Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 8) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 8)

Unang Libro.
Di tulad ng ibang author na inuuna ang manuscript bago ang paghahanap ng publisher, inuna kong problemahin kung may publisher bang sasalo sa pagpapaguran ko. Sa isa pa at huling pagkakataon, ibinalita ko sa mailing list ng BP ang seryosong intensyon ko na makakita ng interesadong publisher. Doon sumagot sa akin ang isang empleyado ng Visual Print Enterprises (VPE) . Hulog na sana ng langit, kaso lang 'printer' sila at hindi isang 'publisher'. Malaki'ng pagkakaiba.
Pag nagpasa ka ng manuscript sa publisher, maghihintay ka lang ng isang buwan o higit pa para malaman kung pasado ang trabaho mo. Kung pasado, bukod siguro sa optional na book launching, book signing, at author's visit sa mga bookstore e wala ka nang problema. Sagot na lahat ng publisher ang gastos at trabaho sa paggawa at pagbenta ng libro mo. Manonood ka na lang ng Cartoon Network sa bahay habang naghihintay ng royalty, kung meron man. Pero kung printer ang lalapitan mo, sagot mo lahat ng gastos sa sakit ng ulo. Para ka lang talaga nagpa-'print'. Pag buo na ang libro mo, malaya ka nang magtinda nito sa mga bangketa sa Quiapo. Wala kang kahati sa kita. May control ka pa sa lahat ng aspeto ng libro dahil walang magdidikta sa'yo kung paano ito gagawing mas mabenta. Para ka ring nag-produce ng pelikula kung saan ikaw ang bida-at walang masama doon! Lalo na kung maraming tao ang totoong naniniwala at bilib sa galing mo. Kahit yung mga kalaro ko dati sa patintero (sina Edger Allan Poe, Thomas Paine, D.H. Lawrence, Walt Whitman, Virginia Woolf) e kumagat din sa self-publishing. Ang totoo n'yan, maraming bestseller at sikat na libro ang self-published: The Tale of Peter Rabbit, Tarzan of the Apes, Wizard of Oz, Huckleberry Finn, The Bridges of Madison County, The Celestine Prophecy, Chicken Soup for the Soul, Elements of Style, What Color is you Parachute? , Rich Dad Poor Dad, at pati ang Legally Blonde na kelan lang e ginawang pelikula-yan at marami pang iba-nag-umpisa bilang mga self-published books. Yun nga lang, kung hindi ka man intellectual stuntman na may maisusugal na pera at talento, iba pa rin talaga yung dumaan ka sa hatol ng isang publisher na handang magtaya ng malaking pera dahil sa kumpiyansa n'ya sa trabaho mo.
May nahiram akong maliit na halaga noon sa mga magulang ko, back-up kung sakaling papatol ako sa self-publishing. Pero nagamit ko yon sa ibang bagay, kaya publisher na lang talaga ang pag-asa ko. Sa kabutihang palad, tiniyak naman sa akin ng VPE na handa silang maging publisher para sa libro ko.
Dahil first-timers, pareho kaming nangapa bilang author at publisher. Tango ng dalawang di marunong magsayaw. Pero ayos naman dahil ang hindi alam ng isa, naituturo nung isa. O kung hindi naman, sabay na pinag-aaralan, At dahil baguhan ang VPE at hindi nakakahon ang isip, bukas ito sa mga konseptong alam kong uurungan ng ibang mga kilala nang publisher. (At para talagang kumpleto na ang plugging at free advertisement ng VPE, isipin mo na lang na may masayang background music ang kwento ko na sinasayawan ng mga babaeng naka-bikini at may malalaking buntot ng manok sa ulo tulad sa Las Vegas.)
Solb na ang publisher, balik sa manuscript....
Itinuloy ko ang pagpaplano kung paano aatakihin ang pagsasalibro ng isang website. Pero anak ng pandesal! Kahit kulangutin ko ang utak ko talagang imposible yata ang gusto kong mangyari. Masyadong mahirap at ambisyoso ang pagsulat ng garapal na libro para sa isang baguhan. Naglabasan lahat ang takot at duda ko sa sariling kakayanan. Sa puntong yon ko naisip na ayoko munang magsulat ng tungkol sa kabobohan ng iba.
Sa kuya ko nanggaling ang titulo ng librong ABNKKBSNPLAKo? ! . At tulad ng lahat ng mga nakababatang kapatid, guinea pig ako ng mga kabalbalan n'ya dati. Grade 4 ako nung ipabasa n'ya yan sa 'kin...syempre pagkatapos, ipinabasa ko naman sa mga classmate ko. Ganito ang joke d'yan: Pagkatapos basahin yan nang mabagal ng classmate mo, sasabihan mo s'ya ng 'Waaah, ngayon lang s'ya natuto magbasa! HAHAHAHAHA! ! ! ! ! ' Ganon. Mga patawang kalbo noong elementary. Akala ng marami sa ngayon e hango sa text message ang katagang ABNKKBSNPLAko? ! , pero ang totoo e base ito sa mabagal na paraan ng pagbabasa ng mga Grade I. (Isinulat ko yan dati sa bench ng isang waiting shed sa eskwelahan namin. Nabili naman yung joke sa mga kaklase kong kapwa ko mabababaw. Kahit nga magpalobo ka lang ng laway magtatawanan na yung mga yon!) At kung sakaling hindi mo pa rin naiintindihan ang nakasulat, yan e 'Aba! Nakakabasa na pala ako! ' Mali ang ibang sales clerk na kung tawagin yan ay 'ey-bi-en-key-key-bi-es-en-pi-el-ey-key-o'. Ang totoo nga n'ya ako mismo duda sa titulo, kaya bago ko ipinasa sa publisher ang manuscript e ipinabasa ko muna ito sa ibang tao para siguraduhing hindi lang ako ang nakakaintindi. Pero mukhang ganon nga ang lagay minsan.
Hindi ko alam kung paano nauwi sa kwentong chalk ang librong dapat sana e kwentong barbero. Naisip ko lang na kung magiging libro ang Bobong Pinoy, dapat muna itong mag-umpisa sa bobong pinoy na pinakamalapit sa akin. Ang sarili ko. At kung anuman ang konsepto ko ng talino.
Isa sa mga naging inspirasyon ko noon e yung mga public elementary school teacher na nakita ko dating nag-aabang ng jeep. Hindi maalis-alis ang tingin ko sa kanila. Bigla akong nanibago. Doon ko lang naisip, unique pala ang mga public elementary school teacher. Iba ang itsura nila, katawan, pananamit, pagsasalita, paglakad, edad, at ummm...amoy! Meron silang dignity at authority na wala sa mga high school at college profs. Para kasi sa atin nung mga bata pa tayo, may tatlong klase lang ng teacher: ang mga nakakatakot, ang mga hindi nakakatakot, at ang mga taga-ibang planeta-ito yung mga wala tayong idea kung ano'ng itinuturo nila, basta alam lang natin naka-teacher's uniform sila at gumagala sa school compound.
Hindi ko alam kung pangit o maganda, pero mas naka-concentrate tayo sa pag-aaral dati dahil wala tayong pakialam sa nagtuturo. Walang tsismis kung kabit lang si ma'am o bading si sir. Wala tayong alam at pakialam kung may putok man ang teacher o nanggogoyo lang sa lecture. At di natin kinukwestiyon ang presyo ng tinda nilang yema. Siguro nga maraming beses din tayong naisahan ng mga teacher natin dati, pero natuto tayo dahil buo ang pananalig natin sa kanila.
Noon nga raw unang panahon, hindi lahat ng tao pinag-aaral. Sa ancient history, kung sundalo ka lang at panangga sa mga pana at sibat ng kalaban, di mo na kailangan matuto magbasa. Ganon na lang yon. Yun na ang kinagisnan nilang pamumuhay at di na kinukwestiyon. Ngayon naman, lahat pinag-aaral na hangga't kaya ng gobyerno. Pero kung praning kang tulad ko, maiisip mo: Paano ako naging sibilisado? Ano ang ipinagkaiba ko sa mga unggoy bukod sa hindi ako kumakain ng kuto? Ano nga ba ang nangyari sa higit labinlimang taon ko sa eskwelahan? At ano nga kaya ang pagkakaiba kung hindi ako nag-grade 1?
Hindi ako nakaranas ng board exam, kaya liban sa National College Entrance Exam noong high school, hindi na 'ko ulit napasailalim sa madibdibang mental workout. Dahil dito, naisip kong ikundisyon muna ang utak ko bago sumabak sa nakakangarag na trabaho ng matagalang pagsusulat sa una kong libro. Kumbaga sa giyera e kailangan ko muna ng armas. Nasa ganoong takbo ang pag-iisip ko noon nang bumili ako ng 'brain vitamin' na nabasa ko sa dyaryo, umaasang magkakaroon ng superpowers ang utak ko at gagaling ako sa pagsusulat. Pero 'langhiya, nahilo lang ako at naging antukin pagkainom ng isang tableta. Ilang araw akong hindi makaalis-alis sa isang page ng manuscript dahil lagi akong 'high' sa antok. Noon din e tinalikuran ko na ang 'bawal na gamot'.
Hindi naging madali ang pagsulat ng una kong libro. Dahil bukod sa word processor, printer, at 'gising na utak', kinailangan ko rin maghanda ng bago at matibay na kumpiyansa sa sarili...na hindi ko alam kung saang botika ko mabibili. Madman ako noon na literal na nag-uumpog ng ulo sa pader. Naiinis ako sa sarili ko dahil sa mga siraulo kong desisyon sa buhay. Nasa matino na 'kong eskwelahan, umalis pa 'ko. Nagkaroon ako ng matinong trabaho, iniwan ko. Di ko maintindihan kung risk taker ako o sadya lang talagang bobo.
Dahil sa aburido sa mundo, nagpakalbo ako sa kalagitnaan ng pagsusulat ng ABNKKBSNPLAko? ! . Oo, may karapatan magpatawa yung libro dahil kalbo ang sumulat noon. Sobrang weird ang unang reaksyon ng mga tao sa bahay namin. Iwas sa akin ang lahat, bukod sa kasambahay na naghahatid ng pagkain sa kwarto. Para akong taga-ibang planeta na may nakalalasong amoy. Sa isang pagkakataon e kumatok ang nanay ko sa kwarto para magbigay ng dalawandaang piso.
'NAAAY, ANO 'TO? ? ? ? ? ' Sobrang asiwang tanong ko. Dahil nagpakalbo ako, binibigyan n'ya ko ng dalawandaang piso? ! Di ko alam kung matatawa ako, maiinis, o iinom na lang ng paint thinner. Malungkot ang mga mata ng nanay ko, at sa halip na ipaliwanag kung para saan yung ibinibigay n'yang dalawandaang piso, dinagdagan n'ya pa 'to ng singkwenta pesos. Syit, parang Laban o Bawi. Tinatawaran ng nanay ko yung katinuan ko. Iba talaga magmahal ang magulang.
Makalipas ang ilang buwan ng pagsusulat ng librong di ko man lang alam kung maiintindihan ng kung sinuman ang magtitiyagang magbasa, sinorpresa na naman ako ng tadhanang gustong magpatawa. Pasado ala-una ng madaling araw nang marinig ko ang sigaw galing sa bubong ng kapitbahay. At sa tindi ng panggigising n'ya, alam kong wala na 'kong karapatang magpungas-pungas pa. May sunog. Sa likod lang ng bahay namin. Diretso takbo ako sa bubong ng bahay para sumilip. Pero isang segundo lang ang kailangan ng mata ko para malamang sigurado nang mawawalan kami ng bahay noon ding araw na yon. Twenty meters lang ang layo ng malaking apoy mula sa manuscript kong sulat-kamay pa, at ten minutes mula sa computer ko kung saan naka-save ang unang parte ng kaisa-isa kong libro. Nag-akyat-baba pa 'ko ng balde-baldeng tubig noong una, pero nang matanggap na ng pamilya ang anumang posibleng mangyari, nag-umpisa na rin kaming mag-impake. Inuna kong itabi kung anuman ang natapos kong isulat. Pagtakbo sa computer room, hindi ko pa kaagad nabunot ang mga naka-screw na cable ng CPU dahil sa pagmamadali. Nagpa-panic na pala ako di ko pa alam. Nakalas ko lang ang lahat nang inisip kong kunyari nagnanakaw lang ako ng computer at walang sunog. At sa awa naman siguro ng Diyos sa taong nagkukunyaring nagnanakaw ng computer, namatay din ang sunog kung saan ito nag-umpisa. Isang bahay lang ang natupok ng apoy. Malamang nagsugal yung may-ari ng bahay na yon tapos nangakong babalatuhan ang simbahan ng 10,000 pesos pag sinuwerte pero hindi tumupad sa usapan at sa halip e nag-offer lang ng isang tray ng itlog, kaya ganon.
Balik sa pagsusulat. September 2000 ang unang ipinangako kong submission deadline sa publisher, pero linggo-linggo itong lumalayo. Salamat sa pakikisama ng mataas na lagnat at tonsilitis na nakisabay pa sa pinaka-abalang panahon ng buhay ko. At dahil sa kagustuhan ko noong gumaling at matapos na ang libro, uminom ako ng malakas na antibiotic kahit na walang laman ang tiyan. Ang resulta: isang araw na pagsusuka kasabay ng pakiramdam na para akong tinatadyakan sa tiyan ng sampung kabayo.
October ko na ipinasa ang 80% ng manuscript. Di pa rin tapos, pero ibinigay ko na sa publisher dahil magtataas na noon ang pamasahe sa jeep. At ayokong magbayad ng mas mahal na pamasahe sa jeep.
November, December...January 2001 na nang matapos ang ABNKKBSNPLAko? ! . Sobrang unprofessional ko pa nga dahil pagkatapos kong magtagal sa pagsusulat, minadali ko ang publisher na mailabas yung libro. Gusto ko kasi sanang umabot 'to sa mga estudyante bago magbakasyon, baka sakaling makapagpabago pa ng isip ng mga batang nagbabalak nang tumigil sa pag-aaral. Naintindihan naman ng publisher ko. Pagdating ng February, ipinatawag n'ya ako para sa meeting kasama ang events management group na hahawak sa book launching. Hindi pa alam ng publisher ko na wala akong papatulan sa mga plano nila. Hindi ko makakalimutan ang isang tanong na ibinato sa akin ng event planner: 'Handa ka bang sumikat? ' Tawa lang yata ang naisagot ko noon. Yun kasi yung mga pagkakataon sa buhay mo na hindi mo alam kung matino mong sasagutin ang isang seryosong tanong o hahanapin mo kung saan nakatago yung hidden camera ng Wow Mali!
Nauwi ang lahat sa isang soft launch sa UP Diliman pagdating ng March. Doon kasi maraming nakakakilala sa website ng Bobong Pinoy, kahit papaano alam naming hindi kami gaanong lalangawin. At bagama't wala ako sa 'launching' ng sarili kong libro, itinuloy pa rin ng publisher ang plano. Sa kabutihang palad, hindi naman kami binigo ng mga tagapagbugaw ng langaw. May mga taong pumunta ng UP na hindi ko naman kamag-anak.
Nakapasok din kami ng mga bookstore makalipas ang isang buwan, nahuli lang konti dahil medyo (1) nangapa pa kami, (2) napag-tripan kami, at (3) nasita kami dahil sa dami raw ng typographical errors sa libro. Totoo naman, marami ngang mali sa first printing ng ABNKKBSNPLAko? ! . Bad trip nga lang dahil bilang editor dati sa huli kong eskwelahan, mainit na talaga ang mata ko sa typo-tapos typo pa dumale sa libro ko! Pero naisip ko rin na lalo lang sumalamin sa akin yung libro. Hindi perpekto. Yun ako.
Ilang buwan pa ulit ang lumipas bago ako nakapasyal ng bookstore para sumilip sa espasyong kinatatayuan ng libro ko. Para akong tatay noon ng dahan-dahang sumisilip sa nursery room ng hospital. Pero wala na rin naman gaanong excitement pagkahawak ko sa libro. Mas excited pa 'ko nang ma-publish sa school organ nung high school at sa first article ko sa magazine. Siguro dahil yun ang totoong first time. Kumbaga sa trabaho, walang katulad ang unang sweldo.
Nung mga panahong din yon umuwi ng Pilipinas ang isa sa mga nag-volunteer na maging financier ko na sa Internet ko lang nakilala. Isang ex-leftist na pintor na katulad ng ilan ay nag-akalang leftist din ako. Doon ko umpisang nakilala nang personal isa-isa ang mga taong kausap ko lang dati sa computer.
Isa sa mga interesanteng imbitasyon na natanggap ko noon ay nanggaling sa Kaisa Foundation, isang organisasyon ng Chinese-Filipino community. Nakakahiya nga dahil napagkamalian lang nila akong Tsinoy dahil sa apelyidong 'Ong'. Pumunta ako ng library nila para iabot ang ilang kopya ng mga libro ko, at para makita na rin sana ang isa sa mga taong nahiraman ko ng kwento para sa Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? , si Mr. Joaquin Sy, ang author ng Tamad Nga Ba si Juan? na kung hindi ko nabasa ay hindi siguro ako magkakaroon ng lakas ng loob para ituloy ang ikalawang libro.
Tsinoy ang ilan sa malalapit kong kaibigan, pero mas lumalim ang pagkakakilala ko sa kulturang Tsino-Pilipino nang mapasyalan ko ang museum nila sa Intramuros. Nakakatuwa nga dahil nabigyan din ako ng ilan sa mga publication nila, 'exchange books' daw sabi ni Mr... Mr... pasensya na pero di ko talaga naintindihan ang pangalan n'ya kahit sampung beses ko nang ipinaulit. Pero mabait s'ya, palatawa, at hindi n'ya rin mabigkas-bigkas ang pangalan ng mga libro ko. Lagi n'ya lang sinasabi, 'That little....' tapos ay iguguhit ng mga hintuturo n'ya sa hangin ang isang maliit na libro para tukuyin ang ABNKKBSNPLAko? ! . Dahil doon e naging palayaw ng publisher ko sa unang libro ang 'That-which-must-not-be-named.'
Sa unang labas ng ABNKKBSNPLAko? ! , wala akong gaanong inasahang mambabasa kundi ang mga tao rin sa Internet na nagtulak sa aking magsulat ng libro. Pero pagkatapos kong magawa ang trabaho, wala pa yatang singkwenta katao sa mga 'nagtulak' ang bumili nito. Nakakatawa ngang isiping karamihan sa mga naging mambabasa ko e yun pang mga hindi umabot at walang alam sa Bobong Pinoy. Doon umikot ang hamon para ipakilala sa bagong audience ang website na akala ko e natakasan ko na.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success