Ang Hagdan Ng Buhay Poem by Pacific Hernandez

Ang Hagdan Ng Buhay



Ang buhay ay hagdan na bawat baitang
ay mayroong turo't iniiwang aral.
Ang dulo ng hagdan ba ay narating mo
Anu-anong aral ba'ng naiwan sa iyo

Pagkabata’y una nating dinadatnan
Doo'y may mapupulot na konting aral
Ang buhay ng bata ay di laging tamis
Doo'y mayro'ng lumbay, may hapdi at sakit
Laruang nawala, kaibigang lumayo
O kagat ng langgam ay pagkasiphayo
May mga bagay na pag iyong ginusto
Sa pag-iyak lamang, ay magiging iyo
Sa konting sipag at pagkamasunurin
Mayro’ng gantimpalang sa iyo ay darating

Ilang taon lamang ay magugulat ka
Isang binatilyo/dalagita ka na
Ang pagiging bata ay iyong iniwan
Ikaw pala'y meron nang pananagutan
Sa mga kapatid, sa mga magulang
Sa ikabubuhay dapat nang tumulong
Ang pag-aaral na'y isang obligasyon
Sa tatag ng bukas ay isang pundasyon
Di lahat ng hiling mo ay makakamtan
Kailangang sila na ay pagpaguran

Sa pagkabinata o pagka dalaga
Sari-sari'ng taglay ng pag-ibig pala
May tamis, ligaya, hapis, kalungkutan
Pait o ligaya, bigo o tagumpay

Sa baitang na ito, iyong mamasdan
Mga paruparo ay nagliliparan
Sa mga bulaklak ay palipat-lipat
Ang bawat talulot ay gustong mapitas
Doo'y isang leksiyon ang dapat mapulot
Di dapat lagasin ang bawat talulot
ng isang bulaklak, di dapat mapitas
Kung hindi sa altar ay maihaharap
Ang isang bulaklak kapag nilamukos
Sugat na nalikha sa puso niya'y tagos
Sa agos ng buhay siya ay maaanod
Kung walang sasagip, siya ay lulubog


Sa pagiging ama't baitang na ito
Maraming aral ang matutunan mo
Ang dalawang panig, pag may argumento
Ang lumunok ng pride ay di pagkatalo

Salita'y may tinik na nakasusubyang
Kelangang salain, kelangang kalisan
Pagkapinuhin mo bago bibitawan
Salitang may tinik, kapag nakasugat
Maghilom man ito ay hindi kaagad

Ng malaking yaman ay huwag kang magkamal
Kung ano’ng meron ka’y iyong pagtiisan
Ang wala ka’y dapat mong pagpunyagian
Ang hindi sa iyo'y huwag pag-intresan
Ang kalooban mo kapag mayro'ng inggit
Ay hindi tiwasay, hindi matahimik

Sa dulo ng hagdan tayo’y nakarating
Anu-anong aral ba’ng naiwan sa ‘tin

Sa mga nagawan ng pagkakamali
Ng kapatawaran ay dapat humingi
Ang mga nagawang baluktot at lihis
Ng paumanhin ay kaya pang ituwid

Monday, September 21, 2009
Topic(s) of this poem: life
COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success