Banyuhay Ko Poem by Catherine Agunat

Banyuhay Ko

Kahapon, ang araw kung saan mundo'y unang nasilayan
Mga uha ko'y nagsilbing oyayi ng kapaligiran
Kalinga't aruga ay saganang tinamasa
Hanggang sa pagyabong, ilaw at haligi'y di nagsawa.

Ngayon, sa sukatan ng buhay ay nangalahati na
Kabataan ay nalagpasan, papaakyat na sa hagdanan ng pagtanda
Di mabilang kung ilang beses nang naulanan
Di na rin mapangalanan ang mga sigwang pinagdaanan.

Bukas, takip-silim ko'y paparating
Magiging malamlam ang araw, na ngayon ay maningning
Kung ipares sa banyuhay ng paru-paro
Ako na'y dadako sa huli kong yugto.

Pagsapit ng aking gabi, sa lakas at hininga'y magiging kapos
Kuwento sa pahina ng sariling buhay ay magtatapos
Ang nakatakdang pamamaalam ay doon na haharapin
At huling musika ko'y akin nang aawitin.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success