Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 6) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Part 6)

MALING PARAAN
NG PAGTANGKILIK KAY BO:
- Pag-iidolo
- Pagpapa-autograph
- Paghingi ng picture
- Pagpapa-pirma ng slumbook
- Pag-aalay ng pagkain sa harap ng mga libro ko tuwing alas-sais ng gabi
TAMANG PARAAN
NG PAGTANGKILIK KAY BO:
Pagda-download ng BO operator logos and icons. Pagda-download ng BO wallpaper and screensaver. Pagda-download ng BO games and videos. At pagsa-subscribe sa BO txt trivia, BO news, BO wake up call, BO answering machine, at BO updates. To register, text UNCLEBOB space <name> space <address> space <age> space <signature> space <what is love? > space <smiley> and send to 0666. Ang malilikom na pondo ay ido-donate sa IRETOKE NATIN ANG MUKHA NI BOB ONG FOUNDATION. Pag gumwapo na si BO, magkakaroon na s'ya ng mga pelikula. Tapos sisikat s'ya at magkakaroon na rin ng mga product endorsement kung saan ang bayad sa kanya ay ipapatong sa presyo ng produktong binibili ng mga Pilipinong mahirap pa sa daga. Tapos yayaman na si BO at hahangaan s'ya ng mga tao dahil mayaman na s'ya, gwapo pa. Kaya bibigyan nila ulit s'ya ng pera. Magpapaulit-ulit yon hanggang sa maisipan n'ya nang maging politiko. At sa panahong yon, anak n'ya naman ang mag-aartista.
Naimbitahan na rin akong magsulat para sa mga programa sa telebisyon at magsalita sa mga <*drumroll*>... graduation ceremonies! Tinanggihan ko dahil sa ngayon e gusto ko lang naman gumawa ng libro. Ayokong magpadala sa mga pwersang humihila sa akin sa mga direksyong hindi ko naman pinangarap. Wala akong balak na mag-ikot ng Pilipinas para sa mga Bob Ong Greatest Hits Concert Tour o Healing Miracle Crusade. May mga taong akma at ipinanganak para sa mga ganoon. Hindi ako isa sa kanila.
Nalulungkot ako minsan pag nakakapanood ng mga balita o documentary tungkol sa kabayanihan ng mga karaniwang tao. Tulad ng kasagsagan ng bagyo noon 2004, kung saan isang taxi driver ang tumalon sa tulay para magligtas ng kapwang nalulunod sa baha at malakas na ulan. Sa kabila ng kabayanihan, na-outside da kulambo pa s'ya ng nagselos na misis dahil umuwi s'ya sa bahay nang wala nang damit.
Naisip ko, bakit yung driver na yon hindi pinagkaka-abalahan ng mga tao maging idolo o inspirasyon? Bakit yung mga sundalo nating ginawang panangga sa mga Abu Sayyaf at namatay, pinugutan ng ulo, o nawalan ng mga paa at kamay, ni hindi natin kilala? At bakit kailangang magkaroon ng sariling billboard ang mga politiko na wala namang ginagawa kundi uminom ng mineral water sa de-aircon na kwarto?
GAWAING PANSANAY
1. Ilarawan ang mga taong mahilig magtaas ng kili-kili sa LRT, MRT, at mga bus kahit na meron silang malakas na BO. Ano sa tingin mo ang maaaring ikaso sa kanila?
2. Batay sa napag-aralan, naniniwala ka bang 135 ang IQ ni Bob Ong? Bakit mo naisip na mas mataas pa?
3. May alam ka bang murang second hand na computer? Magkano? May printer na?
4. Ipaliwanag ang halaga ng kabayanihan sa buhay ng tao. Salungguhitan lahat ng salitang trip mong salungguhitan.
'What no wife of a writer can ever understand
is that a writer is working
when he's staring out the window.'
- Burton Rascoe
Critic, editor, and journalist
Kung bubuuin ang tema ng una kong tatlong libro, lalabas ang motto ng pinanggalingan kong eskwelahan. Hindi yon sadya. Nagkataon lang na yun ang mga paksang handa kong pag-aksayahan ng tinta. At hindi rin sinasadya, pero ngayon ko lang napansin na ang pamagat ng mga naisulat ko ay naglalaman ng mga salitang 'nakakabasa', 'magbasa', at 'libro'.
Survivor ng mga persecution, censorship, at kali-kaliwang giyera ng libu-libong taon. Palatandaan ng panahong naghihiwalay sa nakatala at di-nakatalang kasaysayan ng tao. Basehan ng mga paniniwalang pulitikal at panrelihiyong nagpabago sa takbo ng mundo. Yan ang libro.
At ang kwento natin sa araw na ito, mga bata, ay kung paano gumawa ng libro-Bob Ong style!
Ballpen at papel muna ang hawak ko sa pagsusulat ng libro. Ayoko kasing magsimula ng trabaho sa harap ng mainit at blangkong computer monitor kung saan buong araw lang ako kikindatan ng cursor ng MS Word. Pag may laman na ang papel ko at madulas na ang utak, saka lang ako hahawak ng keyboard para mag-type at umaktong writer.
Type. Typr. Type. Tigil. Mental block. Kindat ang cursor. Kindat ang cursor. Kindat ang cursor. Manghihinayang ako sa kuryente. Babalik sa papel. Masyadong mabilis ang idea, di makahabol ang ballpen. Babalik sa computer. Masyadong mabagal ang idea, sayang ang kuryente. Babalik sa papel. Masyadong mabilis ang idea, di makahabol ang ballpen. Babalik sa computer. Masyadong mabagal ang idea, sayang ang kuyente. Babalik sa papel. Repeat till fade. Check ng E-mail, may sulat galing sa reader. 'BOB ONG KELAN BA MATATAPOS ANG BAGO MONG LIBRO? ? ? ? ? '
Lilipas ang ilang linggo. Balik sa proseso ng type-type-type-tigil. Matatapos ang manuscript at ipapasa sa publisher. Babalik sa edited manuscript. Sasabihin ng editor: 'Bob, walang salitang langgonisa! ' Sisitahin pa n'ya ang iba kong mali. Hihirit ako at ipapaliwanag na informal ang grammar ko. Sasagot s'yang iba ang informal sa mali!
Bakit type-type-type-tigil para sa revision.Submit sa editor. Check ng E-mail. Galing sa reader: 'BOB, WALA KANG KATULAD! ANG LUPET MO IDOL! ! ! ' Galing sa editor: 'BOB, WALANG SALITANG ISINASANG-ALANG-ALA, KAHIT SAANG DICTIONARY KA MAGHANAP! ' Sa E-mail, para 'kong gifted child sa pananaw ng ilang reader. Sa telepono, para akong pusang tumae sa kama kung pagalitan ng editor.
(Trivia: Taghirap ako sa paperclip. Lagi kong ipinapaalala sa editor na ibalik sa akin ang mga paperclip pagkatapos basahin ang manuscript. Kaya pamasko n'ya sa akin noon, dalawang kahon ng iba't-ibang paperclip!)
Ang book cover? Pilit kong inuuna ang paggawa ng mock-up nito kesa sa manuscript. Parang finish line kasi yon para sa akin. Ayokong magsulat ng libro nang di ko nakikita ang katapusan. Nirerespeto naman ng publisher lahat ng idea ko, pero nasa kanya pa rin ang huling salita. At yung fonts? Hindi laging Comic Sans yun. Guni-guni mo lang!
Balik sa manuscript. Type. Type. Type. Submit ulit sa editor. Wala nang comment. Ibig sabihin pagod na s'ya. Panalo ako. Yesss! ! !
Mula sa editor, ile-layout ang manuscript para magawan ng negative. Tapos didiretso 'to sa stripper na maghahanda nito para maging plantsa. (Hanggang ngayon hindi ko kayang sabihin ang 'stripper' nang hindi nakangisi.) Mula sa stripper <*ngisi*> itatakbo na ang hilaw na BobOngBook sa press para ma-imprenta. Saka ito ngayon itutupi-tupi, pagdidikit-dikitin, gugupit-gupitin, at ipambabalot sa tinapa kung reject. Pero minsan dinadala din 'to sa mga tindahan ng libro pag maayos ang gawa.
Pagdating sa tindahan, sasabihin ng clerk: 'Wala naman kaming inorder ah! ' Babalik ang delivery sa warehouse. Saka ngayon tatawag ang clerk sa publisher: 'Ba't ho ba antagal dumating ng order namin? '
Makalipas ang ilang eksenang tulad nito na animoy's bahagi ng isang walang kwentang sitcom sa TV, nakakaabo din ang librong Bob Ong sa mga istante ng book store. Doon nagpapatuloy ang mas makulay nitong kalbaryo.
[The following is a true story based on the author's experience. Parental guidance is advised.]
EPISODE #1
Dalawang magkaibigan ang kumuha ng Bakit Baliktad Magbasa ng Libro ang mga Pilipino? sa istante ng isang books store.
Kaibigan 1: Eto, maganda 'to...
Kaibigan 2: Ay, ano yan?
Kaibigan 1: [Magbabasa ng ilang linya.]
Kaibigan 2: [Matatawa.]
Kaibigan 1: Eto pa, tingnan mo...
Kaibigan 2: Ahahaha...
Kaibigan 1: [Patuloy sa pagbabasa para sa kaibigan.]
Kaibigan 2: AHAHAHA! ! !
Kaibigan 1: Hehehehe! ! !
Kaibigan 2: NGYAHAHAHAHA! ! !
Kaibigan 1: BWAHAHAAHAHAHA! !
[Matapos basahin ang buong libro sa loob ng tindahan...]
Kaibigan 2: 'Lika na, uwi na tayo.
Kaibigan 1: Sige.
(Katabi ako ng dalawang babae. Gusto kong magmakaawa. 'Miss, kahit donasyon lang, natawa naman kayo e! Sige na, miss! Kahit-barya lang....')
EPISODE #2
Misis: [Sa sales clerk] Miss, saan ho ba yung ABNKKBSNPLAko? !
Sales clerk: [Baguhan yata] Ay...um, pakitingin na lang ho sa children's book section.
EPISODE #3
Binata: [Sa sales clerk] Miss, meron na kayong bagong libro ni Bob Ong?
Sales clerk: Ano'ng title?
Binata: Ang Paboritong Libro ni Hudas...?
Sales clerk: HAHAHA! AHAHAHAHA! ! ! AHAHAHAHAHAHAHA! ! ! ! !
EPISODE #4
Bookstore: [Phone call sa publisher] Pwede na bang magpa-deliver ng Libro ng Demonyo?
Publisher: 'Yung paboritong libro ho ba ni Hudas?
Bookstore: Ay, oo! Yun palang Sinturon ni Hudas!
Pero labas sa mga kwentong nabanggit, mas nakakalungkot ang book industry sa bansa kesa nakakatawa. Napansin ko yon kahit noong di pa 'ko nagsusulat. Bilang mambabasa, nahalata kong limitado sa mga standard genre ang mabibili sa mga tindahan ng libro. Bukod sa mga coloring books, recipe, compilation, at business & religious books natin, puro mga bestsellers na lang ng ibang bansa ang makikita mo. Importante mang mga babasahin, kulang pa rin ang hatak sa mga tao para magbasa.
Sa ngayon e medyo lumalawak na ang espasyong nasasakop ng mga librong Pinoy sa pamilihan, pero makikita mong masyado pa ring maingat ang karamihan sa mga publisher at book store. Takot lumabas sa kahon dahil sa komersyalismo. Mabibilang pa rin ang mga itinitindang kopya ng graphic novels o essays ng mga pangkaraniwang tao, na medyo nakakalungkot kung iisipin. Buti pa kasi ang ibang industriya kahit papano nakakadaing sa gobyerno. Ang publishing industry, hindi. Bitin ang suporta sa mga manunulat. Sa tindahan pa lang ng libro...ano na, yung ano...ummmmm, hindi na 'ko magsasalita dahil baka hindi na nila itinda mga libro ko!
Sa kwento ng ibang manunulat, may mga practices daw ang ilang publisher dito sa atin na kung ikukumpara mo sa ibang bansa ay masyado nang madaya. Wala ka ring kalayaan bilang artist, dahil lahat ng gawin mo ay nangangailangan ng approval ng mga sarado ang isip at takot sumubok ng bago.
Ang pangarap ko sana sa publishing industry sa bansa e yung maging laganap ito at bukas sa lahat-interesante man ang paksa ng isang libro para sa'yo o hindi; may talento man ang nagsulat nito o wala; at published man ito ng totoong publisher o ginastusan lang ng galing sa sariling bulsa. Kung hindi man mabigyan ng pangalawang pagkakataon ang mga pumalpak na author, sana kahit man lang unang pagkakataon mabigyan ang iba pang gustong magsulat. Sana mas madali ang proseso tulad doon sa mga bansang maunlad. Mga bansang bukas ang isipan. Mga bansang nagmamahal sa libro at may respeto sa iba't-ibang idea ng tao.
Maraming magagaling na manunulat sa Pilipinas. Naglipana. Dahil ang totoo, ang bansa nating hikahos ay binubuo ng mga taong nag-uumapaw sa talento, hindi lang natin pinapansin o pinapahalagahan. Nakakatawa nga minsan, pero totoong hindi binibigyang importansya ang utak dito sa atin. Kahit tanungin mo pa ang mga Pinoy scientist. (Sabay-sabay: 'Meron pala tayo no'n! ?)
Madalas akong tumingin sa bargain books section ng mga tindahan ng libro. Dati, dumadayo rin ako sa book gairs at mga annual book sale. Doon mo makikita ang mga Disney books na presyong ginto at mga business books na hindi mo rin naman mabibili kung hindi ka milyonaryo. Bukod d'yan, doon mo lang din malalaman na meron palang mga librong tulad ng Electronic Pet Care, Does Y2K Equal 666, Sensational Knitted Socks, at Conversations with My Old Dog. Nasa isip ko noon: Pusanggala! Sino naman magbabasa ng mga ganyang libro? ? ?
Pero naisip ko ngayon, dapat ko pala hangaan ang aspeto na yon ng ibang bansa. Sa kanila kasi pwedeng isalibro ang kahit ano lang na maisip nila. Sa atin, halos kailangan mo ng doctoral degree para pagkatiwalaan kang magsulat ng librong wala rin namang magbabasa.
sa pambansang pagsusuri ng National Book Development Board sa mga Pilipinong may edad 18 taong gulang pataas noong 2003, lumalabas na 94% sa atin ang may kakayahang magbasa ng mga simpleng salita,90% ang nakapagbasa na ng libro, at 68% ang nakapagbasa na ng mga librong walang kinalaman sa eskwelahan.
Lumalabas na literado ang karamihan sa Pinoy. Pero sa pagsusuri, meron lang isang bookstore ang bansa para sa bawat 30,000 na Pilipino. Ayon din sa National Library,511 lang ang may municipal library sa 1,496 municipalities ng buong bansa, at 49 lang sa 80 provinces ang may provincial library.4% lang sa mga Pilipino ang may library sa bahay, at 42% ang di nakakaalam kung may public library sa lugar nila. Sa mga tinanong,60% ang kailangan pang mag-commute para makarating sa pinakamalapit na tindahan ng libro, at 18% ang di nakakaalam kung may bookstore man lang sa lugar nila.
Tinatantiyang anim na libong libro lang ang inilimbag ng Pilipinas mula taong 1593 hanggang 1900. Pero natapatan na natin ito sa loob lang ng isang taon noong 2003. Bukod d'yan, karaniwan na rin sa atin ang makapaglabas ng tatlo hanggang sampung libong kopya ng isang libro sa isang taon, di tulad noong 1990's na inaabot ng tatlo hanggang limang taon ang isang libro para lang makaubos ng isanlibong kopya. Pero sa kabila ng mga katotohanang 'to, nasa kawawang pangwalong posisyon lang ang Pilipinas sa sampung bansa sa Asya pagdating sa kalakalan ng book production-kahit pa mismong McGraw-Hill na ang lumalapit sa mga Pilipino para magsulat ng mga libro nilang nakatuon sa Asya.
GAWAING PANSANAY
1. Bilugan ang mga salitang hindi nabibilang sa pangkat:
- kidnapper, carnapper, mga nagbabasa ng libro ni Bob Ong sa bookstore pero di bumibili, bigas
- Incredible Hulk, The Undertaker, editor ni Bob Ong, holy water
- Newton, Mozart, mga mambabasa ni Bob Ong, ubo
- pagkain, tirahan, paperclip, anay
- kastilyo, ginto, mga imported na libro, asin
2. Ipaliwanag kung bakit paborito mong author si Bob Ong. (O kung hindi mo s'ya paborito, gawan ng thesis ang Theory of Relativity sa salitang Latin.)
Mrs. Connelly: Tell me about yourselves.
What do you do Alan?
Alex Rose: Uh, it's Alex.
Nancy Kendricks: Alex is a writer.
Mrs. Connelly: Oh, a writer. I always thought of that as more of a hobby than a real job. I suppose I'm forgetting about Joyce.
Alex Rose: Joyce. James Joyce. Of course. Wonderful writer.
Mrs. Connelly: He died drunk and penniless.
- Duplex (2003)

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success