi pa bayad.
Hinarap ko ulit ang trabahong matagal nang nakikipagtitigan: Bobong Pinoy...libro. Kung si Joaquin Sy na isang Tsinoy ay may pakialam sa Pilipinas at sa mismong mga Pilipino, bakit hindi ako? Tinignan ko ang mga bookstore, meron nang mga librong naghahamon ng pagbabago. Pero puro Ingles, gawa ng kung sinong kolumnista, gawa ng dating politiko, gawa ng mga propesor-na aminin na natin, bihira sa atin ang nakabasa! Naisip kong pwede akong tumulong sa pagsigaw ng mga mensahe nila. Pwede akong marinig, at pwede rin naman akong mabato ng kamatis. Pero sige na lang, bahala na....
Piniga ko ang dating website ng Bobong Pinoy para sa mga napapanahon pang article na makakatulong sa paglalarawan ng kasalukuyang Pilipinas. Inipon ko rin ang mga forwarded E-mails at hinanap ang mga author nito. Doon ko ipinakita na ang 'Bobong Pinoy' ay hindi lang sentimyento ng iisang tao, kundi ng iba't-ibang Pilipino sa buong mundo.
May mga nagsabing forwarded E-mails 'lang' daw ang ikalawang libro. Pero may dahilan kaya ko sila inipon. Kung makakakita ka ng isang puno, pwede mong sabihing nakakita ka lang ng isang puno. Kung makakakita ka ng sampung puno, pwede mong sabihing nakakita ka ng sampung puno. Pero kung makakita ka ng napakaraming puno, posibleng gubat na ang nakikita mo, hindi mo pa alam. Hindi lang basta nakakainis o nakakatawang E-mail ang mga nakapaloob sa ikalawang libro, dahil ang totoo, nakasalamin ka dito. At yung imahe mo sa salaming yon ang paikut-ikot sa Internet bilang forwarded E-mail 'lang' ay may kinalaman sa hinaharap at kasalukuyang lagay ng bansa mo.
Mismong kaibigan ko, hindi natuwa sa ikalawa kong libro. Masyado raw kasi itong maraming sinabing problema. Pangit ang naging reaksyon n'ya. Pero ayos lang naman sa akin. Una, dahil hindi naman talaga ako nagsusulat para lang sa ikaliligaya ng mambabasa. Kung gusto ko lang magpatawa, dapat pinuno ko na lang ng litrato ko yung mga pahina ng libro. Pangalawa, hindi mo rin naman kasi kailangan ayunan nang buong-buo ang bawat opinyong nababasa mo. Natuwa ka man o nainis, ang importante e apektado ka. Tinubuan ka ng pakialam na dati ay wala. At hindi ko yon ihihingi ng tawad. Hindi ako hihingi ng dispensa sa mga nabulabog kong konsensya.
Siguro kung naduwag ako at hindi ko naisulat ang mga kwentong barbero noon, maisusulat at maisusulat ko rin yon sa hinaharap. Itinuring ko na kasing extreme sports ang panood ng mga news and public affairs program sa TV. Tingin ko, ang mga daredevil sa panahon ngayon e yung mga walang kurap na nakaantabay sa mga bwisit na pangyayari sa bansa. Matinding sikmura ang kailangan para matagalan mo ang mga balita gabi-gabi nang wala kang gagawin kahit ano, kahit man lang pagsusulat. Interesante ngang pansinin na mabiling tanong sa akin ng mga kabataan ang: 'Bakit kailangan kong makialam sa politika? ' Ang lagi kong sagot: 'Para pangalagaan ang karapatan mong hindi makialam sa politika.'
Naniniwala ba 'ko sa nasyonalismo? Sa kinalalagyan narin ngayon, oo. Bilang 3rd world country, oo...o hindi tayo makakaalis sa pagiging 3rd world country. Mahirap magmalasakit sa kapakanan ng buong mundo habang natitisod ka sa mga nagkalat na pulubi sa sarili mong bansa.
Isang beses nagising ako, may passport sa ibabaw ng mesa namin. Nagtaka ako bakit nakakalat lang. Pagbuklat ko, brochure pala ng isang eskwelahang nagsasabing mas madali ka raw makakarating ng ibang bansa pag sa kanila ka nag-aral ng nursing. Hayop sa mission statement. Wala na yung anggulo ng nursing bilang public service. Garapalan na sa marketing, talu-talo na. Yun din ang grupo ng mga eskwelahang nagbebenta ng mga 2-year course na kung tutuusin e wala namang napupuntahan ang mga alumni hangga't hindi nagtutuloy ng pag-aaral sa 4-year course. Yung mga probinsyano tuloy na umasang magkakatrabaho na paglipas ng dalawang taon e nagbabalik probinsya para lang tumambay matapos malamang wala rin palang matinong trabaho sa Maynila ang mga hindi bachelor's degree holder. Nakakaawa dahil nagtitiyaga sa bukirin yung magulang ng mga estudyanteng sa pag-aakalang maiiahon sila ng mga anak nila sa hirap gaya ng mga pinapatalastas sa TV. Walang kamalay-malay na sa bukirin din pala ang bagsak ng mga anak nila. Alam ko, dahil marami akong kilala.
Sabi ng amo kong dayuhan na ikinuwento ko sa umpisa ng ikalawang libro, sa bansa raw nila e sumasakop ng ilang page ang sports news sa mga dyaryo. Samantalang sa atin, kahit sa mismong mga primetime news sa TV e halos walang balitang sports...pero showbiz, marami. At pagkatapos magkondena ng isang istasyon dahil sa bastos na balita ng kabila, sila naman ang hihirit ng kabastusan.
Sa isang episode dati ng The Amazing Race, napanood ko kung paano pumasok sa isang presinto ng Kilimanjaro ang isang Amerikano. Dahil nagmamadali, maangas nitong tinanong ang pulis doon ng: 'DO YOU SPEAK ENGLISH? ' na mabilis namang sinagot ng Aprikano ng 'YES! DO YOU SPEAK SWAHILI? ' Natawa ako noon at napahanga sa sagot ng native! Marunong sila mag-English, pero ipinaalam nila sa mga preskong dayuhan kung sino ang dapat mag-adjust.
Nang mapunta ng Pilipinas ang karera, yun din mismong Amerikanong yon ang nag-utos sa isang Pinoy taxi driver na magmadali sa pagmamaneho. Hinihintay ko noon kung paano s'ya mapapahiya ng isang Pilipino, kasi biglang humirit si manong: 'Over 100 (kph) is prohibited here-so we'll break the law! ' Sabay ngisi.
ANAK NG...'TADO TALAGA! Hindi ko alam noon kung maiiyak o matatawa. Sa Africa: 'Ikaw ang nasa bansa namin, ikaw ang mag-adjust.' Sa Pilipinas: 'Hi, welcome to the Philippines! We break our own law, you break it, too. Enjoy your stay! '
Bakit?
Kasi baliktad tayo magbasa ng libro.
Habang tinitipa ko ngayon sa keyboard ang manuscript ng librong to, mainit sa balita ang reklamo ng mga taong nabubuhay sa pagpapatakbo ng jueteng. Wag na raw silang pakialaman dahil dito lang sila nakakakuha ng pang-araw-araw nilang gastusin. 'Wag nang pakialaman.' I-legalize ang mga illegal, tapos ang problema! Sisihin na lang natin ulit ang gobyerno pag gusto na natin itong makialam sa ibang bagay na hihingi natin sa kalye.
Ang mga katotohanang tulad na huling apat na nabanggit ay ilan lang sa mga dahilan para maisulat ang librong naisulat ko. Kung nasira ko man ang araw mo, o kung hindi mo ito ikinatuwa, malinaw na hindi ako ang tip ng manunulat na gusto mong basahin. Pero hindi ito nangangahulugan ng pagkakakumpiska ng ballpen at lisensya ko para magsulat.
At ano nga pala ang nangyari sa Bobong Pinoy?
Bilin sa akin ng mga doktor dati na wag abusuhin ang antibiotic. Wag itong gamitin basta-basta sa tonsilitis dahil pwedeng lalo pa nitong mapalakas ang bacteria sa maling gamit.
Sa pag-inom ng antibiotic ko naikumpara ang katapusan ng administrasyon noon ni Erap. Sa paniniwalang maling idaan kaagad sa kalye ang pambansang problema. Isa yon sa mga opinyon ko'ng hindi naging popular. Napakamot nga yata ng ulo ang marami dahil kung kelan panalo na ang laban, saka ako bumaligtad. Kung tutuusin masaya sana ako, pero napansin ko kasi noon na may nawawalang importanteng sektor sa mga tao sa EDSA-ang mga loyalista. At hindi ito yung mangila-ngilang loyalista tulad ng kay Marcos dati, kundi malaking porsyento ng mga Pilipino na nagpapanalo kay Erap sa eleksyon.
Labas sa usapan ang tama o mali at mabuti o masama, ang punto ko lang noon ay malinaw na may nasagasaang marami ang mga nag-ipon-ipon ng iilan. Kung lalabas na api ang idolo sa mata ng mga di-napaliwanagang umiidolo, malinaw na hindi pa rin tapos ang gulo. At kung sa martsa ng bawat milyong Pilipino ay makakapagpalit tayo ng pinuno, di malabong paulit-ulit itong masundan ng iba pang grupo ng milyong Pilipino. Nakakatakot ang salitang 'extra-constitutional' na noon ko lang narinig. Dahil sa kabila ng mga teknikal at nakakalitong paliwanag, nangangahulugan lang ito na lumabas tayo sa bakuran ng mga kasunduang tayo rin naman ang gumawa.
Sa paulit-ulit na pagmartsa sa kalye-o pag-inom ng antibiotic-para masolusyonan ang mga sintomas ng cancer ng lipunan, naisip kong di magtatagal e magiging resistant din ang bacteria <*ubo*> at lalong hindi na natin 'to masosolusyonan. Mas delikado, dahil baka sa oras na kailangan at gusto na lahat ng totoong pagbabago, hindi na natin ito maisagawa sa kinasanayang paraan.
Sa ngayon, nangyari na lahat ang mga ipinag-aalala ko. Nagkaroon na ng EDSA Tres. EDSA 3.25. EDSA 3.67 EDSA 3.902. EDSA (almost) 4. At EDSA Pffft! Hati ang Simbahan. Hati ang senado. Hati ang kongreso. Hati ang mga tao. Biktima tayo ng mga natapakang kayabangan ng mga politiko noon. Biktima tayo ng mga natapakang kayabangan ng mga politiko ngayon. Biktima tayo ng pambansang kamangmangan na pinakikinabangan ng iilan.
Itinigil ko ang Bobong Pinoy pagbaba ni Erap. Dahil anuman ang mga nailagay ko doon dati, naisip kong wala nang kailangan pang idagdag buwan-buwan para lang pagtibayin ang punto.
GAWAING PANSANAY
1. Sa isang buong Manila paper, pasakitin ang ulo at isulat kung bakit ba talaga basamag ng rolib ang mga Noypi?
'If God gives you something you can do,
why in God's name wouldn't you do it? '
- Stephen King
On Writing
Isang kaibigan ang dahilan kaya naumpisahan ko ang ikatlong libro. Dahil sa pagtatanong n'ya kung bakit kailangan kong magsulat ng libro para lang ibigay sa iba ang kita nito. Alam kong maganda ang intensyon n'ya bilang nagmamalasakit na kaibigan, pero nalungkot ako dahil alam kong representasyon s'ya ng maraming tao. Hindi lang isa, dalawa, o tatlong beses akong natanong kung bakit kailangang magkaroon ng beneficiary ang ilan sa mga gawa ko. Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit mas abala ang mga tao sa pagtatanong kung bakit meron silang mga kapwang tumutulong, sa halip na tanungin ang sarili nila kung bakit sila e hindi. Masama na ba talaga sa panahon ngayon ang gumawa ng mabuti at kailangan mo na itong ipaliwanag?
Dati ko pa pangarap makatulong sa iba, pero ngayon lang natupad. Minsan nga naiisip ko na kaya lang ako nakapagsulat ng mga libro e para matupad ang pangarap na yon. Meron na rin akong naging kaibigan sa Internet na nag-alok sa aking magtayo ng isang foundation, na tinanggihan ko naman dahil masyado pa kaming hilaw para sa mga ganoong plano. Lalo na ngayong naghigpit na ang gobyerno sa mga nagtatatag ng foundation dahil madalas daw itong abusuhin ng mga politikong nag-iipon lang ng pansariling pondo.
May iba pang tao na nagyaya na rin sa aking magtayo ng kung anong samahan. Sayang daw ang pagod ko kung hindi ako mag-uumpisa ng isang organisasyon. Ang hindi nila maintindihan, hindi ako doon papunta. Kung makakapagtayo man ako ng NGO, kasunod na noon ang pangangalap ng resources. Mahirap nang iwasan ang mga politiko at politika. At kung minamalas-malas ka, baka bumagsak ka pang isa sa kanila-kung saan full time kang gagawa ng wala.
Naniniwala ako na kung wala kang nagagawa sa kinatatayuan mo ngayon, wala ka ring magagawa sa kung saan mo man gusto magpunta. Hindi totoong mas marami kang magagawa pag nasa pwesto ka na. Sa politika natin ngayon, kabaliktaran n'yan ang katotohanan. Tulad na lang ng isang celebrity na nagtatag ng social movement noong 2004 para tapusin na ang sobrang politika sa bansa. Andaming tumawag sa programa sa TV kung saan s'ya ini-interview noon. Marami ang gustong sumali. Pagkalipas ng isang buwan nalaman ko na lang tatakbo palang senador si celebrity. Napailing na lang ako ng ulo. (Clue: Nanalo s'ya!)
Hindi ako naniniwalang kailangan pang maging isang rehistradong social movement ang Bobong Pinoy na dapat salihan ng mga tao para maging epektibo. Kung anumang pilosopiya ng BP ang may dating sa'yo, ikaw na mismo ang maghahanap ng NGP na sasalihan mo...kung sa tingin mo man na doon ka mapapakinabangan.
Balik sa Ang Paboritong Libro ni Hudas....
Noong panahon ding yon ako nakatanggap ng isang E-mail na galing sa mga taong hindi ko kilala, naghihikayat sa isang siraulong samahan ng mga New Age thinkers. SPAM ang tawag sa mga ganitong unsolicited mails sa Internet. Kaya sa halip na sagutin ang sulat, ginawa ko 'tong inspirasyon para tugunan ang mga tanong ng kaibigan ko tungkol sa obligasyon nating tumulong sa kapwa, kung saan ang lahat ay mauuwi sa usapin tungkol sa Diyos, sa mundo, at sa buhay ng tao. Career suicide nga ang mga libro ko kung tutuusin. Hindi ko napansing pinatos ko na ang politika, isinunod ko pa ang relihiyon. Lahat ng dapat iwasan sa pampublikong kwentuhan, nasagi ko. Hindi dahil sa matapang ako, kundi dahil bobo. Sabi nga ng isang kaibigan, paano raw ang mga mambabasang walang Diyos. 'Wala tayong magagawa, ' sabi ko. 'Pananaw yun ng manunulat.' Kung kabayo ang gagawa ng libro, mahirap maging laging politically correct alang-alang sa mga damo.
Hindi ako santo o isang napakabuting tao, pero hindi ko ginagawang hadlang yon para makatulong sa iba paminsa-minsan. At sa mga pagkakataong sinusumpong akong tumulong, di ako iwas na magkwento sa mga malapit na kaibigan. Wala akong pakialam kung hindi ako makaakyat ng langit dahil sa pagbanggit ng nagawang kabutihan, tulad ng idinidikta ng relihiyon. Ang importante nakatulong ka-taposF! Naipakita mo sa mga kaibigan mo na kahit gago pwedeng gumawa ng mabuti. Hindi bawal yon. Tingin ko nga e yun ang isang malaking kalokohan sa mundo ngayon: ang pag-aakala ng mga tao na kailangan mo munang maging mabuti para bumagay sa'yo ang paggawa ng kabutihan-na mukhang gago, kung iisipin. Dahil wala naman talagang taong mabuti. Meron lang mga taong masarap gawan ng kabutihan tulad ni Zhang Ziyi. Amen.
Namasyal ako sa iba't-ibang forum ng Internet para sa laman ng ikatlong libro. Gaya ng dati, sa halip na sumali sa kwentuhan e ginawa kong outline ang mga maiinit na debate tungkol sa mga pilosopiya at paniniwala. Ang hindi ko lang maintindihan e kung bakit pagkatapos mainis ng ilang atheist sa kakulitan at pamimilit ng mga fundamentalist, sila naman ang mangungulit at mamimilit sa'yo na maniwala sa wala. Langaw versus langaw. Mas bata ang atheist, mas mahirap sakyan. May mga atheist akong classmate noon. Pag recitation, yumuyuko rin sila para magdasal.
Zhang Ziyi...pray for us.
Totoo. Hindi ako makatagal sa higit isang palabas ng National Geographic, Discover Channel, o Animal Planet. Hindi kayang gilingin ng utak ko ang sobrang dami ng impormasyon tungkol sa mundo. Doon pa lang, mahirap nang pasinungalingan na may mas mataas na Kapangyarihan na higit sa tao. At yun ding Kapangyarihan na yon ang nagbigay sa akin ng Talangka, Aso, Pagong, at Kuneho.
Taong 2001 pa inumpisahan ang story board ng Alamat ng Gubat, pero Nobyembre ng 2004 na 'to natapos. Gaya ng inaasahan, nanibago ang mga mambabasa sa pagiging fiction ng ikaapat na libro, at meron silang mga hindi nagustuhan dito. Una na ang mismong kwento na bagama't makatotohanang paglalarawan daw ng sakit ng lipunan, e tulad din ng ikalawang libro na 'walang inihain' na solusyon. Malayo raw sa mga nobela ni Rizal na kahit paano e may mga bayaning kumilos para sa pagbabago.
Pero ayokong pagtuunan ng pansin ang pangangailangan natin sa isang bayani. Bayani si Shaider, si Batman, si Astroboy, at si Darna. Pero kung titingnan mo ang mga mundo nila, punung-puno ng mga halimaw, higanteng ahas, demonyong robot, lindol, sunog, krimen, at kung anu't-ano pang trahedya...kung saan ang full time job ng mga tao ay sumigaw lang lagi nang sumigaw habang nalalaglag sa biyak na tulay o nilalapa ng dambuhalang uod.
Hindi naging gubat ang gubat nang dahil lang kila Leon. Kahit mag-special appearance si Superman sa kwento para ibato si Buwaya sa ibang planeta, mananatili ang gubat dahil sa mga nakatirang hayop dito.
Interesanteng isiping hinahanap pala ng mga mambabasa sa mga hayop ang magiging bayani ng kwento...samantalang hinahanap naman ito ng mga hayop sa mga mambabasa.
Naghahanapan. Nagtuturuan. Nagtititigan sila.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success