Bob Ong - Stainless Longganisa(Last Part) Poem by opium lestre

Bob Ong - Stainless Longganisa(Last Part)

Inumpisahan ko ang diaglogue sa ikatlong libro para ipakilala sa mambabasa ang fiction. Umatras pa 'ko nang bahagya sa ikaapat para mas maging kumportable sila dito. Sa mga susunod pa, pwede na siguro ako magtangka ng maikling kwento o nobela. Tulad ng pagsusulat ko, ayoko rin kasing malimitahan ang pagbabasa ng mga tao sa iisang klase ng libro. Mas literado ang mambabasa, mas maraming pwedeng basahin. Kabilang na ang mga mas masusustansyang libro ng ibang manunulat.
Isipin mo na lang kung hindi naging palabasa ang mga Pilipino noong panahon ni Rizal. Taong 1887, mainit-init pa ang Noli Me Tangere. Nagkaroon ng kopya ang ilang tao.
Pinoy 1: Noli Me Tangere?
Pinoy 2: Nobela yata yan, pare. Boring yan!
Pinoy 1: Tama, para ngang nakakatamad basahin.
Pinoy 2: Paalipin na lang tayo sa mga Kastila!
Pinoy 1: Sige! Kahit na ninakaw ng mga Guardia Civil ang mga alaga kong manok kanina at iPod shuffle.
Pinoy 2: Rock on!
Sususlat pa rin ba ako ng tulad ng mga isinusulat ko ngayon? Gaya ng pagligo na ginagawa ko paminsan-minsan, malamang.
Isang fresh graduate ng Fine Arts ang lumapit sa akin nito lang 2005 para maging illustrator ng kung anuman daw libro ang isinusulat ko, kahit na hindi naman ako nangangailangan ng illustrator. Pero seryoso s'ya at abala sa pagbuo ng art portfolio na ipapasa sa mga kumpanyang gusto n'yang pasukan. At hindi s'ya matapus-tapos sa kaka-update ng portfolio para ipakita ang buong galing n'ya.
Masipag na bata. Kaya lang nakalimutan n'ya na wala sa mga ginagawa natin ang makakapagsabi nang sapat kung sino tayo. Dahil lagi tayong higit sa kahit anong trabaho na nagawa at gagawin natin.
Minsan iniisip ko kung sakto ba ang mukhang ipinapakita ko sa libro. Kung tutuusin malapit, kasi halong maloko at tahimik talaga ako. Hindi mo alam kung kelan nagpapatawa at kung kelan seryoso. Pero sa kabila ng di na mabilang na kwento, sa totoong buhay e mas masama at mas mabuti pa rin ako sa ako na 'nakilala' mo.
Isa sa mga sumulat sa akin ang nagsabing natuwa s'ya sa Ang Paboritong Libro ni Hudas kahit na medyo lumabas raw ang mga katarantaduhan at tunay kong ugali doon. Naisip ko: Ano'ng tunay na ugali? Na maloko akong tao sa kabila ng mga seryosong pananaw ko sa mundo? Wala naman yatang hindi pa nakakaisip noon. Masama akong tao, tulad mo, sa parehong paraan na mabuti kang tao, tulad ko.
Pero marami pa ring tao ang nalilito minsan. Pagkatapos nila makita ang sarili sa akin, itutulak nila ako sa itaas para sabihing iba ako. At pagkatapos kong maging iba para sa kanila, saka nila ako hahanapan ng mga kakulangan para sabihing wala rin pala akong pinagkaiba. Labo. Kaya pag may mga taong nagsasabi sa akin ng 'Iba ka, Bob! Iba ka! ' Alam ko nang ang ibig nilang sabihin e 'Hindi ka iba, Bob! Hindi ka iba! '
Pag binabasa ko ngayon ang una kong libro, natututo ulit ako. Kahit na kasi ako ang nagsulat noon, nakakalimutan ko pa rin ang mga bagay na naiisip ko lang kung hindi ako gaanong abala sa mundo. Tingin ko karaniwan lang yon sa mga tao. Kaya nga maraming natatakot sa pagsusulat e dahil sa alam nilang habambuhay silang babalikan ng mga binitiwan nilang salita. Ako, tanggap ko na yon. Sa libro pa lang na 'to hindi ko alam kung may mga kontradiksyon na sa mga sinabi ko. Pero yun narin ang kagandahan ng pagsusulat, ikaw mismo natututo sa mga totoo mong saloobin. At ano ba'ng problema kung nag-iiba ang opinyon mo? Tao ka, tumatanda, natututo.
Sa mga kabataang nanghihingi ng words of wisdom at laging nag-aakalang meron ako sa bulsa, meron nga. Ito, hindi ko ginagamit, inyo na lang:
Kumain ka na ng siopao na may palamang pusa o maglakad sa bubog nang nakayapak, pero wag na wag kang susubok mag-drugs. Kung hindi mo kayang umiwas, humingi ka ng tulong sa mga magulang mo dahil alam nila kung saan ang mga murang supplier at hindi ka nila iisahan.
Mag-aral maigi. Kung titigil ka sa pag-aaral, manghihinayang ka pagtanda mo dahil hindi mo naranasan ang kakaibang ligayang dulot ng mga araw na walang pasok o suspendido ang klase o absent ang teacher. (Haaay, sarap!)
Wag mawawalang ng gana sa buhay. Kung ano yung galing mo, kulit mo, lakas ng sigaw at tuwa mo sa mga laban ng UAAP, NCAA, mga sports fest, o concert ng paborito mong banda, wag mong iwawala hanggang sa pagtanda. Wag kang tutulad sa ilang kongresista na nagre-report sa trabaho para lang matulog.
Wag magmadali sa pag-aasawa. Tatlo, lima, sampung taon sa hinaharap, mag-iiba pa ang pamantayan mo at maiisip mong di pala tamang pumili ng kapareha dahil lang sa kaboses niya si Debbie Gibson o magaling siyang mag-breakdance. Totoong mas importante ang kaloobang ng tao higit anuman. Sa paglipas ng panahon, maging ang mga crush ng bayan sa eskwelahan e nagmumukha ring pandesal. Maniwala ka.
Tuparin ang mga pangarap. Obligasyon mo yan sa sarili mo. Kung gusto mo mang kumain ng balde-baldeng lupa para malagay ka sa Guinness Book of World Records at maipagmalaki ng bansa natin, sige lang. Nosi balasi. Wag mong pansinin ang sasabihin ng mga taong susubok humarang sa'yo. Kung hindi nagsumikap ang mga scientist noon, hindi pa rin tayo dapat nakatira sa jupiter ngayon. Pero hindi pa rin naman talaga tayo nakatira ngayon sa jupiter dahil nga hindi nagsumikap ang mga scientist noon. Kita mo yung moral lesson?
Kung gusto mong maging musikero, sige lang. Pintor, ayos! Inhinyero, the best! Kung gusto mong maging teacher, pilitin mong maging teacher na hindi makakalimutan ng mga estudyante mo. Kung guto mong maging sapatero, maging pinakamahusay kang sapatero. Kung gusto mong maging karpintero, maging pinakamagaling kang karpintero. Kung gusto mong maging tindero ng balut, wag kang dadaan sa harap ng bahay namin para mambulahaw sa gabi kung ayaw mong masaktan!
Mangarap ka at abutin mo 'to. Wag mong sisihin ang sira mong pamilya, palpak mong syota, pilay mong tuta, o mga lumilipad na ipis. Kung may pagkukulang sa'yo mga magulang mo, pwede kang manisi at maging rebelde. Tumigil ka sa pag-aaral, mag-asawa ka, mag-drugs ka, magpakulay ka ng buhok sa kili-kili. Sa bandang huli, ikaw din ang biktima. Rebeldeng walang napatunayan at bait sa sarili.
Hindi ako naniniwalang kailangan ng tao mangarap dahil gusto n'ya ng pera, o gusto n'yang sumikat, o gusto n'ya ng impluwensya. Side effects na lang ang mga 'to, tingin ko. Nangangarap ang tao dahil binigyan s'ya ng Diyos ng kakayanang mangarap at tumupad nito. Tungkulin n'yang pagbutihin ang pagkatao n'ya at mag-ambag ng tulong sa mundo. At wala na s'yang iba pang magagawang mas malaking kasalanan sa sarili bukod sa talikuran ang tungkuling yon at hindi bumili ng mga libro ko. [Subliminal message successfully inserted.]
.
.
.
Sa panghuli, higit sa lahat, magbasa ka ng libro. Kung nabasa mo lahat ang mga libro ko, salamat. Pero kung makakabasa ka pa ng ibang libro bukod sa mga isinulat ko o mga ipinabili ng teacher mo, mas magaling. Hikayatin mo lahat ng mga kakilala mo na magkaroon ng kahit isa man lang paboritong libro sa buong buhay nila. Dahil wala nang mas nakakaawa pa sa mga taong literado pero hindi nagbabasa. Ayos lang lumaki nang lumaki, magpatangkad, at tumanda nang walang natututunan-kung puno ka! Pero bilang tao, may karne sa loob ng bungo mo na nangangailangan ng sustansya. Maraming pagkakataong kakailanganin mong sundutin yon. At sa bawat sundot, tulad ng sundot-kulangot, mas maigi kung may kapaki-pakinabang kang makukuha.
GAWAING PANSANAY
1. Napansin mo bang tanong ako nang tanong? Ano ang problema ko?
2. Ilang beses ka nang napuyat kakasagot sa mga ganitong tanong ng textbooks? Bad trip ba?
3. Sa iyong pananaw, bakit andami ko ring ipinapagawa?
4. Isaulo ang tulang 'Assignments: Istorbo sa Panonood ng TV', at gumawa ng munting rally sa EDSA Shrine.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success