A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Last Part) Poem by opium lestre

A B N K K B S N P L A Ko? ! - Bob Ong (Last Part)

Goodbye and thank you.
'Yan ang mga salitang binibitiwan namin noong high school pagkatapos magturo ng mga teacher. Automatic ang pagsasabi n'yan, kahit na nakatulog kami sa lecture o nagsermon lang ang teacher buong period.
Kilala ko pa ang 75 sa mga naging teacher ko, siguro mga sampu lang hindi ko na matandaan ang pangalan. Sa kanilang lahat, nagpapasalamat ako. Lalo na sa teacher ko sa Grade 1, na nagturo sa 'kin ng pananampalataya ('born again' yata) , sa Grade 2, na namalo sa 'kin nang di ko alam ang dahilan; sa Grade 3, na naging ulirang guro at laging tapat sa trabaho; sa Grade 5, na mahilig sumigaw sa klase; sa Grade 4 at 6, na parehong magaling magturo;
(hindi pa tapos)
...Sa adviser ko noong 1st year high school, na nagpiyansa para sa kalayaan namin ni Ulo; sa 2nd year, na nagturo sa 'Baon Gang' kung paano mag-power trip sa mga bulate sa likod ng high school building; sa 3rd year, na nagpakita ng kababaang loob kahit na patuloy ang paninira sa kanya ng ibang tao (uy, tsismis!): sa 4th year, na sa kabila ng santambak naming atraso e kinalimutan ang galit at hindi ibinoycott ang 'huling Christmas party' namin sa high school;
(konti na lang)
...Sa teacher sa English na naging galante sa pagpuri sa kanyang estudyante; sa teacher sa Social Studies na sa kabila ng kabagsikan e nagtiwala at isinali pa rin ako sa quiz show; sa terror na teacher ng Math noong Grade 5, na namamato ng sapatos (hindi ako na-under sa kanya!): sa isang terror na teacher ng Math noong Grade 5, na namamato ng sapatos at blackboard eraser (sa kanya ako na-under!): at sa teacher ko sa Music, na ginagawang sapatos at blackboard eraser ang mga estudyante.
Kung ang mga magulang na konti lang ang anak e nauubusan ng pasensya, paano pa kaya ang mga gurong sangkaterbang bata ang kaharap araw-araw? Basta wag lang sosobra, ayos lang sa 'king ang istriktong guro. Kagaya nung teacher ko dating isang batas lang ang ipinatupad sa klase: 'Bawal ang tamad! ' Malinaw ang batas, alam namin ang kaparusahan. Isang taon naming nakalimutan ang katamaran, lahat nag-aral maigi...at natuto!
Maraming bagay ang naituturo ng mga teacher sa estudyante nang hindi sinasadya. Maraming bagay ang natututunan ng mga estudyante sa teacher nang hindi nila alam. 'A teacher affects eternity, no one can tell where his influence stops.' Para sa lahat ng magaganda at pangit na lesson na wala sa lesson plan at hindi kasama sa binayaran kong miscellaneous fee, nagpapasalamat ako sa mga teacher ko at eskuwelahan.

Sa mga barkada ko sa elementary na nagturo sa 'kin lumusot sa mga barbed wire ng bukiring may 'No Trespassing' sign.
Sa mga barkada ko sa high school na nagturo sa 'kin kumain sa college canteen kung saan nasa katabing mesa namin ang mga dissected mammals ng college students.
Sa mga barkada ko sa college na nagturo sa 'kin uminom ng beer na room temperature at kumanta habang naglalakad.
Sa mga barkada ko sa iba't-ibang eskuwelahan na nagturo sa 'kin ng 'The Joy of Transferring.'
Sa mga una kong naging guro: ang mga magulang at kapatid ko.
Sa taong nag-edit, nag-type, gumupit, at nagdikit sa mga papel para mabuo ang librong binabasa mo ngayon - si Ponkan.
Sa mga accomplice at spiritual adviser ko: TLC, Roock, Nightowl, Wisely, Guess, mhalcon, Juan Luna, at L. Perez.
Sa mga contributor, moderator, lister, sysop, chatter, subscriber, artist, at squatters ng bobongpinoy.com
Sa mga webmaster, writer, Pixelboys, at netizens na tumulong sa 'kin.
Sa mga kaibigan, katrabaho, kamag-anak, kapitbahay, at mga kababayan na naging inspirasyon ko kahit na hindi nila ako kilala.
Sa mga estudyanteng masaya at di-gaanong masaya sa kurso, eskuwelahan, teacher, classmate, at results ng mga exams nila, pero determinado pa ring harapin ang buhay at abutin ang pangarap.
At sa mabait, magaling magturo, at pinakamatalinong guro na gumawa ng langit at lupa.
SALAMAT PO NANG MARAMI.
(Parang may nakalimutan pa 'ko...)
Oo nga pala! Salamat din sa teacher ko sa kindergarten.

Seryoso. Simple lang ang pangarap ko nung bata ako: makapagtrabaho nang naka-long sleeves at may kurbata. Kung magkikita kami ng batang 'yon ngayon, tiyak masisigawan ako. 'Bakit hindi ka naging waiter? ? ? '
Rewind.
Hindi uso dati ang pre-school. Basta nakapagkinder ka, swerte ka na. Lalo na 'ko dahil ilang beses ko rin 'tong inulit.
Dalawang minutong lakad lang ang layo sa 'min ng eskuwelahan. Iisa 'yung classroom at 'yung garahe ng Barangay Captain namin. Bring your own upuan. Dyes ang baon. Kaharap na sari-sari store ang canteen. Asul na shorts at puting t-shirt na may logo ng DSWD ang uniform. May libreng merienda tuwing hapon: lugaw, ginataan, o kaya sopas. May giveaway din gatas at sweet corn paminsan-minsan. Tinitimbang kami regularly. Hinihintay ko nga kung ibebenta kami o ipapakain sa mangkukulam ng Hansel and Gretel! Ngayon ko lang nalaman na 'yun na pala 'yung tinatawag na Day Care Center at Child Feeding Program ng gobyerno dati.
Masaya sa eskuwelahan namin. Laging nakapaikot ang mga tao sa room, nanonood. Wala pa kasing gaanong TV sa lugar namin noon. Kaya kami ang ginagawang PBA, Marimar, at Discovery Channel ng buong barangay.
Natutulog (2x)
si Bob Ong (2x)
Atin s'yang gisingin (2x)
ding-dong-ding (2x)
Maririnig mo ang buong klase na kumakanta n'yan pag nahuli kang medyo nahihimbing sa pagtulog. Dahil may kahihiyan ang mga bata, kadalasang mabisa ang kantang 'to pampawala ng antok. Pinipilit nilang makinig sa klase kahit na pulang-pula na ang mga mata nila. 'Yung mga classmates naman, walang sumisigaw, walang nagagalit sa'yo. At 'yung teacher, hindi ka tatakutin o bibigyan ng memo. Walang masususpinder o magkakaroon ng record. 'Yan ang buhay sa kindergarten. Isang mabisa at huwarang gobyerno. Puno ng dangal at respeto. Minsan.

Hindi mo ginusto 'to. Pero sa sarili ay may nangyayaring gulo. Walang nakakaalam, walang nakakarinig. Ayaw mong humingi ng tulong dahil alam mong wala ring makakatulong sa 'yo. Isa ito sa mga mapaklang katotohanan sa buhay. Maaaring ngayon lang ito nangyari, pero alam mong maaari itong mangyari ulit, kahit kailan, kahit saan, kahit kanino.
Alam ba ng mga kamag-aral ko? Hindi siguro, dahil taimtim silang nagsusulat ng pangalan nila sa papel nang paulit-ulit. Alam ba ng katabi ko? Hindi siguro, dahil seryosong-seryoso ito sa pagkukulay ng mga iginuhit n'yang bahay, araw, at puno. Alam ba ni Madam? Hindi rin siguro, dahil abala ito sa pagbabantay sa iba mo pang mga kamag-aral. Walang nakakaalam ng kalagayan mo, ng paghihirap mo ngayon.
Hindi mo na kaya ang lahat, ayaw mo nang mag-isip, nais mo nang tapusin ang dusa at pasakit. Hindi mo na alintana kung kutyain ka ng kahit na sino man, tumigil lang ang pagtulo ng mga malalamig na butil ng pawis sa iyong katawan. At naisip mong...Ngayon Na! Bigla mong inilabas ang sama ng loob. Ang demonyo sa iyong bituka. Ang walanghiyang pagkain na nagpupumiglas sa kaloob-looban mo. Lumipas ang mga sandali. At doon nakahinga ka nang malalim, nang matiwasay. Tumigil na ang unos, payapa na ang kapaligiran. Ginusto mong ngumiti ngunit may nagbanta sa kasiyahan.
'Ambaho, ano ba 'yon? ! '
Isang kamag-aral ang nangahas na nagsabi ng katotohanan. Hindi mo alam kung sino, pero ninais mo s'yang isumpa. S'ya at ang kanyang malaking bunganga. Gusto mo s'yang pagbayarin sa ginawa n'yang kasalanan ngunit meron na namang humirit.
'May mabaho nga! ! '
Huh? ? Totoo ba ang narinig mo? Hindi lang isa ang traydor sa mga kaklase mo. May isa pa, at isa pa, at isa pa...dumarami sila. Hindi mo na alam ang gagawin mo. Bakit kailangang mangyari ang ganitong trahedya sa isang bata?
'Okay! Stand up, everybody. We shall dance and sing! '
Hindi sila pinansin ni Teacher, ligtas ka na, pero ano 'tong gusto n'yang ipagawa? Paano ka tatayo? Paano mo ipagtatapat ang lahat? Umikot ang iyong mga mata, pumihit ang iyong ulo, pero wala sa paningin mo ang nanay mo, o si ate't kuya, kanino ka hihingi ng saklolo?
Litong-lito ka na nang mapansin mong lahat ng kamag-aral mo ay nakatingin na sa'yo, pati si Teacher. Ikaw na lang ang nakaupo. Lahat naghihintay na sa iyong pagtayo, mga matang nakatitig sa iyong mga mata. Tahimik ang buong klase, tibok ng puso mo lamang ang tanging naririnig mo. Hindi mo na alam kung ano pa meron ang buhay. Ayaw mo na sana gumalaw, ngunit tinapos ng isang bata ang kalbaryo mo nang basagin n'ya ang katahimikan.
'Ay, Teacher, tumae s'ya! ! ! '
Wala ka na ulit naalala.

COMMENTS OF THE POEM
READ THIS POEM IN OTHER LANGUAGES
Close
Error Success