A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 5) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 5)

Homily
Meron kaming poster & slogan making contest. Bukas ang paligsahan para sa lahat ng gustong sumali...pati na rin sa mga ayaw - kami 'yon, mga Junior Practical Arts students!
Mahirap ang Prac Arts 3 dahil sunod-sunod ang projects. Nagawa na yata namin ang lahat na pwedeng magawa sa lapis, pambura, T-square, drawing board, triangles, foot rule, compass, protractor, pastels, tracing paper, illustration board, construction papers, at oras.
Katulad ng dat, cramming ang buong section. Lalo na 'ko, dahil ilang araw din ang nasayang ko sa 'planning stage.' Maganda ang slogan ko para sa anti-drug abuse campaign. Maganda rin ang pencil outline ko ng poste. Kaya lang 'yun pa lang ang nagagawa ko, kung baga sa bahay e nasa poste pa lang ako. At ang deadline...within 60 minutes.
Ayos lang, sabi ko. Sa basketball nga marami pang nangyayari sa loob ng 2 minutes,60 minutes pa kaya? !
Tama ako, may nangyari nga sa loob ng 2 minutes. May lumitaw na sugo sa pintuan ng classroom, pinapalabas kami dahil naka-schedule daw ang section namin na mag-rosary sa lobby. Oktubre noon, Rosary Month, at tuwing ganoong panahon taun-taon e nagiging Lourdes ang non-sectarian kong eskuwelahan.
Walang ingay, pero iisa lang ang mababasa mo sa mukha naming magkakaklase. '@$#%! Paano na ang project ko? '
Walang anu-ano pinalabas na kami sa room ng teacher ko.
'Sir, paano 'yung non-Catholics? ' may humirit.
Uy, uy, creative! Hanga talaga ako sa utak ng mga estudyanteng nagigipit. Hindi nga naman lahat kami e Catholic. At hindi nga naman lahat kami e Catholic sa lahat ng oras. Marami ang pwedeng maging Baptist, Buddhist, o Atheist kung kinakailangan. At ang hindi Catholic, pwedeng maiwan sa room at gumawa ng project. Hmmm...AMAZING GRACE! ! ! !
Dahil dito marami ang naging instant Hindu. Maski ako, muntik magpa-convert nang maisip kong may paraan pa pala para maisalba ang poster ko. Pero lumabas din ako ng room at nag-rosary nang maisip kong napakaliit na bagay nung project na 'yon para ipagpalit ang iilang prinsipyo ko sa buhay noon.
Hindi naman kami masyadong nagtagal. Nakabalik din kami kaagad ng rrom at nakahabol sa pagtapos ng project. Kahit hindi pa rin nakulayan ang post ko nang ipasa ko ito, nabigyan pa rin ako ng 82%. Hindi na masama.
(Abangan ang beatification ko sa Vatican)

Hindi rin masama gumawa ng parol ang nanay ko. Maganda ang mga project kong parol noong Grade 6 at first year high dahil sa kanya. Kaya noong second year, binalak kong sumali sa lantern-making contest. Bumili ako ng spherical na styrofoam na kasinlaki ng bola ng basketball para gawing globe. Balak kong ipakita ang 'Mundo Na Nababalot Ng Pagmamahalan Kung Kapaskuhan.' Kaya lang alas-dose na ng gabi hindi pa rin mukhang parol ang project ko. Tumulong na ang nanay ko.
Nang mag-ala una na ng umaga at wala pa ring nangyayari sa 'Mundo Na Nababalot Ng Pagmamahalan Kung Kapaskuhan, ' sinabi ng nanay ko na bumili na lang daw ako ng parol sa palengke kinabukasan at 'yun ang ipasa ko sa eskuwelahan. Ayos lang 'yon sa teacher ko dahil alam n'ya na busy kami sa iba pang projects, pero hindi ayos sa 'kin 'yon dahil alam kong may tsansang manalo sa paligsahan ang 'Mundo Na Nababalot Ng Pagmamahalan Kung Kapaskuhan' ko. Naniniwala akong quitters never win. Tinapos ko pa rin ang obra ko kahit na binigyan na ko ng nanay ko ng pera pambili ng ready-made na parol. Natulog ako ng alas-dos ng madaling araw at hindi na nakagising nang maaga para magsimbang gabi.
Pagdating sa eskuwelahan, marami ang namangha sa dala kong parol; isang maputi, malaki, at magandang parol. Tinanong ng teacher ko kung magkano bili ko.
'35 pesos, ma'am.'
'Napamahal ka, anak...30 pesos lang 'yan d'yan sa gilid ng gate.'
Anong nangyari sa 'Mundo Na Nababalot Ng Pagmamahalan Kung Kapaskuhan' ko? Ayun, hindi ko pinasa, nilipasan ng panahon at napuno na lang ng alikabok sa ilalim ng sofa namin. Sa isang aksidente e nasunog pa ito at nagliyab, buti na lang at nabuhusan kaagad ng isang baldeng tubig. Nang mapatay ang apoy, tapyas na ang globe ko. Nauwi ang 'Mundo Na Nababalot Ng Pagmamahalan Kung Kapaskuhan' sa 'Mundo Na Tinamaan ng Asteroid'.

Kahit wala akong talent, nakasali rin ako sa ilang programs noong high school. Isa na dito ang puppet show namin ng Rumpelstiltskin kung saan bukod sa nanginginig kong kamay sa loob ng puppet e wala nang iba pang parte ng katawan ko ang na-extra sa stage. Kinailangan din ng teacher ko na i-narrate ang umpisa ng kuwento sa audience dahil nabura sa cassette tape namin ang unang parte ng recorded narration.
Pero hindi 'yan ang unforgettable experience ko sa stage, kundi nung na-assign ang section namin sa isang Star Wars production noong Foundation Day. Oo, Star Wars. Sasayaw ang mga babae sa music theme ng pelikula at gaganap na androids at galactic warriors ang mga lalaki. May magba-ballet, may makkikipaglaban, may mga sasabog, at may mga patay-sinding ilaw. Meron ding gagawa ng excuses at magpapalusot para maging propsman na lang at makaligtas sa kahihiyan na mangyayari - ako 'yon!
Naglagay kami ng pulbura sa stage, sisindihan namin ang 'explosion' gamit ang katol na nakatali sa dulo ng mahabang sanga ng puno...parang magpapaputok sa bagong taon.
Umpisa pa lang ng program sinindihan na namin ang katol at inihanda, tapos nag-relax na kami sa gilid ng stage at nag-enjoy sa panonood. Lahat ng nakakakita sa amin nagtatanong kung nilalamok kami. Lumipas ang higit sa isang oras, natapos din ang mga kumanta, sumayaw, tumula, at tumambling sa stage.
Ayos, kami na. Naka-set na ang lahat. Pagdating sa stage, ayaw dumikit sa dingding ng isa sa dalawa naming 6x6 ft. posters na tatlong araw namin pininturahan ng black & silver para magmukhang outer space. Pag-akyat ng mga classmate ko sa stage, halong pagkamangha at panlilibak ang mahina naming narinig sa audience. It's showtime!
Nang oras na para sa explosion, ubos na ang katol namin. Pag bumili kami ulit ng bago, malamang na closing remarks na ng principal ang maabutan namin. Wala nang ibang paraan kundi maglakad kami sa gitna ng stage at sindihan ang katol at gamitin ang natitirang baga nito kahit na kasing-liit na lang ng butyl ng asin. Ayos, gumana! Kaso 'yung double explosion na dapat mangyari sa kaliwa at kanang bahagi ng stage e hindi nagkasabay. Pumutok 'yung kanan, at pagkatapos ng 30 seconds, 'yung kaliwa...'Puffft! ' Supot.
Ayos din 'yung stobelights na pinaghirapan namin i-set up. Dahil alas-sais lang ng hapon noon at nasa quadrangle kami, walang nakapansin na may nagpapatay-sinding ilaw. Siguro kung kumain na lang kami ng buhay na manok sa gitna ng stage mas natuwa pa 'yung audience.
Kinabukasan tahimik ang teacher namin. Walang nagkuwentuhan at hindi napag-usapan 'yung program. Lahat yata e nagpa-hypnosis para kalimutan ang ano mang naganap. Ako lang ang umaamin ngayon na may ganitong pangyayari sa eskuwelahan namin. Patay ako sa teacher at mga classmates ko. Tiyak.

Isa sa mga nagging requirement sa Practical Arts namin noong First year ay ang pagluluto. Napagkasunduan ng mga kasama ko na Menudo ang lutuin namin para ma-impress ng konti ang teacher.
Ayos. Nagtoka-toka na kami kung ano ang mga bibilhin naming ingredients. Okay n asana, kaso mo sa araw ng pagluluto, patatas ang dala ng classmate kong dapat magdadala ng pasas (raisins) . PA-TA-TAS. PA-SAS. Dahil yata naka-walkman s'ya nung nag-meeting kami.
Pero dahil noodles lang ang niluto ng kasabay naming grupo (at dahil nagkainan kagad sila at 'yung tira nila ang ipinatikim sa teacher!) , napagtiyagaan na rin ng teacher ang Menudo naming 90% patatas.
Solb?
Hindi gaano. Dahil naulit pa ang activity sa Second Year. Anak ng Menudo!
Babae ang teacher namin at sa Home Economics room kami nagluto kung saan nanananghalian ang ilang miyembro ng faculty. Marami at matitindi ang huhusga sa putahe namin.
Pumuporma pa lang kami, nagtanong na kaagad ang teacher kung masarap ang lulutuin namin.
'Yes, ma'am...M-Mechado po! '
Tumango s'ya at umalis. Maya-maya bumalik at tinanong kung kumpleto sa rekado ang 'Afritada' namin.
'Huh? ' bulong ng kasama ko. 'Anong Afritada? '
'Umm, ma'am' humirit ako. 'Mechado po.'
Tumango lang ulit ang teacher ko at umalis. Maya-maya bumalik na naman at tinanong kung tapos na ang 'Afritada' namin.
'Hindi pa po.' sagot ko, nakakunot na ang noo.
'Ma'am, ' hirit ng isa ko pang ka-grupo, 'Mechado po! '
Tulad ng dati, tumango lang ulit ang teacher ko, at umalis. Nagtanungan na ang mga kasama ko kung ano nga ba ang niluluto namin.
'Basta alam ko Mechado 'to! ' sagot ko.
Maya-maya pa e dumating na ang mga teachers para mananghalian.
'Ano bang niluluto ng mga bata? ' tanong nila.
'Afritada! ' pagmamalaki ng teacher ko.
Kahit na pare-pareho kami ng mga kagrupo ko na hotdog, itlog, at noodles lang ang kayang lutuin, insulto pa rin sa 'ming tawaging Afritada ang Mechado namin. Asar na kami.
Nang maluto ang ulam, nagsalu-salo na ang lahat sa mesa. Puno na ng kanin ang mga plato namin nang mapansin naming nagdarasal pa ang mga teachers. Pagyuko namin para magdasal, s'ya namang pagsandok nila ng kanin. Maya-maya may dumating na namang teacher at nagtanong:
'Wow, ambango naman, anong ulam 'to? '
Sabay-sabay na sumagot ang mga ka-grupo ko at ang mga teachers.
Isang beses lang kami nagluto, pero dalawang putahe ang nagawa namin.

Sigurado ako, kilala mo sila Salvador Tampac, Pablito Sarmiento, at Alfonso Tagle. Siguro para mas kwela at madaling tandaan kaya ginawang Cachupoy, Babalu, at Panchito ang pangalan nila. Pero tingin ko hindi mo kilala sila Tigang, Waway, McDo, Bungo, Guchiriz, at Baby Tsina. Kung kilala mo, malamang magka-batch tayo at nag-aral sa iisang eskuwelahan. Alias ng mga high school teachers namin ang binanggit ko.
Medyo nagmumurang kamatis na si Tigang - payat, maitim, masungit - pero magaling na teacher. Tinagurian s'yang tigang dahil sa pagiging terror at matandang dalaga. Tigang dahil parang lupa na uhaw sa ulan.
Samantala, kawawa naman ang mga nasa harapan ng klase dahil lagi silang naliligo sa laway pag nagle-lecture si Waway - kaya 'Waway'! May edad na rin 'to kaya kailangang magtina ng buhok para magmukhang bata. Kaso may mali yata sa paraan n'ya ng pagtitina, hindi pulido, kaya kadalasan e tatlo ang kulay ng buhok n'ya: itim, puti, brown. Sabi nila swerte raw ang pusang may tatlong kulay. Sa tao, ewan ko.
Si McDo naman ang teacher naming underweight at overacting. Pakiramdam n'ya lagi e sexy s'ya. 'Yung matulis at nakakasugat n'yang baba ang dahlia kaya s'ya inihalintulad sa kumakantang quarter moon sa isang commercial ng McDonald's.
Si Bungo ang teacher namin sa Music, ang may pakana ng karumal-dumal na Star Wars production. Hindi s'ya tatawaging Bungo kung hindi nakausli ang mga buto at ugat n'ya sa mukha. Pero kahit na mukha s'yang x-ray, magaling s'yang mag-piano at tipo ng mga kababaihan.
Mabaet at ayus naman si Guchiriz, kaya lang talagang nakakaelang 'yung puntu n'ya na tatak ng mga taga-timug na part ng bansa. Pero mas nakakailang si Baby Tsina na gumagamit pa rin ng mga kasuotang Tsino na ginagamit n'ya sa isang Chinese school na pinagtrabahuhan n'ya bago s'ya lumipat sa eskuwelahan namin.
Hindi ako ang may pakana sa mga bansag sa teachers. Hindi ko alam kung paano sila nagkakaroon ng alias at bakit hindi lahat sila e meron. Hindi naman lahat ng nabigyan sa amin ng alias e terror. At hindi rin lahat ng terror e may alias. Mataba ang teacher na naghagis ng mga notebook namin sa labas ng bintana, pero wala akong naalalang pagkakataon na may tumawag sa kanya ng baboy, hippopotamus, dinosaur, o Godzilla. Umpisa pa lang ng klase nilinaw na niyang hindi s'ya pwedeng bigyan ng alias. Sinunod naman s'ya ng mga estudyante. Hanga ako sa mga teacher na kayang ipag-utos ang respeto.
Pero meron ding mga teacher na kahit walang alias e interesante pa rin. Tulad na lang ng teacher ko sa Physics na dalawanpung taon nang nagsasabing magre-retire s'ya pero hanggang ngayon e nagtuturo pa rin ng mga friction, momentum, at potential energy. Puro potential energy lang yata s'ya talaga.
'Yung teacher ko naman sa Theology noong college e mukhang walang energy. Laging bagsak ang mga mata tulad ni Garfield, parang laging may pinupuntahang lamay gabi-gabi. Madalas s'yang magsabi ng 'I am very happy and thankful that all of you supported our outreach programs, ' pero kung hindi mo pakikinggan ang sinasabi n'ya at titignan mo lang ang mukha n'ya e para s'yang nagsasabi ng 'Nasunog ang bahay namin, may lumapastangan sa anak ko, natanggal sa trabaho ang asawa ko, at ako'y may cancer.'
May Science teacher din ako dating mukhang alitaptap dahil laging makintab ang damit, pamaypay, at kulay ng buhok. Pero no match s'ya sa misteryosong University staff na lagi naming nakikitang uma-attend ng First Friday Mass sa Gym. Pag pula ang damit n'ya, pula rin ang sapatos, stocking, bag, pamaypay, panyo, paying, at salamin sa mata. Laging terno-terno. Minsan green, minsan blue, minsan yellow. Meron din yata s'yang glow in the dark.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success