A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 2) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Part 2)



Pero may bisita o wala, regular man ang classes o hindi, alam lahat ng mga estudyante ang pwedeng gawin tuwing nababato sila. Eto ang ilan:
Laro: SOS
Players: 2
Gamit: Ballpen at papel
Mechanics: Alam mo 'yung Tic-Tac-Toe? 'Yun, ganon, paramihin mo lang 'yung cells at buuin ang salitang SOS.
Laro: Spin-A-Win
Players: 2
Gamit: Ballpen at papel
Mechanics: Pwedeng person, place, thing, o event. Alam mo 'yung Wheel Of Fotune? Ganon. Maghuhulaan lang kayo ng letters, tapos, unahang makahula ng mystery word ng kalaban.
Laro: F.L.A.M.E.S.
Player: 1
Gamit: Ballpen, papel, at maitim na pagnanasa
Mechanics: Isulat ang 'yong fullname. Isulat ang fullname ng crush mo. Bilangin kung ilan ang common letters ng pangalan n'yo. Kung ilan ang total mo, 'yun ang nararamdaman mo sa kanya. Kung ilan ang total n'ya, 'yun ang nararamdaman n'ya sa'yo. Kung ilan ang sum total n'yo, 'yun ang mararating n'yo. Anim ang letters ng FLAMES, bilangin kung saang letter tatapat ang total mo. Ang F ay friendship, L ay love, A ay anger, M ay marriage, E ay engagement, at S ay sweetheart. Kung higit sa 6 ang total mo, magbilang lang ulit mula sa F. Asar ako sa larong 'to kasi ang total ko dati love, total ng crush ko anger, total namin marriage. Pero Hapon ang asawa n'ya ngayon.
Laro: Giyera
Players: 2
Gamit: Ballpen, papel, at detergent soap
Mechanics: Sa magkabilang dulo ng papel, i-drawing ang mga tauhan n'yo. Bahala kayong mag-usap ng kalaban mo kung ilan at kung anong symbols ang gagamitin n'yo (ex. Tig-sampu kayo; mga kuwadrado sa'yo, tatsulok sa kanya) . Para tumira: Itayo ang ballpen mo sa pwesto ng isa sa mga tauhan mo. Ipatong ang hintuturo mo sa tuktok ng nakatayong ballpen. Gamit ang hintuturo, itulak ang ballpen upang dumulas papunta sa base ng kalaban, gagawa ito ng check mark sa papel. Sabo gang anumang tauhan ng kalaban na tatamaan ng check mark. Tapos ang laro pag naubos ang tauhan ng kalaban. Gamitin ang detergent soap para labhan ang uniform ng puno rin ng check marks.
Laro: Giyera Din
Players: 2
Gamit: Ballpen, papel, at pera
Mechanics: Para ding Giyera, pero iba ang paraan ng pagtira. Para tumira: Mag-drawing ng maliit na bilog sa base mo, punuin ng tinta ng ballpen ang loob ng bilog, kulayan maigi. Ngayon, itupi mo ang papel crosswise. Mula sa bakat sa likod ng papel, hanapin ang kinulayan mong bilog at kiskisin ito ng takip ng ballpen. Magkakaroon ngayon ng mantas sa base ng kalaban. Sabog ang ano mang tauhan n'ya na mamamantsahan ng tinta. Tapos ang laro pag naubos ang tauhan ng kalaban. Gamitin ang pera pambili ng panibagong ballpen pamalit sa isang wala nang tinta.
Laro: Spirit of the Coin
Players: 2
Gamit: Dalawang ballpen (Scribbler, Apache, o kahit anong ballpen na may butas ang pwet)
Mechanics: Hawakan at pagdikitin ang mga ballpen. Ipasok ang dulo ng isang ballpen sa pwet ng isa pang ballpen. Orasyunan. Magtanong. Pag tumaas 'yung pinagdugtungan ng dalawang ballpen, 'yes' ang sagot; pag bumaba, 'no'; pag hindi gumalaw, 'abstain', espiritu ng politico ang nakuha n'yo, mag-isip na lang ng ibang laro.
Marami pang ibang laro sa classroom. Isa na rito ang origami at ang pag-gawa ng mga eroplanong papel, pero boring 'to at kadalasang nauuwi lang sa batuhan ng mga nilukot na papel pagdating ng recess.

You are to travel from point A to point B and return. On the trip from A to B, you travel at thirty miles per hour. How fast would you have to travel from B to A in order to average sixty miles per hour for the round trip?
Hindi ko talaga alam kung bakit asar na asar ako sa Math! Sa kindergarten pa lang, inaantok na 'ko pag sinasabu ng teacher, 'One apple plus one apple...' Hindi ko alam na Math 'yun dati; basta alam ko, borrring talaga. Pag ganon na ang pinag-uusapan, tinititigan ko na lang 'yung poster ng mga alphabet sa room, from A to Z, tapos balik ulit sa A, paulit-ulit hanggang sa matapos ang teacher ko sa pagbilang sa lahat ng sangkap ng fruit salad. Mamamalayan ko na lang kakanta na pala kami ng 'If you're happy and you know it clap your hands...'
Nakaranas ako ng matinding delubyo noong Grade 6 ako. Star section, kaya pinili ang klase namin ng isang teacher na nagde-demo. May isang drawing ng puno sa blackboard na may mga bungang geometric figures. Pipitas kami ng bunga na may math problem, sasagutin namin ito para maging isang uri ng totoong prutas.
E 'lang hiya, natawag 'yung pangalan ko! Nanginginig akong lumakad sa harapan ng klase. Pinitas ko 'yung orange na pentagon na medium size (hindi ko malilimutan) , tapos ayun, isang math problem na hindi ko kayang sagutin. Gusto kong ibalik 'yung nabunot ko, pero lahat ng mata nakatutok sa akin - mga mata ng 40 na classmates, adviser, 'yung nagdedemo, principal, superintendent yata 'yung isa, at isa pang teacher na uzi(-sera) .
Pinagpawisan ako ng malamig at nanuyo ang lalamunan ko. 'Yung isang minutong itinayo ko sa harapan e parang isandaang taon. Walang nagko-coach ng sagot. Sa isip ko tinawag ko na lahat ng santo...pero wala man lang anghel na bumulong ng sagot sa tenga ko. Bumalik na lang ang kamalayan ko nung narinig ko na ang boses ng teacher na nagbibigay ng sobrang pasakit sa dignidad ko. 'Okay, so who would like to help Roberto? '
Whew! Wala, nung araw na 'yon, pormal kong isinumpa ang sakit sa puso na kung tawagin ay Mathematics...at hanggang ngayon hindi ko na kinalimutan ang sagot sa nabunot kong math problem. Tandaan: 8 X 7 = 56! ! !
Ewan ko ba kasi kung bakit mahirap na ang Math, 'yun pang mga teachers na kumakain ng bata ang pinagturo nito sa eskuwelahan namin. Lalo ko tuloy kinaasaran 'yung subject Buti pa ang alphabet nakakagawa ng equation (c= a+b) , ang number ba nakakagawa ng sentence (32 asked 4,150 if 7 will 69 8) ?
Bababa ba ang bill ko sa Internet pag nag-factor ako ng quadratic trinomial? Malulutas ba ng Laws of Exponents ang problema natin sa basura? Mababawasan ba ng Associative Law of Multiplication ang mga krimen sa bansa? Makakabuti ba sa mag-asawa kung malalaman nila ang sum and difference of two cubes? Maganda ba sa sirkulasyon ng dugo ang parallelogram, polynomial, at cotangent? Makatwiran bang pakisamahan ang mga irrational numbers? Anak ng scientific calculator!
Pero Math daw ang universal language. May math ang arts, music, science, at sports. Math ang time and space. Math ang relo, kalendaryo, mapa, pera, at mundo. Math ang haba, layo, bilis, laki, dami, taas, luwang, bigat, lapad, lalim, at hugis. Math ang katawan ng tao, pyramid, Titanic, Olympic Games, Mt. Everest, Lego, Rubik's Cube, Pacman, Monopoly, jigsaw puzzle, solar system, financial statement, piano, election, lottery, domino, dice, baraha at roleta.
Math din ang $17-billion Channel Tunnel na nakalapat sa ilalim ng English Channel sa pagitan ng England and France,31 miles 53 yards ang haba, at 24 ft.11 inches ang diameter. Pasok sa Guinness Record bilang longest undersea tunnel, kasama ng MGM Grand Hotel na may 5,005 rooms bilang biggest hotel, at ng CN Tower na may taas na 1,815 ft.5 in. bilang tallest building. Lahat ito pasok sa Guinness 2000 Lahat Math.
Mula sa pagtawid ng kalsada hanggang sa pagtatayo ng building at negosyo, nakabatay sa Math ang mga desisyong ginagawa natin sa buhay araw-araw.
Kaya kung kakain sa pizza parlor at mag-isa ka lang, 'wag ipa-slice sa walo ang isang buong pizza, hindi mo mauubos 'yon. At kung bibili ng kalamansi na tigsi-singkwenta sentimos, tumawad ka muna at itanong kung pwedeng dalawa-piso na lang. 'Yan ang Math.
Kung ang sagot mo sa math problem sa itaas ay 90 miles per hour. Mali ka. Sabi sa'yo...kaya ayoko ng Math.
Hanggang ngayon nasa akin pa ang Math notebook ko noong Grade 1. May sulat-kamay ito sa cover na 'Mafhemafics'.
Sa first page ng notebook e mga numbers ang nakasulat,0 to 5, paulit-ulit, pero iba-iba ang itsura. 'Yung mga '2' mukhang question mark at 'yung mga '3' mukhang paruparo. Kitang-kita ang mga bura at mali.
Naka-drawing din dito 'yung mga walang kamatayang kahon na may objects sa loob; isusulat mo kung ilan ang laman ng kahon. Nasagutan ko lahat. May malaking check ng pulang ballpen sa buong page at nakasulat ang '100'. Yesss! Perfect ako.
Sa magkabilang page e nakasulat ang numbers 1 to 50, at 51 to 100. Sa itsura pa lang, palagay ko inabot ako ng tatlong araw sa pagsulat ng mga numerong 'yon.
Sa mga sumunod na pahina e tambak pa rin ang mga count-the-objects-inside-the-box na activity. Iba-iba ang objects na naka-drawing: may bilug-bilog, guhit-guhit, ekis, tatsulok, lobo, lollipop, kariton, trumpo, tirador, yoyo, puno, mansanas, butones, bato, shells, at...'yung ibang object hindi ko maintindihan kung DNA o sperm cell. Wala pala kaming ginawa noon kundi magbilang.
Itinuro rin ang pera, roman numerals, fraction (one whoke, one holf, one third, one fourd) , days in a week, months in a years, at oras. Wala nang kasunod na lesson ang 'How to Tell Time.' Blanko na ang mga sumunod na pages sa notebook. Tama na sigurong malaman namin na lumalakad ang mga kamay ng relo at tumatakbo ang panahon.
Hindi ako makapaniwala sa Math notebook ko. Nakita ko ang trabaho ko nung 7 years old pa lang ako. Lahat ng nakasulat doon gawa ko, bawat guhit ng lapis at marka ng pambura. Isang batang may hawak na walking stick ang nasa design ng cover, at ang nakasulat: 'Let's go on! '

'A pleasant possession is useless without a comrade'
-Seneca

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success